Our Song - Part 15

3.1K 139 4
                                    


PUNO ng excitement ang dibdib ni Cham at iginala ang paningin sa paligid. Nasa loob sila ng Araneta Coloseum para sa concert ng Wildhorn. Punong-puno na iyon ng mga tao. Marami pa siyang nakikitang may itinataas na banner o kaya ay malalaking larawan ng bawat miyembro ng Wildhorn. Napangiti siya nang makakita siya ng malaking larawan ni Rick. Patunay na hindi lamang siya ang nakakakita ng talento ang angking kaguwapuhan nito.

"Cham, ano pang ginagawa mo? Kailangan na nating makaupo malapit ng magsimula ang concert," untag sa kaniya ni Yu. Ang iba pa nilang mga kaibigan ay natanaw niyang nauna na sa kaniya.

Mabilis ang kilos na nagpunta sila sa VIP seats. Tiningnan niya ang seat number niya at lumapit doon. Nakita niyang may mga nakaupo na sa bandang kanan ng linyang iyon. Lumingon sa kaniya ang lalaking katabi ng upuan niya. Bahagya siyang napamata nang makita niya ang guwapong mukha nito. Hanggang balikat ang buhok nito at may stubbles pa ang mukha. Mukha itong rockstar. Bahagya itong ngumiti sa kaniya. Tipid siyang gumanti ng ngiti at umupo sa nakalaan niyang upuan. Tumabi sa kaniya si Ginny at nagsiupuan na rin ang mga kaibigan niya.

"Ang galante ng Rick mo para idamay kami sa VIP tickets kahit alam naman namin na ikaw lang ang gusto niyang makita ngayon," sabi ni Ginny.

Pinanlakihan niya ito ng mga mata dahil malakas ang boses nito. "Ginny kapag may nakarinig sa iyo baka iba ang isipin nakakahiya kay Rick," mahinang saway niya rito.

"Totoo naman eh," sabi naman ni Stephanie na katabi ni Ginny. Napasulyap siya sa katabi niyang lalaki nang maramdaman niyang napatingin ito sa kaniya. Maging ang magandang babaeng katabi nito at isa pang babae sa tabi ng babaeng iyon ay nakatingin sa kaniya. Nag-init ang mukha niya at inalis sa mga ito ang mga mata niya sa pagkapahiya. Malamang na narinig ng mga ito ang mga sinabi ng mga kaibigan niya.

Mabuti na lamang at dumilim na ang paligid at nagsimula ng tumugtog ang front act para sa Wildhorn kaya naalis ang tingin sa kaniya ng mga katabi niya. Nagkaingay sa paligid. Ngunit ang ingay na iyon ay naging dagundong nang ipakilala na ang Wildhorn at matutukan na ng spotlight ang mga ito. Tumalon ang puso niya nang makita si Rick na nakaupo na sa likod ng drum set.

Nang magsimula itong humampas sa drums at sinundan ng tunog ng iba pang instrumento ay lalong nagkaingay sa buong paligid. Maging siya ay muntikan nang mapatayo at magtatalon sa saliw nang mabilis na tugtog. Kasunod niyon ang pagalingawngaw nang napakagandang boses ni Chase. "I throw out the window, the love I always waited for. It no longer means to me so much." Kasunod niyon ay ang malakas na pagsabay ng mga fans sa pagkanta ni Chase.

Alam niya ang kantang iyon. When did I say I had enough iyon nang bandang Oceanlane. Noong nagsisimula pa lamang ang mga ito ay madalas i-cover ng mga ito ang mga kanta ng bandang iyon.

Muli siyang napatingin kay Rick. Napangiti siya nang makita niya ang sigla at ngiti sa mukha nito. His head is banging with the sound and his hair moving with the rhythm. Nag-eenjoy ito. Sapat na iyon para maenjoy niya ang buong concert.

MAGKAHALONG kaba at excitement ang nadarama ni Cham nang matapos ang concert at lumakad siya patungo sa dressing room ng Wildhorn. Dahil isinuot na niya ang backstage pass niya ay hindi siya nahirapang magtanong sa mga staff na naroon kung nasaan ang dressing room. Hindi na siya sinamahan ng mga kaibigan niya at hihintayin na lamang daw siya ng mga ito sa labas.

Nang sa wakas ay makarating siya roon ay hindi rin naman niya agad magawang lapitan si Rick dahil maraming press ang lumapit sa mga ito. Nagkikislapan din ang mga camera. Nakita niyang pawisan pa si Rick at bahagya pang hinihingal habang may ngiti sa mga labing sinasagot marahil ang katangungan ng isang magandang babaeng VJ ng isang music channel dito.

WILDHORN BAND mini seriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon