Chapter 50
Tahimik ang naging paglisan namin. Wala kaming kaide-ideya kung saan kami pupunta. Basta ang alam lang namin ay kailangan naming maghanap ng mapupuntahan nang hindi kami nasasangkot sa kahit na anong kaguluhan. Wala akong kaalam-alam mula sa aming tinatahak na daan dahil ngayon lamang din ako nakapunta sa lugar na ito. Ang ginagawa ko lamang habang kasama ko si Morgan na nakasakay sa kabayo ay sumusunod lamang sa yapak ng mga kasama namin.
Ilang oras na rin kaming nagpapatakbo ng kabayo sa ilalim ng masukal na kagubatan. Medyo madilim sa paligid dahil napapaligiran ng matataas na punong malalago ang mga dahon ang tinatahak naming daan. Mayroon din namang sumisilay na mga liwanag na nanggagaling mula sa sikat ng araw at magkakalayo ang mga 'yon.
Nang tumigil mula sa pagtakbo ang kabayong sakay nina Celina at Leo, dahil sila ang nangunguna mula sa pagtatahak ng daan, ay pinatigil ko rin ang kabayong sinasakyan namin ni Morgan. Pinaglakad na lamang namin ang mga kabayo namin hanggang sa tuluyang makalabas kami ng masukal na kagubatan.
Ngayon, mas maaliwalas na ang paligid. Magkakalayo ang mga puno at mayroong may kalawakang field na napaliligiran ng matataas na damo. Tama lamang din ang taas niyon dahil hindi naman naabot ng mga iyon ang sinasakyan namin.
Ipinagpatuloy namin ang paglalakbay namin. Ihip ng sariwang hangin ang siyang bumungad sa amin habang tumatawid ng may kalawakang field. Maririnig ang pagkaluskos ng mga damo sa paligid namin habang tinatahak namin 'yon. Ngumit paminsan-minsan din kaming napapahinto dahil ngumunguya ng damo ang kabayong aming sinasakyan.
Mabuti na lamang at hindi pa masyadong masakit ang sinag ng araw sa balat. Tama lamang din ang hanging umiihip sa paligid upang hindi masyadong manuyo ang aming balat at lalamunan.
Malapit na kaming makatawid mula sa field nang bigla na lamang nanginig ang mga kabayong sinasakyan namin, dahilan upang mahulog kami ni Morgan mula sa pagkakasakay, at mabitiwan ang espadang hawak-hawak ko. Mabuti nga lamang ay nahawakan ko pa si Morgan at naisangga ko ang katawan ko bago kami tuluyang bumagsak sa damo. Mabuti na nga rin at hindi ako masyadong nasaktan dahil sa kapal ng damo sa paligid. Ayun nga lang, sumakit ang sugat ko nang dahil doon.
Napasigaw pa nang malakas si Celina mula sa harapan namin. At gaya ng nangyari sa aming dalawa ni Morgan ay nahulog din ang dalawa mula sa pagkakasakay ng kabayo.
Gano'n na lamang ang gulat namin nang mapansin naming tila naninigas ang mga kabayo mula sa kanilang kinatatayuan. Habol-habol nila ang kanilang mga hininga na para bang nawawalan na sila ng hangin sa loob ng kanilang baga. Ni hindi sila makasigaw nang dahil doon. Iniisip kong baka pagod lamang ang mga ito mula sa paglalakbay, pero hindi naman magigingganoon ang asta nila kung nagkataong pagod nga ang mga ito. Sinigurado kasi naming may lakas ang mga kabayo namin bago kami tuluyang umalis.
Naabangan ko ang paparating na mga palaso mula sa kaliwang bahagi ng field at tumusok iyon mula sa katawan mga kabayo, dahilan upang mapasigaw ang mga ito nang napakalakas kasabay ng pagkakabagsak nila sa kanilang kinaroroonan. Dumaloy ang kanilang sariwang dugo at bumulwak pa iyon patungo sa suout naming damit.
"Soleil!" tawag ni Celina sa atensyon ko. Nang lingunin ko ito ay nakita ko na itong papatakbo patungo sa kinaroroonan naming dalawa ni Morgan habang hawak-hawak ang espada. Saka na lamang ako naalerto't isinangga ang katawan ko mula sa pagkakahawak ko kay Morgan nang makita ko ang paparating na palaso. Napapikit pa ako habang yakap nang mahigpit si Morgan. Narinig kong kumalansing ang espadang hawak ni Celina kaya't iminulat ko ang aking mga mata. Nasangga niya 'yong palasong patungo sa amin ni Morgan. "Tayo, bilis! Sinusugod nila tayo!"
Inilahad ni Celina ang kanyang kamay. Ibinigay ko naman ang aking kamay at kaagad na tumayo habang hawak pa rin si Morgan. Ibinigay ni Celina ang espada sa akin.
BINABASA MO ANG
Scar In The Bone (Completed)
FantasyScar Saga (Season 1&2) The Astrea was cut by Scar, and divided into two parts caused by human discord and conflicts in the middle of the abyss in rivalry for the Sun Goddess' gemstone, which she had left a hundred years ago. The power of the said st...