Chapter 9
Patawa-tawang naglakad papalayo si Sheldon habang isinusuot niya ang kanyang bag. Inumpisahan na naming maglakad dahil baka abutin na naman daw kami ng mga hamog kapag nagkataong nagtagal pa kami rito sa gubat, isa pa ay baka hanggang ngayon ay nagmamasid pa rin sa paligid ang mga taong humahabol sa amin.
Hindi niya ako nililingon habang paika-ika akong naglalakad at sinusundan lamang ang kanyang mga hakbang. Mabilis siyang maglakad at medyo nahuhuli ako nang kaunti dahil nga hanggang ngayon ay masakit pa rin ang paa ko.
Hawak-hawak ko pa rin si Aphro hanggang ngayon. Parang ayoko na nga siyang bitiwan dahil sa nangyari. Kaya ngayon, si Sheldon ay humahagalpak ng tawa dahil sa maling iniisip ko kanina. Malay ko ba naman kasing umalis lang si Aphro sa tabi ko para maghanap ng makakain niya? Isa pa, sinabihan niya kaya ako kagabi na gutom na siya at gusto niyang kainin 'tong alaga ko. Sino ba namang hindi mag-iisip ng ganoong mga bagay?
"Bilisan mo, Leeg!" tawag nito sa atensyon ko. Hindi talaga niya ako nililingon kaya't hindi niya makita kung gaano ako naghihirap na ihakbang ang mga paa ko. Parang kulang pa ako ng lakad upang maglakad at sumabay sa kanya patungo sa kung saan. "Baka makain 'yang pusa mo."
"Eh kung palit kaya tayo ng paa, tangina ka?" Pinilit kong ihakbang ang aking mga paa patungo sa kanya nang minsang siya'y tumigil upang tunguhin ako ng tingin. Hingal na hingal akong lumapit sa kanya at napapapikit na rin dahil sa pagod. "Gusto ko munang magpahinga—"
"Hindi tayo maaaring magtagal dito," sabi niya. Inilagay niya sa kanyang harapan ang kanyang suot-suot na bag. Binuksan naman niya 'yon saka siya kumuha ng prutas at inabot niya sa 'kin. "Oh."
Tiningnan ko lamang 'yon bago ko ibinigay ulit ang atensyon ko kay Sheldon. "Ano'ng gagawin ko riyan? Makakatulong ba 'yan para makapaglakad ako nang maayos?"
Binawi niya 'yon. "Hindi. Pero para sana magkaroon ka ng lakas. Kaso parang ayaw mo naman," mahinang sabi niya saka niya kinagatan ang prutas na hawak niya. Naririnig ko pa ang pagkalutong ng kinakain niya.
Tinampal ko ang braso niya, na siyang dahilan upang maagaw ko ulit ang atensyon niya. "Baliw ka ba? Binibigay mo sa 'kin 'yan tapos ngayon, kinagatan mo. May saltik ka ba?"
Haplos-haplos ang balikat, napatawa siya sa 'kin bago niya inabot ang hawak niyang prutas. "Ang arte mo kasi," turan niya. "Oh, kunin mo na bago ko ulit kagatan."
"Papakainin mo 'ko ng kinagatan mong pagkain?"
Tumango siya. "Ito na lang ang natitirang prutas sa bag ko. Kaya ito na lang maibibigay ko," mahina niyang sabi habang patuloy pa ring inaabot ang prutas sa akin. "Kunin mo na, ang arte mo."
Inirapan ko siya bago ko iyon hinablot sa kanyang kamay. "Sure kang safe 'to? Baka may—"
"Kung may lason man 'yan, at least, ako ang unang kumagat. Mamamatay ka sa sarap."
Sumimangot ako dahil sa sinabi niya bago ko siya tinulak nang buong pwersa kaya siya napatumba mula sa kanyang kinatatayuan. Binilisan ko ang paglalakad ko upang hindi niya sana ako maabutan kaso maling desisyon ang ginawa ko. Naabutan pa rin niya ako dahil sa bilis ng takbo niya patungo sa kinaroroonan ko at saka niya ako sinabayan sa paglalakad.
"Ang sungit mo talaga!" Bumuntonghininga siya. Nilingon niya ang buong paligid at sumilip siya sa mga kakahuyang nakatayo sa paligid namin. "Medyo matagal pa tayo papunta sa Little Burg."
Medyo mataas na rin ang sikat ng araw pero hanggang ngayon ay mukhang malabo pa rin kaming makalalabas dito sa loob ng gubat. Kanina pa kasi kami naglalakad mula noong nakuha ko na si Aphro, subalit hanggang ngayon ay nasa loob pa rin kami ng masukal na kagubatan. Paminsan-minsan din kaming nakakakita ng mababangis na hayop kaya't napapatigil kaming dalawa ni Sheldon upang magtago sa likod ng puno.
BINABASA MO ANG
Scar In The Bone (Completed)
FantasyScar Saga (Season 1&2) The Astrea was cut by Scar, and divided into two parts caused by human discord and conflicts in the middle of the abyss in rivalry for the Sun Goddess' gemstone, which she had left a hundred years ago. The power of the said st...