HINDI pa man nakakapasok si Rick sa studio ng kaniyang ina ay naririnig na niya ang tunog ng piano. Mula nang maghiwalay ito at ang daddy niya ay nagtayo ito ng maliit na music center para sa mga batang gustong matutong kumanta o tumugtog ng piano. Sa sarili nitong ipon ay maari naman itong magtayo ng mas malaking eskuwelahan ngunit ayaw nito. Ayon dito ay mas gusto na nito ng tahimik at simpleng buhay na kaiba sa mundo nito noon.
Nang sumilip siya sa hindi naisarang pinto ng studio ay nakita niya itong mag-isang roon at tumutugtog ng piano. Hindi niya ito inistorbo at pinanood lamang ito hanggang sa matapos ito.
"Bakit nandito ka na naman?" malamig na sabi nito na hindi tumitingin sa panig niya.
"Sinong tinutukoy mo mommy?" takang tanong niya rito.
Marahas na napalingon ito sa kaniya. Bakas ang pagkagulat sa magandang mukha nito. "Rick!" anitong tumayo. Lumapit na rin siya rito. Yumakap ito sa kaniya at humalik sa pisngi niya. "Bakit nandito ka ng ganito kaaga?" tanong nito.
"May iba pa bang dumadalaw sa iyo maliban sa akin mom?" balik tanong niya rito.
Bahagyang namula ang mukha nito at umiling-iling. "Oh, makulit na suitor lang but don't mind it. Ikaw ang inaalala ko. Dinadalaw mo lang ako ng walang pasabi kapag may dinaramdam ka hijo," anito at inakay siya patungo sa isang panig ng studio nito na tumatayong opisina nito. "So tell me what's bothering you," anito ng makaupo na sila.
Huminga siya ng malalim. "Mom, how many times did you cry when you and dad were secretly dating before?"
Saglit na natigilan ito at bahagyang nag-iwas ng tingin. Naging distant ang mga mata nito na tila may inaalala. "Sa sobrang daming beses hindi ko na matandaan ang eksaktong. Bakit mo tinatanong?" Hindi siya sumagot. "Ah, dahil ba ito sa kumakalat na balita tungkol sa iyo at sa bokalista ng isang sikat na banda nitong mga nakaraang araw?"
Nagbuga siya ng hangin. "Yes. We just wanted to spend a day together pero may nakakita sa amin at humabi ng mga malisyosong artikulo. Isa pa hindi naman totoong kaming dalawa lang ang naroon. Kasama niya ang mga kabanda at manager niya ng araw na iyon."
"Hindi iyan maiiwasan sa industriya. But poor her. Bago pa lamang siya hindi ba? Kakainin siya ng buhay ng mga eskandalo at baka masira ang career niya na wala pang solidong pundasyon." Muli ay napabuga siya ng hangin. Natigilan naman ito. "Wait, are you two dating?"
"No," mabigat ang dibdib na sagot niya.
"But you love each other," sabi nito. Hindi nagtatanong ang tinig nito.
Humugot siya ng malalim na paghinga. "I love her. Though I could not say it because I know it will make it harder for her if she knows it. Ang sabi ni dad sabihin ko sa press na walang namamagitan sa aming dalawa at wala kaming ganoong damdamin para sa isa't isa." Sinabi niya rito ang lahat ng pinagusapan nila ng kaniyang ama.
Bumakas ang simpatya sa mukha nito. "Rick, I hate to admit it, pero tingin ko ay tama siya."
Lalo lamang bumigat ang dibdib niya at bahagyang napayuko. "Sa totoo lang, alam ko ring tama siya. Mahalaga kay Cham ang pangarap niya. Matagal na niyang gusto ito. Nagtalo pa sila ng mga magulang niya para lang i-pursue ang pangarap niya. I don't want to ruin it because of my own desires. Gusto kong suportahan ang pangarap niya kahit na ang kapalit niyon ay hindi siya makasama."
Nang maramdaman niya ang pagtapik ng kaniyang ina sa likod niya ay binalingan niya ito. "It must have been hard for you before mom."
Malungkot itong ngumiti. "Thinking back it was really hard for me. Intriga, pasikretong pagkikita, selosan. Pero hindi ko sasabihing hindi ako naging masaya kahit papaano. Iyon lang sa katagalan ay nagbreakdown din ako. Pero anak, magkaiba tayo. Ikaw mabait ka. And tatay mo ubod ng babaero. Iyon ang pinakadahilan kung bakit maraming beses akong umiyak noon. Iyong sa inyo, may posibilidad na mag work out. Hindi nga lang ngayon at hindi ko alam kung kailan," malungkot na sabi nito.
Bahagya siyang ngumiti at hinaplos abng buhok nito. "Thanks mom. Talking to you makes me feel a lot better."
Ngumiti rin ito. "Be strong son. Hindi lang para sa iyo kung hindi para din sa babaeng importante sa iyo."
REST day nila Cham sa araw na iyon. Marahil ay naawa na rin sa kaniya ang manager niya dahil sa loob ng ilang araw na pag-alis nila ay palagi na lamang siyang nagugulo ng mga reporters. Dahil hindi siya nagsasalita ayon na rin sa payo ng manager nila ay nadagdagan pa lalo ang mga artikulo tungkol sa kaniya na lahat ay pawang exageration na lamang.
Ilang beses na rin siyang tinawagan ng mga magulang niya upang tanungin siya tungkol doon. Tulad ng inaasahan niya ay sinisi pa siya ng mga ito dahil ginusto raw niyang pumasok sa magulong mundong iyon. Kung hindi pa niya napigilan ang mga ito ay malamang sinugod na siya ng mga ito sa maynila at sapilitang pinauwi sa kanila.
Masarap pa ang pagkakahiga niya sa kama nang biglang bumukas ang pinto ng kuwarto nila ni Yu at iluwa si Ginny. "Cham, labas ka muna diyan. Manood tayo ng tv," aya nito.
Hindi siya kumilos dahil wala siya sa mood. Ilang araw na siyang ganoon. "Kayo na lang."
"You have to watch it," narinig naman niyang sabi ni Anje.
Nilingon niya ang mga ito. Lumapit na ang mga ito sa kaniya at hinatak siya palabas ng sala. Tumambad sa kaniya ang mukha ni Rick habang pinaliligiran ito ng mga press. Ang headline na nakalagay sa ilalim ng screen ay Rick Hernandez, nagsalita na!
"Walang katotohanan ang mga lumalabas na balita tungkol sa akin at sa vocalist ng Wildflowers na si Cham Alfaro. What we have is just a professional relationship."
"Pero ayon sa isang source dati na raw kayong magkakilala ni Cham bago pa man sila magdebut. At kaya sila ang nanalo sa contest ay dahil sa relasyon niya sa inyo," sabi ng isang reporter.
"Hindi iyon totoo. Nagkaroon lang kami ng pagkakataong magkakilala pagkatapos ng contest. We have nothing to do with each other personally. Besides, they won because of the public's votes at hindi sa kung ano pa man. They are talented and they deserve what they have today."
Hindi nakagalaw si Cham at nanatiling nakatitig lamang kay Rick. Nililinis nito ang pangalan niya. Ni wala itong sinabi sa kaniya noong nag-usap sila na balak nitong magsalita.
"Paano ninyo naman maipapaliwanag ang mga larawan ninyong kumakalat sa internet?"
"It is true na kami nga ang nasa mga larawan. Pero hindi totoong ganoon kami kalapit sa isa't isa. Kakaiba lang ang angulo ng kumuha para palabasin na may namamagitan sa amin," anito at inisa-isa nito ang mga larawang lumabas at ang eksplenasyon nito kung ano ang tunay na nangyari sa pagitan nilang dalawa.
"But personally may interes ba kayo kay Cham?" prankang tanong ng isang bading na reporter.
Bahagyang tumawa si Rick. "She's a very talented and pretty lady but no. We could be friends pero hanggang doon lamang iyon."
Nakagat niya ang ibabang labi at tumalikod na. Alam niyang sinasabi lamang nito ang mga iyon upang tigilan na siya ng press. Ngunit kahit ganoon ay bahagya pa ring bumigat ang dibdib niya sa mga sinabi nito. Afterall, wala naman talaga itong sinabi sa kaniya na mahal siya nito. May posibilidad na ang masuyong halik na iginawad nito sa kaniya noon at ang nadama niyang pagaalala nito sa kaniya ay dulot lamang ng simpatya. Baka nagkamali lamang siya ng basa sa mga ikinikilos nito at dahil masyado na siyang malapit dito ay naging asyumera na siya.
Bumalik siya sa kaniyang silid at muling humiga sa kama upang huwag na niyang marinig pa ang ipinapalabas sa telebisyon. Pumikit siya at pilit pinapawi ang pagbibigat ng dibdib niya. Bakit ba may pakiramdam siyang mula sa oras na iyon ay may magbabago na sa pagitan nila ni Rick?
BINABASA MO ANG
WILDHORN BAND mini series
RomanceRAW AND UNEDITED VERSION of my stories published back in 2010 Book 4: At Last A Love To Last (on going) "Tinatanong ako nina mama at papa kung ano ang gusto kong regalo. Ikaw na lang kaya ang hingin ko? Ibibigay ka kaya nila sa akin?" Hindi inakala...