KAHIT na sinasabi ng kaibigan niyang si Yu na sigurado na ang resulta ng contest ay napaiyak pa rin sa tuwa si Cham nang i-announce na ang banda nilang Wildflowers ang may pinakamaraming text at online votes. Nagulat pa sila nang makitang mahigit isang daang libo ang boto sa kanila. Labis-labis ang saya nila.
Kinagabihan matapos ang announcement na iyon ay nakatanggap si Cham ng tawag mula sa mga magulang niya. Napapanood pala nila ang mga episode ng show at napanood din ng mga ito ang announcement ng panalo. Kahit na nasa tono pa rin ng mga ito ang hindi pagsang-ayon sa daang tinatahak niya ay masaya siyang malamang sinusundan ng mga ito ang mga nangyayari sa kaniya. Matapos ang maraming pangaral ay ibinilin ng mga ito na umuwi siya sa kanila kapag nagkapanahon na siya.
Ngunit hindi na siya nakahanap ng panahon dahil agad silang bumalik ng Diamond Records para sa pormal na pagpirma ng kontrata. Sa harap ng press ay opisyal silang pumirma ng kontrata at sumagot ng ilang mga katanungan. Kasunod niyon ay sunod-sunod na meetings para sa paggawa ng kanilang debut album. Dahil si Rick ang kanilang producer ay mas dumalas ang pagkakakita niya rito. Binigyan din sila ng kumpanya ng manager.
Hindi na rin nila kailangang problemahin ang studio na pageensayuhan nila dahil sa araw na iyon ay sinamahan sila ni Rick sa magandang studio kung saan makakapagensayo sila ng maayos.
"Wow," bulalas nilang lahat nang makarating sila sa studio na sinasabi ni Rick. Noon lamang kasi sila nakapasok sa ganoon kalaking studio. Habang naglalakad sila sa lobby ay para silang mga batang tingin ng tingin sa bawat silid na salamin lamang ang dingding at kitang kita nila ang loob.
"Kapag nakita kayo ni Carlo na ganiyan kamangha matutuwa siya ng husto. He owned this place," natatawang puna ni Rick sa kanila.
Tiningala niya ito. "Pero ang ganda talaga dito. Dito rin kayo nagpapractice hindi ba?" tanong niya rito.
Ngumiti ito. "Yes. Dito ang papunta sa practice studio," anito at hinawakan siya sa siko upang bahagya siyang akayin paliko. Tulad ng dati ay naooverwhelm siya sa pagiging touchy nito pero hindi na lamang niya iyon ipinapahalata dito.
Papasok na sila sa isang pinto nang bumukas ang katapat niyon at iluwa ang mga kaibigan ni Rick. "Uy, nandito pala ang Wildflowers. Practice?" nakangiting tanong ni Carlo. Nagsitanguan sila.
"Carlo may asawa ka na. Don't flirt with them," pabirong saway ni Rick dito.
Tumawa si Carlo. "Oh who's flirting? Don't worry girls harmless kami. Lahat dito maliban diyan sa lalaking katabi niyo ay taken na," sabi pa nito.
"Ah just shut up pare," muli ay saway dito ni Rick at bumaling sa kanila. "Don't mind him. Nasa kabilang pinto lang kami. Good luck sa practice," nakangiting paalam nito sa kanila. Tinapik pa siya nito sa balikat bago nito inakay papasok sa katapat nilang pinto si Carlo.
Huminga siya ng malalim at bumaling sa mga kaibigan niyang nakatingin lang sa kaniya. "Tara practice na tayo," aya niya sa mga ito. Nang hindi tumalima ang mga ito ay nagpatiuna na siya sa pagpasok sa studio bago pa siya tanungin ng mga ito nang mga tanong na hindi niya kayang sagutin.
"GANIYAN ba talaga kamaalaga ang mga producers sa talents nila ngayon?" Napalingon si Rick sa tanong na iyon ni Carlo. Nasa likod na siya ng drumset niya at hinihintay ang mga itong matapos magtono ng gitara para makapagenssayo na sila.
"What do you mean?" tanong niya rito.
Nagtinginan ang mga ito bago nagsalita si Vergel. "Iyong pagiging sobrang maalaga mo sa kanila ganiyan ba talaga ang producer? You always show up on their gigs and you always accompany them wherever they go. Ganoon ba talaga iyon?"
Bahagya siyang napakunot noo sa mga tanong ng mga ito. "Mali ba iyon? As a producer it is my responsibility to take care of them."
"Trabaho ng manager iyon Rick. A producer's job is to produce an album and make sure it will sell," sabi na naman ni Carlo.
"That's my father's definition of a producer. I don't want to be like him," aniya na may bahid ng inis.
"Or you simply could not leave them alone dahil mayroon sa kanilang hindi mo kayang hindi makita," biglang singit ni Chase na akala niya ay hindi sasali sa usapan.
Natigilan siya. "Are you all talking about Cham?" tanong niya sa mga ito.
"Sino pa ba? You like her don't you? Noong nasa Padi's tayo hindi kayo naghiwalay dalawa eh. At sabi ng mga reliable source ko madalas mo siya ayaing magkape," tudyo ni Carlo.
Nakaramdam siya ng pagkailang sa sinasabi ng mga ito. "Pare, magkaibigan kami ni Cham huwag niyong lagyan ng malisya," saway niya sa mga ito.
"So, ikaw hindi mo nilagyan ng malisya kahit kailan?" tanong naman ni Vergel.
Lalo siyang nakaramdam ng pagkailang sa tanong na iyon dahil magsisinungaling siya kung sasabihin niyang kahit minsan ay wala siyang naramdamang kakaiba kay Cham. But he's not that stupid to tell that to his friends na mukhang naghihintay lang ng pagkakataon para asarin siya ng husto. "We're here to practice right?" pag-iiba niya sa usapan. Tumawa ang mga ito. Nakaramdam na siya ng inis kaya hinampas niya nang isang beses ang drums niya.
"Seriously Rick kung ganiyan ka ka-indecisive makakawala iyan. Pagkadebut nila mas marami nang makakapansin sa kanila. Magaganda pa naman sila lalo na si Cham. For sure maraming lalaki sa showbusiness at sa kung saan-saan pa ang magkakainteres sa kaniya. Kumilos ka na habang may advantage ka pa," sabi ni Carlo.
Napabuga siya ng hangin. "Guys, I will deal with this myself okay? Let's practice," seryoso na ring sabi niya.
Hindi na nagkomento ang mga ito at pumuwesto na. "Anong una nating tutugtugin?" tanong niya sa mga ito.
"Cover song muna kaya?" suhestiyon ni Vergel.
"Anong kanta?" tanong ulit niya.
Tila nag-isip ang mga ito. "Ah, may narinig ako kailan lang. Ang ganda," sabi ni Carlo.
Huminga siya ng malalim at tiningnan ang mga ito. "Ano nga? Chase ikaw na nga ang magdesisyon," impatient ng sabi niya.
Nasalubong niya ang mga mata ni Chase. Pagkatapos ay tumiklada ito sa gitara nito. Parang may sumipa sa sikmura niya nang makilala niya ang tunog na iyon. Naningkit ang mga mata niya pero hindi nagpakita ng pagkabahala si Chase. "Then, let's sing Wildflower's Our Song." Bago pa siya makapagprotesta ay sumang-ayon na ang dalawa at tumugtog na rin.
He groaned. For the next few minutes, his friends tortured him with the song that always makes his chest ache ever since he first heard it.
BINABASA MO ANG
WILDHORN BAND mini series
RomanceRAW AND UNEDITED VERSION of my stories published back in 2010 Book 4: At Last A Love To Last (on going) "Tinatanong ako nina mama at papa kung ano ang gusto kong regalo. Ikaw na lang kaya ang hingin ko? Ibibigay ka kaya nila sa akin?" Hindi inakala...