NATIGIL sa paglakad patungong kusina si Gemma nang marinig ang malakas na tawanan sa pool area ng malaking bahay ng mga De Chavez. Kahit na ayaw ng isip niya ay hindi pa rin niya napigilang sumilip doon.
Tama nga ang hinala niya nang makitang naroon nga si Carlo, ang nag-iisang anak nina Don Bienvenido at Doña Amparo De Chavez, ang amo ng kanyang mga magulang na amo niya rin. Doon na kasi siya sa mansiyon na iyon lumaki. Kusinera doon ang nanay niya habang ang tatay naman niya ay driver ng mag-asawa.
Mukhang nagkakasiyahan si Carlo at ang mga barkada nitong sa dalas sa bahay na iyon ay kilala na rin niya. Sa pagkakaalam niya ay isang banda ang mga ito. Paminsan-minsan din kasi ay doon din nagpapractice ang mga ito. May isang silid doon na pinagawang studio ni Carlo.
May kasama pa ang mga itong ilang babaeng tila mga modelo sa ganda. Natuon ang atensyon niya kay Carlo na malakas na tumatawa. Parang natutunaw ang puso niya kapag nakikita niyang ganoon ang mukha nito. Kapag naman seryoso ang mukha nito ay nakakailang itong lapitan, nakakaintimidate kasi ito lalo na kapag galit. Pero kapag ngumingiti ito at masaya tulad ngayon ay tila ito anghel na bumaba sa lupa. Yun nga lang, ito na yata ang pinakababaero at malokong lalaking nakilala niya sa buong buhay niya.
Magkaedad lamang sila at halos sabay na sila lumaki kaya naging saksi na siya ng mga kalokohan nito. Minsan ay nagyayaya ito ng mga barkada at nag-iinuman doon. Noong highschool nga sila ay inimbitahan nito ang buong klase nito at nag swimming party nang minsang nagpunta sa ibang bansa ang mga magulang nito para sa isang conference. Ang pinakamatindi at pinakamadalas gawin nito ay ang pagdadala ng babae sa bahay kapag wala ang mga magulang nito. Madalas na nagkukulong ito at ang kasama nito sa silid nito at siya palagi ang inaatasan nitong magbantay kung darating na ba ang mga magulang nito o hindi.
Hindi man nito sabihin kung anong gagawin ng mga ito, hindi naman siya ganoon ka naïve para hindi iyon mahulaan. Pero kahit labag sa isip at puso niya ay wala siyang magawa kundi ang sundin ito.
Bahagya siyang napaatras nang bigla itong lumingon sa kanya. Ngumiti ito at kumaway pa. "Oy Gemma! Nakauwi ka na pala. How's school?" tanong nito.
Tipid lang siyang ngumiti dahil napatingin na rin sa kanya ang mga kasama nito. Ang mga barkada nito ay nagsingitian din at kumaway sa kanya. Ngunit ang mga babaeng kasama ng mga ito ay kumunot ang noo, ang iba ay nakataas pa ang kilay. "A-ayos lang. Sige maiwan ko na kayo," paalam niya.
"Wait, Gem, pasabi naman kay Nanay Lettie, juice pa o, thank you!" nakangiti parin na sabi nito. Tumango na lamang siya at dumeretso na sa kusina.
Nauliningan niya pa ang usapan ng mga ito. "Sino iyon? Maid ninyo?" tanong ng isang babae.
"Hindi. Kababata ko. Anak siya ng mga kasambahay namin dito," sagot naman ni Carlo.
"Oh? E di maid nga," sagot ng isa at nagtawanan pa ang mga ito.
Binilisan na lamang niya ang pagtungo sa kusina upang hindi na marinig ang mga ito. Kahit na itinanggi iyon ni Carlo, parang ang sakit pa rin sa kanya na tinatawanan siya ng mga kakilala nito, kahit pa sabihing totoo namang katulong siya sa bahay nito.
Naabutan niya sa kusina ang nanay niya. "Nay, mano po."
"O, kaawaan ka. Ang aga mo yata ngayon?" puna ng kanyang ina na abala sa pagluluto nang marahil ay me-meriendahin ng mga bisita.
"Hindi po nakarating ang professor ko sa last subject ko. Nay, humihingi pa po ng juice si Sir Carlo," aniya rito. Tumalikod siya upang hindi nito makita ang pagngiwi niya. Kahit tumanda na siya sa pamilyang iyon ay naiilang pa rin talaga siya kapag tinatawag niyang Sir si Carlo.
"Tamang-tama at naitimpla ko na sila kanina pa. Ikaw ay magpahinga na muna sa silid mo at gumawa ng assignment ha? Wala naman sina Doña Amparo kaya ayos lang kahit hindi ka muna tumulong dito sa bahay."
Tumango na lamang siya at dumeretso sa maid's quarter partikular sa maliit niyang silid. Nakasalubong niya pa si Pining, isa ring katulong doon.
Ngumiti ito. "Makakapag-review ka ng todo ngayon kasi wala sina Madam. Pagbutihin mo Gemma at ng mairaos mo naman ang mga magulang mo ha," anito pagkuwa'y lumampas na matapos niya itong ngitian.
Nang makapasok sa silid niya ay pabagsak siyang umupo sa maliit niya ring higaan. Manipis na ang kutson niyon dala ng kalumaan. Ang tanging laman lang ng silid na iyon bukod sa kama ay isang maliit na aparador at mesang hinahatak niya palapit sa kama upang magamit.
Muli siyang tumayo at mabilis na nagbihis. Dodoblehin niya ang mag-re-review sa gabing iyon. Kapag wala si Doña Amparo ay talagang hindi siya pinagtatrabaho ng mga tao roon. Mabuti na lamang at kasundo niya ang lahat ng katulong doon.
Ang pamilya De Chavez ay mga tipikal na aristokrata. Stock holder ang mga ito sa isang malaking television station at sa kung anu-ano pang negosyong hindi na niya inabalang alamin. Maging si Doña Amparo ay galing din sa isang mayamang pamilya sa Ilocos. May lahi ding pulitiko ang mga ito.
Dahil marahil old rich, masyadong mapagmataas ang mag-asawa, lalo na si Doña Amparo. Kapag katulong ay katulong talaga para sa mga ito. Oo nga at pinag-aaral siya ng mga ito, pero iyon ay dahil tumanda na rin sa pamilyang iyon ang kanyang mga magulang. Isa pa ay mula naman noon ay pinagtatrabaho talaga siya nito roon. Nilinaw ni Doña Amparo na may kapalit ang lahat ng tulong nito sa kanya.
Kung tutuusin ay kuripot pa nga ito. Mula noon ay sa pampublikong paaralan lang siya pumapasok. Kahit ngayong kolehiyo na siya ay sa pinakamurang unibersidad din siya pinayagang pumasok – iskolar pa siya. Huling taon na niya sa kursong bank and finance. Ngunit may pakiramdam siya na kahit makatapos man siya ay hindi siya basta basta paaalisin nito. Ngayon pa lang kasi ay palagi na nitong bukambibig na dapat siyang tumanaw ng utang na loob dito
Basta, nangako siyang hindi siya habambuhay na magiging utusan sa mansyion ng mga De Chavez. Iaahon niya ang sarili niya at ang mga magulang niya sa hirap. Dahil gusto naman niyang kahit papaano ay umangat naman siya ng konti, para kahit papaano ay maabot man lang niya si Carlo.
Nang maisip iyon ay hindi niya napigilang mapabuntong hininga. Noon pa man ay tanggap na niya ang katotohanang may damdamin siya para dito. Noon, akala niya kaya gustong-gusto niya itong makita at makasama ay dahil lumaki na siyang nakikita ito. Ngunit ng magdalaga siya at magsimulang may lumigaw sa kanya, unti-unti niyang narealize na iba pala ang nararamdaman niya para dito. Lahat ng lalaki dito niya naikukumpara, at lahat ng mga ito walang-wala dito.
Hindi kasi ito tulad ng mga magulang nito. Hindi ito matapobre. Palagi itong may ngiti hindi lamang para sa kanya kundi maging para sa lahat ng tauhan sa bahay na iyon. Mabait din ito sa kanya at madalas siyang bigyan ng pasalubong tuwing may pinupuntahan ito. Pero palihim lamang nitong ibibinibigay iyon. Kahit hindi nila pag-usapan ay pareho nilang alam na magagalit ang mama nito kapag nalaman nitong masyadong mabait si Carlo sa isang tulad niya.
Ngunit hanggang lihim lamang ang pagmamahal niya para kay Carlo. Walang pwedeng makaalam niyon. Kapag nalaman iyon ng mga magulang niya ay tiyak na kagagalitan siya ng mga ito. Lalo na kapag nalaman iyon ng mga magulang nito. At lalo na ito mismo. Siguradong pagtatawanan siya nito kapag nagkataon. Baka isipin nitong binibigyan niya ng malisya ang mga kabaitang ipinapakita nito sa kanya. Marunong naman siyang lumugar.
Muli siyang napabuntong hininga at napailing. Inilabas na niya ang mga notes niya at ilang photocopy ng lessons nila. Nagtitipid siya kaya hindi na siya nagaabalang bumili ng libro. Konting tiis na lang naman ay makakagraduate na siya, ilang buwan na lang. Matutupad na niya ang mga pangarap niya.
BINABASA MO ANG
WILDHORN BAND mini series
RomanceRAW AND UNEDITED VERSION of my stories published back in 2010 Book 4: At Last A Love To Last (on going) "Tinatanong ako nina mama at papa kung ano ang gusto kong regalo. Ikaw na lang kaya ang hingin ko? Ibibigay ka kaya nila sa akin?" Hindi inakala...