Our Song - Part 19

3.2K 133 4
                                    


MABILIS na lumipas ang mga araw at halos hindi na iyon napansin pa ni Cham sa sobrang abala ng banda nila. Dalawang linggo matapos nilang mairecord ang lahat ng kanta para sa kanilang first ever album ay nag guest sila sa isang Sunday concert program para i-promote iyon. Isang linggo matapos iyon ay inilabas na sa market ang album nila na pinamagatang Our Song dahil na rin sa kanilang carier single. Tumutugtog na rin iyon sa lahat ng radio stations.

Dahil sa nakakabiglang popularidad ng mga awitin nila ay nagdesisyon ang management na gumawa sila ng music video. Nang sumunod na buwan ay ipinalabas sa mga music channel ang music video na iyon. Upang makadagdag raw sa publicity ayon sa manager nila ay gumawa ito ng official channel nila sa Youtube at inupload ang mga music videos nila. Ilang linggo lamang ay umabot na sa lampas isang daang libo ang view niyon.

Dahil sa mabilis na kasikatan ay palaging laman ng mga showbiz columns ang grupo nila. Ayon sa mga kritiko, isa at malaking factor daw kaya tinatangkilik sila ng mga tao ay dahil sa cool, funky at pop rock vibe ng mga awitin nila. Madali rin daw matandaan at sabayan ang lyrics nila. May iba namang nagsasabing malaking factor daw ang itsura nilang lima. Dahil daw kasi magaganda sila ay marami silang lalaking followers. Ang ibang kritiko naman na medyo masakit magsalita ay sinasabing masuwerte lang daw sila dahil under sila ng Diamond Records o kaya ay ginamit lang daw nila ang ganda nila kaya inooveradvertise sila.

Ganoon pa man ay hindi naging hadlang ang hindi magandang artikulong iyon upang mahirang sila ng isang bigating award giving body bilang best new music group at most promising band ng taon.

"Ah, ang sarap humiga sa kama!" nabulalas ni Cham at pabagsak na humiga sa kama pagkarating na pagkarating nila sa condominium unit nila. Ilang linggo pa lamang din ang nakalilipas mula ng lumipat sila roon. Provided din iyon ng kumpanya. Noong una ay inaalok sila nang tig-iisang unit pero napagdesisyunan nilang magkakakibigan na manatiling tumira ng magkakasama. Mas kumportable kasi sila ng ganoon.

Galing sila sa isang out of town show at ilang oras din ang biniyahe nila bago sila nakauwi.

"Magbihis ka muna bago ka humilata diyan. Didikit ang pawis mo sa kama," saway sa kaniya ni Yu. Ito kasi ang ka-share niya sa silid at sa kama.

Natatawang bumangon siya at nag-inat. "Nasa labas pa ba si RJ?" tukoy niya sa manager nila.

"Oo. Pinagbibihis lang niya tayo at pinapalabas din agad. Siguro para imeeting tayo sa schedule natin bukas," sagot nito na nagbibihis na.

Mabilis rin siyang nagbihis. Pagkatapos ay tinignan ang cellphone niya. Napabuntong hininga siya nang makitang wala pa rin siyang natatanggap na mensahe mula kay Rick. Dati rati ay nakakatanggap siya rito kahit simpleng "do your best today". Pero sa araw na iyon ay ni hindi ito nagparamdam.

"Kanina ka pa tingin ng tingin sa cellphone mo. Bakit hindi na lang ikaw ang magtext para mapanatag ka?" komento ni Yu sa kaniya.

Napalingon siya rito. Abala pa rin ito sa pagbibihis. Kaswal ang pagkakasabi nito niyon kaya hindi niya alam kung ano ang iisipin niya. Hindi na siya sinasabihan ni Yu nang tungkol sa pagkagusto niya kay Rick. Hindi rin ito nagrereact kapag magkasama sila ni Rick. "Hindi ko alam ang sasabihin ko kung ako ang mauunang mangumusta. Pero Yu, dati pinagsasabihan mo ako tungkol sa pagkakagusto kay Rick hindi ba?" tanong niya rito.

Lumingon ito sa kaniya at bahagyang ngumiti. "Alam kong hindi ko na kailangang gawin iyon dahil kaya mo na iyong ihandle mag-isa tama?" Hindi siya nakasagot. Kaya na nga ba niya? "Tara na para makauwi na rin si RJ kawawa naman wala pa ring tulog iyon," aya nito sa kaniya.

Huminga siya ng malalim at sumunod na lamang dito. Nasa sala na rin sina Stephanie, Ginny at Anje nang makalabas sila.

"Okay anong schedule natin bukas?" tanong ni Yu.

Ngumiti si RJ. "Actually, bukas ang schedule niyo lang ay magpunta sa resort na ito," anito at nagtaas ng pamphlet ng isang luxury resort na sa pagkakaalam niya ay by membership lamang ang nakakapasok. "Mahigit isang buwan na kayong sobrang busy at tingin ko kailangan niyo ng kahit isang araw na break kaya wala akong inilagay ng schedule niyo para bukas. Nang sabihin ko ito kay Mr. Hernandez sinabi niyang sagot na niya ang one-day relaxation niyo," paliwanag nito.

"Yes!" magkakapanabay pang hiyaw nila. Matagal na nilang inaasam na makapagrelax kahit isang araw lang.

"Ang generous ni Mr. President buti na lang sa Diamond Records tayo nakapirma," masayang sabi ni Ginny.

Napangiti na rin siya. Kahit papaano ay nakatulong ang balitang iyon para gumaan ang pakiramdam niya.

PARANG mga batang nagtatakbo sila Cham nang makapasok sila ng resort. Ang una nilang ginawa ay dumeretso sa Spa. Ang orihinal na plano nila ay kalahating araw lamang sila doon at pagkatapos ay magiikot sila. Pero napasarap ang mga kaibigan niya at nakatulog sa Spa.

Dahil hindi naman makatulog na gaya ng mga ito ay naisipan na lamang ni Cham na lumabas at magikot sa resort ng mag-isa. Babalikan na lamang niya ang mga ito mamaya.

Hindi pa man siya nakakalayo sa Spa ay napahinto na siya nang may mahagip ang mga mata niyang pamilyar na mukha. Kumabog ang dibdib niya nang masigurong si Rick nga ang nakikita niya. Noon lamang niya ito nakitang nakasuot ng putting tshirt, hawian shorts at itim na sandals. But even without his rockstar outfit he was still breathtaking.

Kaagapay nito sa paglalakad ang manager nila. Nang mabaling ang tingin nito sa kaniya at masalubong niya ang mga mata nito ay malawak itong ngumiti. "Cham," bati nito sa kaniya. May nakita siyang kumislap sa mga mata nito. Was it longing? Namimiss din ba siya nito na gaya ng pagkamiss niya rito?

Huminga siya ng malalim at gumanti ng ngiti kahit ang gusto talaga niya ay yakapin ito. "Anong ginagawa mo rito?" tanong niya rito nang makalapit ang mga ito sa kaniya.

Hindi nawala ang ngiti nito. "Nakalimutan kong ibigay kay RJ ang membership card ko. Kailangan iyon para sa bills mamaya kapag nagcheckout kayo. So I came here and decided to take a day off too," paliwanag nito.

Napamaang siya rito. "Ibig mong sabihin ikaw ang nag-offer ng resort na ito at hindi ang daddy mo?"

Napahawak ito sa batok nito at bahagyang tumawa. "Dad doesn't do these things," sabi nito at bahagyang nagpalinga-linga. "Nasaan ang mga kaibigan mo?"

Itinuro niya ang pinanggalingan niya. "Masyado silang nagenjoy sa spa at nakatulog. Ayoko sila gisingin kaya lumabas na lang ako mag-isa. Gusto ko kasing mag-ikot sa resort."

Tila naman nag-isip ito. "I see. Kung ganoon sasamahan na lang kita. RJ magrelax ka rin. Kagaya nila alam kong pagod ka rin," sabi nito sa manager nila. Hindi na niya napansin ang pag-alis ng manager nila dahil nakatutok ang buong atensyon niya kay Rick at sa sinabi nitong sasamahan siya nito. "Let's go?" aya nito.

Kumurap siya. "Sasamahan mo talaga ako?"

Bahagya itong tumawa. Pagkuwa'y ginagap nito ang kamay niya at nagsimulang maglakad. "I will. Besides..."

"Besides?" gagad niya sa sasabihin nito. Himbis na sumagot agad ay naramdaman niya ang paghigpit ng hawak nito sa kamay niya.

"Besides it's been so long since we last spend time together. Sa sobrang higpit ng mga schedule natin kahit magkape man lang ng magkasama hindi na natin nagagawa. So, I want to at least spend even a little of your time today. Iyon talaga ang plano ko kaya inoffer ko ito sa inyo. Hindi rin kita kinontact kahapon para kahit papaano mamiss mo ako," pabirong sabi nito. Pagkuwa'y yumuko ito sa kaniya at bahagyang ngumiti. "Mabuti na lang nasarapan sa spa ang mga kaibigan mo. I could have you for half a day," dugtong pa nito.

Napahinga siya ng malalim sa init na humaplos sa dibdib niya sa sinabi nito. Gusto niya sanang sabihin na kahit naman tinetext at tinatawagan siya nito ay namimiss pa rin niya ito dahil hindi niya ito nakikita. Ngunit isang matamis na ngiti na lamang ang naisagot niya sa mga sinabi nito at gumanti ng pisil sa kamay nito.

WILDHORN BAND mini seriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon