Chapter 15
Ngayon ang araw na lilisanin naming dalawa ni Sheldon ang kampo nila. At kailangan ko pang magsuot ng makakapal at mabibigay na proteksyon sa katawan, dala pa ang ilang mga sketchbook na hiningi ni Sheldon sa kanyang kaibigan. Sinabi niya sa akin na pupunta lamang kaming dalawa sa Little Burg para maghanap ng clue patungkol sa servant ng prinsesa. Hindi ko alam kung ano ang mayroon sa servant na 'yon pero mukhang seryosong-seryoso nga ang palasyo sa paghahanap sa kanya.
Ang sabi sa akin ni Sheldon ay babalik din kaagad kami rito sa kampo pagkatapos ng isang araw. Mag-uumpisa na kasi ang kanilang training sa susunod na araw at sinabi niya sa akin na kailangan niyang dumalo para hindi na naman siya pagalitan ng kanilang heneral. Akala ko kasi ay matagal nang naninilbihan si Sheldon sa pangkat ni General Israel, subalit hindi pala. Katulad ng ibang mga kasama niya ay bago lamang siya roon, kaya hindi na rin nakapagtataka kung bakit pinaparusahan at sinasaktan masyado si Sheldon sa tuwing nahuhuli siyang nagnanakaw ng pagkain.
Sa totoo lang ay naaawa na rin ako sa kanya. Siya kasi palagi 'yong kumukuha ng pagkain naming dalawa ni Aphro at siya palagi ang nasasaktan. Pero ang tibay, ha? Nagagawa pa rin niyang abutan ako ng pagkain kahit na napapaaway siya.
Kaninang madaling-araw pa kami naglalakbay ni Sheldon sakay ng kabayo, patungo sa Little Burg. Medyo mabilis ang pag-usad namin dahil sa shortcut na kami dumaan. Halos sampung oras lang din ang biyahe namin, na hindi gaya noong nakaraan na noong pumunta kami sa kampo nila ay labing-tatlong oras ang ginugol namin bago kami nakarating doon.
Natatanaw ko na ang mga imprastrakturang nakatayo sa bayan, at malapit na kami. Ayun nga lang, medyo bumagal na ang takbo ng kabayo dahil pagod na rin siya sa pagtakbo.
"Sigurado ka bang dito nila nakita ang servant ng prinsesa?" Tanong ko sa kanya. Hinawakan ko nang mahigpit si Aphro habang nakasakay kami sa iisang kabayo. Si Sheldon ang nasa harapan kaya siya ang nakakaalam ng aming dinadaanan. Hindi ko naman kasi alam kung paano sumakay ng kabayo nang mag-isa. Malay ko bang ito ang sasakyan namin patungo rito. Akala ko kasi, sa mga sasakyang nakatambak doon sa kampo ang aming sasakyan. "Parang ang labo kasi, eh. Malamang, may nakakita na sa kanya kaya baka umalis na 'yon dito."
Nilingon ako ni Sheldon. "Iyon din ang iniisip ko. Pero baka may mapagtanungan tayo patungkol sa kanya, para malaman natin kung saan siya nagtatago."
Tumango lamang ako sa kanya. Tanging ang yapak ng mga paa lamang ng kabayong sinasakyan namin ang siyang naririnig habang patuloy iyong tumatakbo. Hindi ko na siya kinausap pa noong nakarating na kami ng bayan.
"Bitiwan mo muna kaya 'yang alaga mo, 'no?" sabi sa akin ni Sheldon nang makababa siya sa kabayo't tinulungan niya ako sa pagbaba. Itinali naman niya sa gilid ng puno ang kabayong sinakyan namin patungo rito bago niya tuluyang kinuha ang kanyang bag na nakasabig sa bandang likuran niyon. "Isinama mo pa kasi 'yan," medyo naiiritang sabi niya pa.
Tiningnan ko naman si Aphro. "Baka kasi saktan ng mga sundalo si Aphro kapag iniwan ko siya ro'n. Walang magbabantay."
"Tsk." Iniwas niya ang tingin. "Ewan ko ba sa 'yo, Leeg. Tara na muna, hanap tayo ng mapaglalagyan niyan."
"Hoy, anong mapaglalagyan? Hindi ko iiwan si Aphro kahit na ano ang mangyari!" sigaw ko sa kanya.
Tumawa naman siya. "She needs a cage. Bibili tayo ng magiging kulungan niya para hindi ka na maghirap diyan. Baka makawala pa 'yan, uulan pa ng luha rito."
Inirapan ko si Sheldon dahil sa sinabi niya. Hindi ko na nagawa pang magsalita nang umpisahan na naming tahakin ang daan patungo sa mismong bayan, at tumigil na lamang kami sa isang pet shop.
Nakatanaw ako sa mga hayop na nasa loob ng cage. Tahimik lamang silang nakamasid sa amin nang pumasok kaming dalawa ni Sheldon sa loob. Medyo hinigpitan ko pa ang hawak ko kay Aphro dahil naririnig ko ang pag-ungol niya sa tuwing nadadaanan namin ang ilang mga asong nagiging agresibo na rin minsan.
BINABASA MO ANG
Scar In The Bone (Completed)
FantasiScar Saga (Season 1&2) The Astrea was cut by Scar, and divided into two parts caused by human discord and conflicts in the middle of the abyss in rivalry for the Sun Goddess' gemstone, which she had left a hundred years ago. The power of the said st...