Chapter 10
Ingay sa buong paligid ang siyang namutawi nang makarating kami ng Little Burg sakay ng wagon car. Bukod sa tunog ng umaandar na sasakyan at mga sigaw ng mga taong nasa labas ng sinasakyan namin ay maririnig din ang mga sigaw at paa ng mga kabayong nagwawala sa kung saan. Madilim na ang buong paligid nang makarating kami rito at mukhang walang balak na tumigil iyong sinasakyan namin. Patuloy lamang iyon sa pag-usad.
Paminsan-minsan ay sumisilip ako sa labas upang tingnan ang mga taong nagsipagkalat sa buong paligid, mula sa iba't iba nilang kasuotan. Mayroon pa akong nakitang isang telang kahawig no'ng damit ni Val, at mukhang babagay iyon sa kanya kung sakaling nakuha o nabili man niya 'yon. Bukod sa hindi ko muna mahaharap sa ngayon si Val nang buong-buo ay wala rin akong pera upang mabilhan siya ng bago niyang gamit. Mukhang kailangan ko pang pagtrabahuhin nang husto ang bagay na nais kong bilhin, at hindi ko alam kung saan ako maghahanap ng panandaliang trabaho upang magawa ang balak ko.
"Kanina ka pa hindi umiimik diyan, Leeg," mahinang sabi ng lalaking pinangalanan ni Sheldon na Ysmael. Katabi ko siya, mula sa dulo ng wagon car habang ang ilang mga kasama naman niya ay nasa unahan. Samantalang si Sheldon naman ay naroroon sa tabi ng driver's seat, at nakatalikod siya sa akin kaya't hindi ko maagaw ang atensyon niya. "Ayos ka lang ba?"
Nilingon ko siya saka ako dahan-dahang tumango. "Wala kang dapat na ipag-alala."
Ngumiti naman siya sa akin. Hindi talaga ako kampanteng ngumingiti ang isang lalaking hindi ko kilala. Feeling ko kasi, parang mayroong kakaiba sa ngiti nila. Kaya ang ginagawa ko na lamang ay inaalis ko ang tingin ko sa kanila.
Tiningnan ko si Aphro. Tulog na siya mula sa bisig ko, at halatang-halata sa kanya ang pagod na kanyang dinadala. Hindi ko na siya binitiwan pa mula kanina noong umalis kami dahil ayokong umalis ulit siya sa tabi ko. Baka kasi kapag nangyari iyon ay hindi na siya tuluyang bumalik sa akin, isa pa ay nasa bayan kami at napakaraming tap ang makakasalamuha niya kung sakali.
"Talaga bang Leeg ang pangalan mo?" Inilapit ni Ysmael ang kanyang mukha habang sinisilip si Sheldon, na abala sa pakikipag-usap sa driver ng wagon car.
Umiling ako. "Hindi."
"Eh, bakit niya sinabing—"
"Wala kang makukuhang sagot sa akin, bukod sa itong mga salita lang na lumabas sa bibig ko," I cut him off. Hindi ko na pinatapos ang sinasabi niya dahil gusto ko munang manahimik habang patuloy na umuusad ang sinasakyan namin. Subalit muli akong tumingin sa kanya matapos ng ilang minuto, nang tumigil ang sinasakyan namin kasabay ng paglabas ni Sheldon at binuksan niya ang pinto. "Nasa'n tayo?"
"Nasa Little—"
"Ang nais kong sabihin ay kung saang eksakto tayo sa Little Burg," putol kong sabi sa kanya. Hindi kaagad siya nakagalaw mula sa kinauupuan niya nang tumawa ang ilang mga kasama nila dahil sa sinabi ko. Nakanganga lamang siyang nakatingin sa akin.
Bumuntonghininga si Ysmael. "Nasa dulo tayo ng bayan."
Liwanag ng ilaw na nanggagagaling sa poste ang siyang bumungad sa amin nang bumukas nang tuluyan ang pinto. Tumayo na ako mula sa aking upuan at dahan-dahang inalalayan si Aphro mula sa pagkakahawak ko sa kanyang katawan. Narinig ko pa ang mahingang pag-ungol nito nang makababa ako. Tumingin ako sa paligid namin.
Alam ko namang nasa Little Burg kami dahil nadaanan namin kanina ang bungad ng Little Burg. Sa tuwing nagpupunta kasi ako rito upang mamalengke ay doon lamang sa bungad ako nagpupunta, masyado kasing malawak itong bayan at natatakot akong maligaw kung sakali man dahil ang ilang mga tao sa paligid ko ay mga suplado at suplada.
Nasa tapat kami ng isang gate nang tumingin ako sa harapan ng wagon car upang i-check kung nasaan ako ngayon—kung nasaan kami ngayon. Hindi pa ako nakakapunta rito at first time ko lang na makita ang isang may kalakihang bahay na gawa sa bato at metal. Malawak ang espasyo subalit limitado lamang ang daan sa loob dahil sa mga makakapal na mga halamang nagsisipagtaasan.
BINABASA MO ANG
Scar In The Bone (Completed)
FantasyScar Saga (Season 1&2) The Astrea was cut by Scar, and divided into two parts caused by human discord and conflicts in the middle of the abyss in rivalry for the Sun Goddess' gemstone, which she had left a hundred years ago. The power of the said st...