Chapter 19
Mag-iisang linggo na rin akong hindi lumalabas ng tent ko. Hindi ko lang talaga gustong lumabas kahit saglit lang upang magpahangin na hindi gaya ng dati na kapag na-bore ako ay nagpupunta ako sa may deck para magpahangin. Hindi ko lang kasi gustong marinig sa mga sundalo sa loob ng kampo ang patungkol sa nangyari. Isa pa, naririto sina Val at Valore. At kapag nakita na naman ako ng mga ito'y baka mag-away na naman kami dahil sa nangyari noon kay Ba.
Hindi ko rin masyadong pinapapasok si Sheldon sa tent ko. Inaabutan niya lang ako ng pagkain at maiinom. Pero limitado lamang ang pagpapapasok ko sa kanya. Hindi naman sa ayaw ko siyang kausapin dahil nasabi ko na rin sa kanya ang totoo. Ayoko lang kasing isipin ang mga nangyari sa tuwing may kakausap sa akin. Gaya na lamang noong isang araw, nagtungo rito si Apollo para kausapin ako patungkol sa nangyari pero hindi ko na siya pinahintulutan pang pumasok dito sa loob dahil nga hindi talaga ako komportable.
Paminsan-minsan ay naririnig ko ang ilang mga sundalong dumaraan sa harap ng tent. Naririnig ko ang kanilang mga usapan at patingkol iyon sa liwanag na humati mula sa kalangitan. At sinabi nilang malamang na nakita ng lahat ng mga tao, maging sa kabilang panig ng mapa ang nangyari at natatakot ako sa magiging reaksyon ng aking ina. Alam kong hindi siya mapakali ngayon lalo na't wala talaga siyang tiwala sa mga taong nasa panig ng Sire Palace. Kahit naman sa mga taong nasa kabilang mapa, kagaya niya ay hindi niya rin masyadong pinagkakatiwalaan.
Si Aspir lamang ang pinagkakatiwalaan niya nang husto. Subalit hindi ko alam ngayon kung magkasama pa silang dalawa matapos ng nangyari noon.
Napabalikwas ako at naitungo ko ang aking mga mata sa pinto nang makarinig ako ng boses sa labas. Tinatawag ako ni Sheldon at nakikita ko ang kanyang anino roon. Mayroon siyang hawak-hawak na pagkain, ayon sa aninong napapansin ng aking mga mata.
"Leeg," tawag niya. "Kumain ka na muna, heto dinalhan kita ng pagkain." Binuksan nito ang tent nang wala ang pahintulot ko. Tumambad sa mga mata ko ang kanyang maaliwalas na mukha. Nawala na rin 'yong mga sugat at pasa niya sa mukha matapos ng kanilang ilang araw na training. Naglakad siya patungo sa kama ko at saka niya inabot ang prutas na hawak niya.
Tiningnan ko lamang siya bago 'yon tuluyang kinuha't dahan-dahang umupo. "Salamat. Pero maaari ka nang umalis—"
"Ilang araw na kitang hindi nakakausap, eh," sabi niya sabay kamot ng kanyang ulo. "May problema ka ba sa akin? O natatakot ka pa rin dahil sa nangyari?"
"Huwag mo muna akong kakausapin, Sheldon, please lang," bulong ko. Iniwas ko ang tingin sa kanya. Ibinigay ko kay Aphro ang pagkaing ibinigay niya. I'm still full and I can still handle myself. Tinatamad pa akong kumain. "Ayokong pag-usapan ang ganyang bagay. Lalo lamang akong natatakot—"
"Edi magkwento ka sa 'kin," putol niyang sabi. "Makikinig ako."
"Ayoko ngang mayroon akong kausap." Tumayo ako at naglakad papunta sa mesa. Hinila ko 'yong upuan. Tinalikuran ko si Sheldon bago ako tuluyang umupo. "Umalis ka na muna. Gusto ko munang mapag-isa."
"Eh, 'yong sa paghahanap natin sa servant?" Tanong niya sa akin. Ilang araw na niya rin akong kinukulit na umalis muna ng kampo upang hanapin ang servant. Sinabihan niya rin akonh makakatulong daw 'yon upang makalimutan ko ang nangyari. Pero parang hindi, eh. Parang mas lalo lamang lalala ang sitwasyon kapag umalis ako rito sa kampo. Natatakot lang ako na baka saktan nila sina Val at Valore, at isipin ng mga tao sa loob ng kampo na sila ang may pakana ng lahat. Ayoko namang masaktan silang dalawa o maparusahan nang dahil lang sa akin. Isa pa, baka marinig ko lamang din sa mga tao sa labas kapag hinanap namin ang servant. "Dalawang beses na akong nagpalusot kay heneral, eh. Nagtataka na siya sa 'kin."
Bumuntonghininga ako. Nilingon ko siya. "Puwedeng ikaw muna 'yong maghanap? Gusto ko lang mapag-isa . . ." Iniwas ko ang tingin sa kanya. ". . . rito."
"Sol."
BINABASA MO ANG
Scar In The Bone (Completed)
FantasyScar Saga (Season 1&2) The Astrea was cut by Scar, and divided into two parts caused by human discord and conflicts in the middle of the abyss in rivalry for the Sun Goddess' gemstone, which she had left a hundred years ago. The power of the said st...