At Last A Love To Last - Part 7

3.9K 137 6
                                    


MABILIS na lumipas ang mga linggo at ang mga buwan. Kahit na paminsan-minsan na lang sila nakakapuslit ni Carlo ay masaya pa rin sila. Nagsimula na kasi itong tumulong sa papa nito sa mga negosyo ng pamilya nito. Siya naman ay nagsisimula ng humanap ng trabaho kahit ilang linggo pa ang graduation niya.

Nasa kanyang silid si Gemma ng humahangos na pumasok roon ang kanyang ina. Bakas ang excitement sa mukha nito. "Gemma," tawag nito sa kanya.

Napakunot-noo siya. "Bakit po 'nay?"

Ipinakita nito ang plastic na hawak mo. "Eto na iyong bestidang ipinatahi ko sa kaibigan naming mananahi. Para sa graduation mo anak."

Napatayo siya at napangiti. Nahawa na rin siya sa excitement nito. Hindi pa siya nagkakaroon ng bestida buong buhay niya. "Patingin naman 'nay."

Masigla naman nitong iniladlad ang bestidang sinasabi nito. tumabingi ang ngiti niya nang makita ang itsura niyon. Bulaklakin iyon at mukhang pansimba. Malayo sa mga simple pero eleganteng bestida na isinusuot sa mga graduation. Bukod doon ay nakita na niya ang desenyong iyon sa opisina ng dean nila. Ganoong-ganoon ang itsura ng kurtina doon. Pinigilan niya ang mapangiwi.

"Aba, maganda ano Gemma? Pumayag si Glo na 300 lang iyan. Dali isukat mo na," sabi ng nanay niya at saglit na lumabas ng kanyang silid.

Napipilitang isinuot nga niya iyon. Nang makita niya ang sariling repleksyon sa salamin ay parang gusto na niyang maiyak. Mag-be-blend talaga siya sa opisina ng dean niya. At hindi siya pwedeng magreklamo. Siguradong magtatampo ang nanay niya kapag ginawa niya iyon. Ayaw niyang bigyan ito ng sama ng loob.

"Tapos ka na bang magbihis anak?" tanong ng nanay niya sa labas ng kanyang silid.

"O-opo," sagot niya at binuksan ang pinto. Katabi na ng nanay niya ang tatay niya. Medyo hinihingal pa ang mga ito. Mukhang tinawag pa nito ang tatay niya sa garahe.

"Wow, naku bagay na bagay pala sa iyo ang nakabestida anak. Ang ganda ganda mo. Siguradong isa ka sa pinakamaganda sa graduation mo," bulalas pa ng nanay niya na sinangayunan ng tatay niya.

"Ngayon ka lang nakapagbestida ng ganyan ano anak? Dalaga ka na talaga at sa wakas ay gagraduate na," nakangiting sabi ng tatay niya, para pa itong ma-iiyak.

"Ay sus, Eddie magtigil ka nga," saway ng nanay niya ngunit lumambong din naman ang mga mata.

Napabuntong hininga na lamang siya at ngumiti. Hindi naman talaga maganda ang suot niya. at hindi naman din siya kasing ganda ng sinasabi ng mga ito. napakasimple nga lang ng itsura niya. Kumbaga super plain. Hindi niya nga alam kung paano siya nagustuhan ni Carlo. Pero dahil nakikita niya sa mukha ng mga ito ang kasiyahan ay hindi na lamang siya umimik.

"Tatay Eddie nandito po pala kayo. Papatingnan ko ho iyong – " natigil sa pagsasalita si Carlo nang mapatingin sa kanya.

Nanalaki naman ang mga mata niya nang makita ito. parang gusto na lamang niyang lumubog sa kinatatayuan niya sa sobrang hiya. Nakita siya ni Carlo sa katawa-tawang sitwasyong iyon!

"Ano ho iyon Sir Carlo? Pasensya na ho kayo. Natuwa lang ho kami kasi dumating na ang damit na gagamitin ni Gemma para sa graduation niya," sabi ng tatay niya na tila proud na proud pa.

Ibinaling ni Carlo ang tingin sa tatay niya. "Ayos lang ho. Papatingnan ko ho kasi ang sasakyan ko. Umuugong ho kasi."

"Aba'y sige. Maiwan na kita Gemma," paalam ng tatay niya at nagpatiuna na.

"Hubarin mo na iyan anak para mababad ko ha?" sabi naman ng nanay niya at pagkatapos magpaalam kay Carlo ay umalis na rin.Nagkatinginan sila ni Carlo.

WILDHORN BAND mini seriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon