"HOY, matunaw iyan. Lagot ka sa mga fans niyan," bulong ng kaibigan niyang si Marilou.
Hindi niya ito pinansin at ipinagpatuloy ang pagtingin sa grupo ng kalalakihang masayang nagtatawanan sa isang parte ng University Canteen nila. Partikular sa lalaking nakaupo sa lamesa at may hawak-hawak na gitara. Si Vergel June Loyola, ang gitarista nang kinababaliwang banda sa Unibersidad nila na Wildhorn.
Ang mga ito ang rockstars kumbaga sa campus. Maraming fans ang mga ito mapalalaki man at babae. Magaling naman kasi talagang tumugtog ang mga ito at maganda talaga ang boses ng mga bokalista ng mga itong sina Chase at Lloyd.
Pero kung maraming lalaking fans ang mga ito dahil sa musika ng mga ito, mas marami namang babaeng nababaliw sa lahat ng miyembro dahil sa angking kakisigan at kaguwapuhan ng mga ito. Yun nga lang, tatlo sa mga ito ay kilalang palikero. Ang basistang si Carlo, ang drummer na si Jeff, at masakit mang sabihin, ang pinakamamahal niyang si Vergel.
Sa pagkakaalam niya ay kaedad niya lang ang mga ito. Pare-pareho ring Advertising ang kurso nila. Ngunit sa loob ng tatlong taon ay never niya pang naging kaklase ang kahit isa sa mga ito sa kahit anong subject.
Noong freshmen sila ay sikat na talaga ang mga ito individually, ngunit mas sumikat nang bumuo ng banda ang mga ito. Mas lalo tuloy siyang hindi nagkaroon ng pagkakataong mapalapit sa lalaking gusto niya.
Biglang tumawa si Vergel sa marahil ay biro nang kaibigan nitong si Carlo. Malakas itong tumawa, buong-buo at nakakahawa. At napakasarap pagmasdan ng mukha nitong nagliliwanag sa sobrang tuwa. Hindi niya napigilang mapabuntong hininga.
Tumikhim si Marilou. "Naku, Grasya, ang obvious mo talaga. Kulang na lang ay sumali ka sa fans club ng Wildhorn sa ginagawa mo niyan," muling bulong nito at sumubo sa pagkain nito.
Tuluyan na niyang itinuon ang atensyon sa kaibigan niya. Ang pagsali sa fans club ng mga ito ang pinakahuli niyang gagawin. Hindi pa naman siya ganoon kadesperada. Isa pa ay kumbinsido siyang hindi lamang basta paghanga ang nararamdaman niya para kay Vergel. Hindi niya ito gusto dahil lang miyembro ito ng isang sikat na banda. Oo at na-a-appreciate niya ang musika ng mga ito, ngunit hindi lang iyon ang dahilan kung bakit nahulog ang loob niya rito.
"O bakit hindi ka na nakasagot?" tanong ng kaibigan niya.
Nagkibit balikat na lamang siya at ipinagpatuloy ang pagkain. Manaka-naka pa rin siyang sumusulyap kay Vergel na ngayon ay tumutugtog na ng gitara. He really is carefree. Oo at babaero ito. Ngunit alam niya kung bakit maraming babaeng nagkakagusto dito dahil kabilang siya roon. Kahit yata siya ay kakalimutang pabling ito basta makasama niya lang ito, o kahit tingnan lamang siya nito.
Bigla itong pumihit paharap sa side ng canteen kung nasaan sila naroroon. Bago pa niya naiwas ang tingin ay napatingin na ito sa kanya. Biglang sumasal ang tibok ng puso niya. Matagal na nagkahinang ang kanilang mga mata bago nahihiyang mabilis niyang itinuon ang atensyon sa kinakain niya. Nakakahiya, nahuli siya nitong nakatingin dito!
"O, bakit namumula ka diyan? May sakit ka ba Grace?" nag-aalalang tanong ng kaibigan niya.
"Wa-wala," mahinang sagot niya.
"Sigurado ka ba? Kahit first day ng semester kung masama ang pakiramdam mo mas makabubuting umuwi ka na lang muna," nag-aalalang tanong nito.
Tiningnan niya ito at nginitian. Mabuti na lamang at may kaibigan siyang katulad nito. "I'm really okay, Lou. Don't worry," aniyang ngumiti pa.
"Okay. Sabi mo eh."
Makalipas ang ilang sandali ay hindi niya natiis na hindi muling sulyapan si Vergel. Nakaramdam siya ng pagkadismaya nang makitang tumayo na ito at ang mga kabanda nito. Hindi lumilingon sa panig nilang maingay na lumabas ang mga ito ng canteen. Katulad ng dati, wala siyang magawa kundi ang sundan na lamang ito ng tingin.
BINABASA MO ANG
WILDHORN BAND mini series
RomanceRAW AND UNEDITED VERSION of my stories published back in 2010 Book 4: At Last A Love To Last (on going) "Tinatanong ako nina mama at papa kung ano ang gusto kong regalo. Ikaw na lang kaya ang hingin ko? Ibibigay ka kaya nila sa akin?" Hindi inakala...