Chapter 11
Tumigil ang wagon car matapos ng halos labindalawang oras na biyahe. Sigaw ng ilang mga kalalakihan at ang tunog ng mga sandatang de bala ang siyang maririnig sa paligid bukod sa ihip ng may kalakasang hangin na animo'y nais nitong bumulong na hindi dapat kami lumabas ng sasakyan.
Bumukas ang pinto ng wagon car at sumilip ang liwanag ng buwan mula sa kalangitan. At dahil ako ang nasa pinakalikod ay ako ang naunang lumabas ng sasakyan. Sumunod naman kaagad ang mga kasama namin, dala-dala ang kanilang mga gamit.
Medyo malalim na ang gabi subalit kitang-kita ko pa rin ang nangingitim na bagay mula sa pinakadulo ng kinaroroonan namin, sa direksyon ng east side. Madilim na ang buong paligid subalit kitang-kita ko pa rin kung paano gumalaw ang itim na usok at patungo ang direksyon niyon sa itaas. Tumingala pa ako upang tingnan kung hanggang saan ang inabot ng Scar mula sa kalangitan subalit mukhang walang hangganan ang pagitan ng langit at lupa.
Matagal na rin simula noong nakaapak ako sa lugar na 'to. Bata pa ako noong nakarating ako rito at iyon na rin iyong huling beses na nakapunta ako rito, dahil ayaw ni Ba na pumunta kami sa lugar na 'to dahil ayaw niyang may masaktan sa amin ng aking mga kapatid.
Narinig ko ang pag-ungol ni Aphro habang hawak-hawak ko siya. Sandali ko naman siyang sinilip dahil mukhang nais niyang kumawala mula sa pagkakahawak ko. Tiningnan ako nito, at gaya ng nakikita ko palagi sa kanyang mga mata ay parang mayroon itong nais na sabihin sa akin.
"Meow . . ." Itinuon nito ang kanyang atensyon sa nanganganib na Scar. Nang tumingin ulit siya sa akin ay saka siya kumawala mula sa pagkakahawak ko sa kanya. Ang buong akala ko pa ay aalis siya sa tabi ko at tatakbo sa kung saan. Subalit hindi 'yon nangyari.
Dahil noong umupo ako ay saka siya lumapit sa akin at saka niya ikiniskis ang kanyang katawan sa boots na suot ko habang sinasambit ang salitang, "meow." Gusto ko pa sana siyang hawakan para makasiguradong hindi siya makaaalis sa aking tabi subalit nakita kong hindi naman siya umaalis sa gilid ko kaya't hinayaan ko na lamang din.
Umihip ang malakas na hangin kasabay ng pagsama ng mga maliliit na butil ng buhangin sa paligid namin. Napapikit pa ako dahil nalagyan ng buhangin ang aking mga at dahan-dahang ikiniskis ang aking daliri mula roon bago ako tumayo.
"Nandiyan na si Heneral!" Naagaw ng aking atensyon ang isang lalaking sumigaw. Tumakbo ito patungo sa kinaroroonan nina Sheldon at ang mga kasama niya at hinarap niya ang mga 'yon. "Kagagaling lang ni Heneral sa Sire Palace at nalaman niyang naririto na kayo. Isa iyong magandang balita dahil nakausap niya ang hari."
Lumingon sa akin si Sheldon. Ngumiti siya sa akin bago niya muling itinuon ang kanyang atensyon sa lalaking nasa harapan nila at saka siya tumango. "We're going there. Give me a second."
Tumango iyong lalaki bago ito tuluyang umalis.
Lumapit sa akin si Sheldon para bigyan ako ng balabal. Sinabi niya sa aking ilagay ko raw sa aking mukha, proteksyon sa buhangin sa paligid. Kinuha ko naman 'yon at hindi ko na siya tinanong pa ng kung anu-anong mga bagay. Medyo nahiya na rin ako nang kaunti dahil sa mga inasta ko sa kanya nitong mga nakaraang araw dahil lamang sa hindi ako kampante sa kanya. Humingi naman na ako ng pasensya subalit parang hindi pa ako kumbinsido sa ginawa ko. Isa pa, hindi ko pa nasasabi o nakukuwento ang patungkol sa akin at sa pinagmulan ko subalit hindi niya na ako kinukwesyon pa patungkol doon. Para na ngang hinayaan na niya ako, kung sasabihin ko ba sa kanya ang patungkol sa akin o hindi.
Kaya para kahit papaano'y makabawi ako sa mga ginawa niya ay hindi na ako nagpumilit pang humiwalay sa kanya noong sinabi niya sa akin na kailangan niya raw ng tulong ko upang harapin si Heneral. Iyon lang naman 'yong sinabi niya sa akin at hindi ko na alam kung ano pa 'yong iba.
BINABASA MO ANG
Scar In The Bone (Completed)
ФэнтезиScar Saga (Season 1&2) The Astrea was cut by Scar, and divided into two parts caused by human discord and conflicts in the middle of the abyss in rivalry for the Sun Goddess' gemstone, which she had left a hundred years ago. The power of the said st...