NAPAHIKAB si Gemma at iniunat ang mga braso. Awtomatiko siyang napatingin sa mumurahing alarm clock niya. Alas dos na pala ng madaling araw. But at least, natapos na niyang sagutan ang mga worksheets niya kahit hindi pa iyon pinasasagutan agad. Nag advance reading na din siya.
Bigla siyang nakaramdam ng pagkauhaw. Tumayo siya at tahimik na lumabas ng kanyang silid.
Madilim na ang paligid at masyadong tahimik. Sanay naman na siyang lumabas ng silid niya ng ganoong oras. Lumakad siya patungong kusina. Napahinto siya ng makarinig ng tila pagkaluskos doon. Bigla siyang nakaramdam ng kaba. Napasok ba sila ng magnanakaw? Pero maraming guwardyang nagbabantay sa mansyion. Huminga siya ng malalim at lakas loob na nagtungo sa kusina.
Muntik na siyang mapasigaw sa pagkabigla nang makita si Carlo na nagkakalkal sa refrigerator. "Sir Carlo," mahinang tawag niya rito.
Tila nabigla ito ng tawagin niya at bahagya pang nauntog sa ref. Mahina itong napamura bago tumingin sa kanya. "Gemma? Anong ginagawa mo rito ng ganitong oras?" takang tanong nito. Dumeretso ito ng tayo. Noon niya lang napansing nakaroba lamang ito. Bahagya pa iyong maluwag kaya naaaninag niya ang matipunong dibdib nito. Biglang nag-init ang mukha niya sa hindi niya malamang dahilan. Nang mag-angat siya ng tingin ay nasalubong niya ang mga mata nito. Mataman din ang pagkakatingin nito sa kaya. Bigla siyang nakaramdam ng pagkapahiya.
"Na-nauuhaw lang ako," aniyang lumakad palapit para kumuha ng baso. Bago niya pa magawa iyon ay kumuha na ito ng isang bote ng mineral water sa ref at iniabot sa kanya. Alanganing tinanggap niya iyon. "Salamat S-sir," nakayukong sabi niya.
Saglit itong hindi nagsalita. Pagkuwa'y mahinang natawa. "Ano ka ba Gem? We've known each other like forever. Sabay tayong lumaki at nagkaisip. Don't call me Sir okay?" anitong lumakad at umupo sa isang silya. Hinayaan nitong bukas ang ref. Marahil ay dahil iyon lamang ang tanging nagbibigay liwanag sa kusina.
Hindi siya umalis sa pagkakatayo. "Magagalit si Madam kapag hindi kita tinawag ng ganoon."
"Wala naman siya dito. Basta, kapag tayong dalawa lang, tawagin mo ako sa pangalan ko. Umupo ka nga dito," anitong hinatak pa ang katabi nitong silya.
Saglit siyang nagdalawang isip bago sumunod dito. Ang bilis ng tibok ng puso niya. Siguro gawa iyon ng kadiliman at ng kalaliman ng gabi. O siguro gawa iyon ng katotohanang silang dalawa lamang ang gising sa buong kabahayang iyon, at malapit sila sa isa't isa.
"O, akala ko ba nauuhaw ka? Akin na nga iyan," pukaw nito sa kanya. Bago pa siya makapagsalita ay kinuha na nito ang bote ng mineral water at binuksan iyon. Muli nito iyong inabot sa kanya.
Tumungga siya sa bote. Pagkuwa'y napabuntong hininga. Napatingin siya rito ng muli itong tumawa. Napakunot noo siya. "Bakit ka tumatawa?"
Ngumiti ito. Ipinatong pa nito ang siko sa lamesa at itinukod ang mukha sa kamay. "Kasi nakakatawa ka. No, actually, nakakatawa tayo. We look like lovers secretly seeing each other at midnight," anito sa nanunudyong boses.
Naipagpasalamat niyang madilim ang paligid dahil naramdaman niya ang pag-iinit ng mukha niya sa sinabi nito. "Kahit kailan puro ka talaga kalokohan."
He chuckled. "Teka, bakit ba gising ka pa ng ganitong oras ha?" tanong nito.
"Nag-aaral ako," simpleng sagot niya.
"Wow," komento nito na ikinalingon niya ritong muli. Nakatitig na naman ito sa mukha niya na para bang amazed na amazed ito. Lalong bumilis ang pintig ng puso niya.
"Bakit ka ba ganyan makatingin?" tanong niya.
Lumawak ang pagkakangiti nito. "Ang sipag mo kasi. Kapag nagsisipag kang mag-aral parang gusto ko ring mag-aral ng mabuti. Joke lang. Ayoko palang mag-aral," anitong natawa pa sa sarili nitong biro.
Natawa na rin siya. Kahit noon ay mahilig talaga itong magbiro. "Hindi ka naman nakakatawa."
"Eh bakit tumatawa ka?"
Ngumisi siya. "Hindi ko alam. Para hindi ka naman mapahiya?" biro niya. Tumawa ito. "Shh!" saway niya rito. Naitakip niya pa ang kamay sa bibig nito. Bahagya kasing lumakas ang tawa nito. Nang makitang manghang nakatingin ito sa kanya ay mabilis niya ring binawi ang kamay niya.
"T-teka, bakit ikaw gising ka pa ng ganitong oras?" tanong niya.
Natigilan ito pagkuwa'y nag-iwas ng tingin. "Wala lang."
Hindi siya nakaimik. Parang may kung anong kumurot sa puso niya. Alam na niya ang sagot. Tuwing ganoon ang sinasabi nito, ibig sabihin ay may kasama ito sa silid nito. Ganoon din kasi ang sinasabi nito kapag sinasabihan siya nitong bantayan kung darating ang mga magulang nito. Alam niya iyon kahit hindi nito sinasabi. Marahil isa sa magandang babaeng kasama nito kanina ang kasalukuyang nasa silid nito.
"Wala lang ka pa diyan alam ko naman," bulong niya.
Tumingin ito sa kanya. Kahit madilim ay naaninag niyang tila nahiya ito. "Paano mo nalaman?"
She sighed. "Ikaw na rin ang nagsabi, sabay tayong lumaki no. Kilala na kita."
Tumingin lamang ito sa kanya. Oo nga at kilala na niya ito, pero may mga pagkakataon na gaya ng mga oras na iyon na nahiling niya na sana alam niya ang iniisip nito. Biglang nawalan sila ng pag-uusapan.
Tumayo na siya. "Sige na. Inaantok na ako," paalam niya rito.
Tumayo na rin ito. Saglit siya nitong tinitigan bago sumagot. "Okay. Sleep tight," anito. Hinaplos nito ng palad ang baba niya. Nagdulot iyon ng kakaibang ligaya para sa kanya. Ugali nitong gawin iyon kahit noong mga bata pa sila.
"Carlo..."
"Hmm?"
Saglit siyang napatitig dito. Ano nga ba ang gusto niyang sabihin dito? Tipid siyang ngumiti. Hindi niya pa kayang sabihin iyon. "Good night."
Ngumiti ito at tumango. Tumalikod na siya at dumeretso sa silid niya. Nang maisara niya ang pinto ay saglit siyang napatitig sa kadiliman. Pagkuwa'y napabuntong hininga siya.
BINABASA MO ANG
WILDHORN BAND mini series
RomanceRAW AND UNEDITED VERSION of my stories published back in 2010 Book 4: At Last A Love To Last (on going) "Tinatanong ako nina mama at papa kung ano ang gusto kong regalo. Ikaw na lang kaya ang hingin ko? Ibibigay ka kaya nila sa akin?" Hindi inakala...