Our Song - Part 6

2.8K 111 0
                                    


"HOY ANO na Cham? Magpaliwanag ka?" untag sa kaniya ni Yu.

Napakurap siya. Bahagya siyang yumuko nang maramdaman niya ang pag-iinit ng gilid ng mga mata niya. Hindi siya puwedeng umiyak sa harap ng mga ito dahil baka magpanic ang mga ito.

Muli siyang huminga ng malalim upang kalmahin ang sarili at upang malinaw na makapag-isip ng sasabihin niya sa mga ito. Ayaw niyang magsinungaling sa mga ito ngunit matindi ang bulong ng puso niyang ilihim niya ang nangyari. Nais niyang manatiling sa pagitan lamang nila iyon ni Rick. She wanted to treasure that dream-like and fateful night that she was able to be with him.

Tumingin siya sa mga ito at ngumiti. "Ang totoo, nakita ko sa bar na iyon ang dati kong katrabaho. Matagal na kaming hindi nagkikita kaya nag-aya siyang kumain kami somewhere. Naglakad lakad muna kami hanggang sa makarating kami roon. Tapos noong makarating kami doon nakita rin namin iyong isa pa naming katrabaho na babae. Nagkuwentuhan kami hanggang sa abutin na kami ng umaga. Don't worry dahil may sasakyan naman iyong isa naming katrabaho hinatid niya ako hanggang diyan sa may kanto. So I am perfectly safe," mahabang paliwanag niya. Mabuti na lang may talent siyang gumawa ng kwento. Mukhang naniwala naman ang mga ito dahil nakita niyang medyo kumalma na ang mukha ni Yu.

"Bakit hindi mo ako tinawagan o kahit tinext man lang?"

"Na-lowbat kasi ako. Hindi naman ako makahiram ng cellphone sa kaniya kasi hindi ko rin naman kabisado ang number mo," paliwanag niya. At least iyon ay totoo, hindi siya magi-guilty ng husto sa pagsisinungaling niya sa mga ito.

"Pinasabi mo man lang sa manager ko bago ka umalis para hindi ako nag-alala. Papatayin ako ng mga magulang mo kapag may nangyari sa iyo! Galit na nga sila sa akin dahil kung anu-ano raw ang sinasaksak ko sa utak mo eh," frustrated na sabi nito.

Siya naman ang naguilty sa sinabi nito. Alam niya na maraming emotional baggages si Yu. Isa na siya roon dahil galit nga dito ang mga magulang niya. Para matupad ang pangarap niya ay inako nito ang responsibilidad para hayaan siya ng mga magulang niya na magpunta ng maynila. Tapos ay dinagdagan na naman niya ang sakit sa ulo nito. "Sorry Yu. Hindi ko na uulitin," hinging paumanhin niya.

"Okay tama na iyan ha. At least nakauwi na siya ng ligtas at hindi na raw niya uulitin. Baka tumaas ang presyon mo lola Yu. At kailangan mo na ring pagpahingahin si Cham baka mapaos iyan. May practice tayo mamaya hindi ba? Baka hindi siya makakanta ng maayos," pamagitan ni Steph sa kanila.

"At matulog ka na rin Yu. Hindi ka pa rin natutulog baka mawalan ka ng energy," sabi naman ni Ginny.

Bukod kasi sa matalik silang magkakaibigan, ang mas matibay na pising nag-uugnay sa kanilang lima ay ang passion nila sa musika. Si Yu ay kaibigan niya noon pa mang high school sila. Ang magpinsang si Ginny at Anje ay classmate nila noong kolehiyo habang si Stephanie naman ay nakilala nila nang unang beses silang manood ng isang gig.

Graduating sila ng kolehiyo nang isuggest ni Yu na bumuo sila ng banda tutal naman daw ay talented silang lahat. Lahat sila ay marunong kumanta. Siya at si Stephanie ay mahusay maggitara. Si Ginny ay magaling sa bass guitar. Si Anje naman ay talented sa piano kaya puwede itong keyboardist. At si Yu ang pinakamagaling na drummer na babaeng nakilala niya.

Hindi nagdalawang isip ang mga ito na pumayag. Siya lang ang nag-alangan dahil alam niyang hindi papayag ang mga magulang niya. Makaluma ang mga magulang niya at ang tingin ng mga itong dapat lamang na maging career ng mga anak ng mga ito ay matanggap sa isang kumpanya at magopisina. Ni hindi nga bilib ang mga ito sa kaniya noon pa man kahit na magaling siyang kumanta. Tingin nang mga ito ay pampalipas lamang iyon ng oras at hindi dapat seryosohin.

Isa pa ay hindi gusto ng mga ito si Yu. Si Yu kasi ang kabaligtaran ng lahat ng gusto ng mga ito. Yu is free-spirited and a full pledged musician. Bata pa lang sila ang pangarap na nito ang magkaroon ng future sa music industry. Maganda rin ang boses nito pero mas nakahiligan nito ang drums. Ito ang unang nagsabi sa kaniya kung gaano ka-unique ang boses niya. She encouraged her to enhance her singing. Palagi siya nitong pinapahiram ng mga album ng mga banda at singer na gustong gusto nito at palagi silang tambay ng mga videoke kapag libreng oras.

Kaya nang sa wakas ay hingin na niya ang opinyon ng mga magulang niya tungkol sa banda ay matigas ang pagtanggi ng mga ito. Nahulaan din ng mga ito na si Yu ang nakaisip 'non. Doon nagmula ang mga paratang ng mga ito na kung anu-anong masamang ideya ang sinasabi ni Yu sa kaniya. Nag-away sila ng mga magulang niya dahil doon.

Muli ay nagbuga ng hangin si Yu. "Sorry din. Basta huwag mo ng uulitin. At huwag kang basta-basta sasama o mage-entertain ng kung sinong lalaki kahit pa kilala mo. Baka makadistract sa iyo. Alam mo naman na dalawang taon lang ang palugit na binigay ng parents mo sa iyo hindi ba? Pagkalipas ng dalawang taon at hindi pa rin tayo nagde-debut kakailanganin mong umuwi sa atin at iwanan ang musika," malumanay nang sabi nito.

"At kapag nangyari iyon, madidisband tayo hindi pa man tayo nakakapagsimula dahil ikaw lang ang gusto naming lead vocalist," singit ni Steph na nakangiti. Sinangayunan iyon nila Ginny at Anje.

Natouch naman siya sa sinabi ng mga ito. Kasabay niyon ay bahagya siyang na-guilty dahil sandaling nalihis ang utak niya dahil kay Rick. Tama si Yu, hindi siya dapat madistract. Kaya lang pumayag ang mga magulang niyang magpunta siya ng maynila matapos ang mahabang pakiusapan ay dahil nangako sila ni Yu na kakalimutan na niya ang plano niyang maging professional musician kapag lumipas ang dalawang taon na walang nangyari sa kanila. Ayaw niyang mabalewala rin pati ang pangarap ng mga kaibigan niya nang dahil sa kaniya. "Alam ko," determinadong sagot niya.

Tama, kailangan niyang ifocus ang lahat ng atensyon niya sa pangarap nila. Mahal man niya si Rick ay alam niyang hanggang doon lamang iyon. Kung mabibigo siyang gawin ang ayon sa napagkasunduan nila ng mga magulang niya at kinailangan niyang kalimutan ang musika ay mas lalong hindi na siya magkakaroon pa ng pagkakataong makausap muli si Rick.

I'll make my dream come true. Then maybe one day, I will get a chance to be with you again. Iyong hindi lang isang gabi. At kung susuwertehin pa ako, magkaroon ako ng pagkakataong masabi sa iyo ang nararamdaman ko. Hindi ko na hihilinging masuklian mo iyon dahil alam ko namang imposible. Just to be able to tell you is enough for me Rick.

WILDHORN BAND mini seriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon