78

1K 82 7
                                    

Bago ako umalis ay nilibot ko muna ang tingin ko sa paligid. Inaalis ng ibang pulis ang mga tao na gustong makiusyoso sa mga extra. Sila Bryan naman ang humarap sa bangkay ng mga extra na napatay ni Valentina.

Nang akmang lilipad na sana ako ay may napansin ako. Isang lalaki ang nakatingin sa akin at bahagyang nakangisi. Hindi ko alam kung sa akin nga ba siya nakatingin o baka namali lang ako. Pero kakaibang kaba ang naging dulot sa akin nung mga titig niya.

“NARDA!”

Agad akong tumakbo papunta sa lugar kung saan nangyari ang labanan kanina. Hinanap ko kung nasaan ang kotse ni Regina. Sana ay hindi siya lumabas kanina.

“Regina? Ali?” pagtawag ko sa kanila.

Lumapit ako sa mga kotse na nakaparada. Hindi naman ako nabigo nang makita ko ang kotse ni Regina. Agad binuksan ni Ali ang pinto at pumasok ako agad. Naabutan ko si Regina na nakasandal at natutulog o walang malay?

“Anong nangyari, Ali?” tanong ko. Mabilis kong hinawakan sa pisngi si Regina para tingnan kung okay lang ba siya.

“N-Narda?” mahinang tawag niya sa akin.

Agad niya akong niyakap. Sobrang higpit ng yakap niya sa akin kaya ganoʼn din ang ginawa ko sa kaniya.

“Saan ka nagpunta? Sobrang takot na takot ako kanina. Akala ko kung ano na nangyari sa ʼyo. Hinanap kita kanina...” sabi niya pa.

Nilayo ko siya ng bahagya sa akin para matitigan ko siya. Namumuo ang luha sa mga mata niya at mahigpit ang hawak niya sa kamay ko ngayon.

“Lumabas si Regina kanina para hanapin ka, Narda. Sinundan ko siya dahil delikado kanina. Naglalaban si Darna at ang tatlong extra, natatakot ako na baka tamaan siya nung tinik nung isang extra,” paliwanag naman ni Ali.

“Good thing dumating si Valentina para patayin ang mga extra na ʼyon. Oh God! Akala ko talaga kanina tatamaan na ako nung tinik,” sabi pa ni Regina.

Dahan-dahan kong hinahaplos ng daliri ko ang pisngi niya. Bakas ang takot sa mukha at sa tono niya. Medyo nanginginig pa nga ang kamay niya ngayon.

“Nakita ko rin kanina kung paanong pinatay ni Valentina ang mga extra. Nakita ko lahat ng nangyari kanina,” sabi ko naman.

“Good to know that you are okay. Huwag muna tayong lumabas, baka mamaya may mga extra pa na dumating,” sabi niya pa sa akin.

Tipid akong ngumiti at niyakap siya ulit. Napadako ang tingin ko sa labas ng bintana at muli kong nakita ang lalaking nakatingin sa akin kanina noong si Darna ako. Nakatingin siya rito sa amin na para bang nakikita niya kami kahit na tinted naman ang kotse ni Regina.

“Regina, nasa labas ang Daddy mo,” sabi ni Ali.

Kumalas si Regina sa akin at bumaling sa labas ng kotse.

“Letʼs go, Narda. Nandito si Daddy, kailangan kong alamin kung okay lang ba siya,” sabi niya at agad binuksan ang pinto.

Tahimik akong sumunod sa kaniya. Pabilis nang pabilis ang tibok ng puso ko habang palapit kami sa gawi ng lalaking nakatingin sa akin kanina.

“Regina, my daughter! Are you alright?” tanong ng lalaking iyon kay Regina.

Ang lalaking nakita ko kaninang nakatitig sa akin bilang si Darna ay Daddy ni Regina? Bakit ganito ang kaba na nararamdaman ko?

“Iʼm okay, Daddy. Iʼm scared pero okay naman na ako. Wala namang ibang nangyari sa akin,” sagot ni Regina.

Nilibot ko ang tingin ko sa paligid. May ilang tao pa rin pero hindi na kasing dami tulad kanina. Wala na rin ang mga bangkay ng extra dahil nadala na iyon ng mga pulis at ambulansya.

“Regina, Narda. Anong ginagawa ninyo rito?” tanong ni Bryan sa amin.

Kalalapit niya lang at puno ng pagtataka siyang nakatingin sa amin. Hindi naman ako makasagot dahil sa lalaking nasa harapan ko. Mariin ang titig niya sa akin kaya nagdudulot iyon ng kakaibang takot sa akin.

“Dito talaga ang meeting place namin nila Daddy. Then nagulat na lang kami na may mga extras pala,” sagot ni Regina.

Ilang beses akong napakurap at umiwas ng tingin sa kanila. Ni isa sa kanila ay hindi ko magawang tingnan. Hindi ako mapakali.

“Okay lang ba kayong lahat?” tanong ng Daddy ni Regina. “Ikaw, hija... Okay ka lang ba? Hindi ka ba napuruhan?” tanong nito sa akin.

Pinantayan ko ang tingin niya pero hindi ko pa rin iyon magawang tagalan. Tipid akong ngumiti sa kaniya at tumango.

“Okay lang po ako. Nakapagtago naman po ako kanina habang may naglalaban,” sagot ko naman.

“Mabuti naman kung ganoʼn. Lumipat na lang tayo ng ibang place para makapag-usap tayo nang maayos,” seryosong sabi nito.

“Yeah right. Letʼs go, Narda.” Umangkala sa akin si Regina.

Napansin kong napatingin sa braso namin ang Daddy ni Regina. Bahagya pang umangat ang gilid ng labi niya habang nakatingin doon.

“Mag-iingat kayo,” bilin ni Bryan sa amin.

Bumalik na kami ni Regina sa kotse. Hindi ko alam kung saan kami pupunta pero hinayaan ko na lang at tahimik lang ako buong biyahe.

“Hey, Narda. Are you okay?” tanong niya sa akin.

Bumaling ako sa kaniya. “Iniisip ko lang kung paanong nakarating din si Valentina rito,” sagot ko sa kaniya.

Si Darna ay may source para malaman kung saan may gulo. Si Valentina ay hindi ko alam kung paano niya nalalaman. Bigla na lang siyang sumulpot kanina. Tinulungan niya nga ako sa mga extra pero pumatay pa rin siya.

“Si Darna ay parang si Valentina lang din. Parehas silang superhero kaya alam nila kung kailan at saan ang gulo,” sagot ni Regina.

Umiling ako sa kaniya na ipinagtaka niya. Hindi ko maikokonsidera na superhero si Valentina.

“Si Valentina ay isa lamang ding extra. Pumapatay siya ng tao, Regina. Hindi makatarungan iyon. Ang superhero ay hindi pumapatay,” sagot ko naman.

Tumaas ang isang kilay niya dahil sa sinabi ko. Alam ko namang magkaiba kami ng paniniwala, e. Pero gusto kong malaman niya na hindi dapat sinasamba si Valentina.

“Narda, kung wala si Valentina kanina siguro ay maraming namatay na inosente nang dahil sa mga extra. Wala ngang nagawa si Darna kanina. Hindi man lang nga niya nagawang talunin ang isang extra,” may bakas na sarkastiko sa tono niya.

“Ginawa ni Darna ang makakaya niya kanina,” sagot ko naman.

“But thatʼs not enough. Valentina is better than her. Si Valentina ang dapat na tinatawag na superhero,” mahinang sabi niya habang may ngisi sa labi.

Regina, bakit parang kumakampi ka na kay Valentina? Ikaw na isang abogado na ang hangad ay hustisya at maayos na pataw ng parusa sa mga may sala. Bakit pumapabor ka na sa babaeng pumapatay?

Anong nangyari sa Regina Vanguardia na nakilala naming lahat?

To be continued. . .

DarLentina (COMPLETED) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon