At Last A Love To Last - Part 11

4.1K 164 0
                                    

DUMERETSO sa isang musical instrument store si Gemma pagkagaling niya sa trabaho. Kahit kasi sinabi ng anak niyang pagdating na lang ng daddy nito ito mag-aaral mag-gitara ay hindi niya pa rin matiis na hindi ito bilhan. Siguro ay dahil noong bata pa siya ay hindi nabibili ng mga magulang niya ang mga gusto niya kaya gusto naman niyang hindi iyon mangyari dito. O siguro, dahil siya mismo ay nalalabuan kung kailan babalik sa kanila si Carlo. O kung babalik pa nga ba ito. Hindi naman kasi nito alam na may kailangan itong balikan sa kanya.

Agad niyang tiningnan ang mga naka-display na gitara. Magaganda naman iyon lahat. ang kaso, wala siyang alam sa mga ganoong bagay at hindi niya alam kung alin doon ang pwede sa anak niya. Ilang minuto na siyang nakatayo roon at nag-iisip ng tamang bilhin nang may tumikhim sa likuran niya.

"Hindi ka ba makapili ng design?" tanong ng lalaki.

Nang lingunin niya ito ay bahagya siyang nagulat. Kilala niya ito. Sa pagkakaalam niya ay isa ito sa mga kaibigan ni Carlo. Tila naman nakilala rin siya nito dahil kumunot din ang noo nito.

"Teka parang kilala kita," sabi nito.

Alanganin siyang ngumiti. "Ahm, pwde bang magpatulong? Hindi ko kasi alam kung anong bibilhin ko. Para kasi siya sa nine years old na bata na hindi pa marunong mag-gitara," sabi niya upang hindi na nito masyado pang isipin kung sino siya.

"Talaga. Well kung hindi pa siya marunong, acoustic guitar muna ang bilhin mo para sa kanya," anito at inabot ang isang gitara. Nakangiti nitong ipinakita iyon sa kanya. "Ipangreregalo mo ba sa inaanak mo?"

Muli siyang alanganing ngumiti. "Hindi. Sa anak ko. Mukhang maganda nga ito. Sige ito na lang ang bibilhin ko."

Tumango-tango ito. "Okay. Dapat isinama mo siya rito para siya ang pumili. Isinama mo na rin dapat pati mister mo," anitong may bahid pa ng panunudyo ang boses.

Alanganin siyang ngumiti. "W-wala akong asawa. Magkano ba ito?" tanong niya.

Natigilan ito at tila nahihiyang ngumiti. "Pasensya ka na sa kadaldalan ko. Magaan kasi ang loob ko sa iyo."

"Okay lang," nakangiting sagot niya.

"Dahil feeling ko kilala kita pero ayaw mo lang sabihin kung saan tayo nagkita, may discount ka," nakangiting sabi nito at muling kinuha sa kanya ang gitara. Lumakad ito patungo sa counter.

Alanganing sumunod siya rito. Hindi niya rin alam kung bakit ayaw niyang magpakilala rito. Habang inaayos nito ang binibili niya ay inilibot niya ang paningin sa paligid. Natutok ang pansin niya sa isang malaking poster ng wildhorn na nakadikit sa dingding. Parang gusto niyang hingin iyon para palagi niyang makita si Carlo.

Narinig niya ang pagbukas ng pinto ng shop. "Lloyd! I need new guitar strings!"

Napako si Gemma sa kanyang kinatatayuan ng marinig ang boses na iyon. Nanlaki ang mga mata niya. Biglang bumilis ang tibok ng puso niya. Kilala niya ang tinig na iyon. Kahit siyam na taon na ang nakararaan ay malabong makalimutan niya ang boses na iyon, maging ang presensya nito na kahit nakatalikod siya ay damang-dama niya. Ang presensya ni Carlo.

"Kumuha ka na lang diyan," sabi ng lalaking umasiste sa kanya.

Naramdaman niya ang paglakad ni Carlo. Parang natatakot siyang humarap dito. Ano kayang magiging reaksyon nito kapag nakita siya nitong muli?

"Damihan mo na para hindi mo na iniistorbo si Lloyd tuwing napuputulan ka ng string," tinig iyon ng isang babae na tinawanan ni Lloyd.

Awtomatiko siyang napalingon. Parang may pumiga sa puso niya nang makitang may kasama pala si Carlo na pumasok sa store. Kahit simple lamang ang ayos ng babae ay napakaganda nito. Parang gusto niyang umiyak habang nakikita niya si Carlo at ang babaeng magkalapit at magkasamang tumitingin ng guitar strings.

Dumeretso ng tayo si Carlo. "I'll have this!" sabi nito kay Lloyd. Nanatili lamang siyang nakatitig dito. Miss na miss na niya ito samantalang ito ay tila masaya na sa buhay nito, sa piling ng iba. Napabaling ito sa direksyon niya. Their eyes met. The past and the present seem to flood over her, making her speechless in front of the only man she loves.

"GEMMA?" tawag sa kanya ni Carlo habang marahang naglalakad palapit sa kanya. Bakas din sa mukha nito ang pagkabigla. Nakatitig lamang siya rito hanggang sa nasa harapan na niya ito. "It's really you," he said just above whispher.

"C-carlo," tanging nasabi niya kahit marami siyang gustong sabihin dito. Kahit gusto niyang sabihin dito kung gaano niya ito na-miss. Her body is shaking because of the urge to hug him.

Nakita niya ang pagdaloy ng iba't-ibang emosyon sa mukha nito. Pagkuwa'y bahagya siyang nagulat ng hatakin siya nito palapit sa katawan nito at yakapin siya ng mahigpit. It feels good to be in his arms again. After nine years. Pero nahagip ng mga mata niya ang nagtatakang mukha ng babaeng kasama nito. Parang gusto niyang umiyak pero pinigilan niya ang sarili.

Dagli siyang pinakawalan ni Carlo. "My God Gem, where have you been all this years? Bigla ka na lang nawala ng walang pasabi. Ayaw sabihin sa akin nina nanay Lettie kung nasaan ka," dere-deretsong sabi nito.

Ibinuka niya ang bibig upang magsalita. Ngunit muli niya rin iyong itinikom dahil wala siyang maisip na idahilan dito. Sa huli ay isang salita lamang ang nasabi niya. "Sorry"

"You should be. Pinag-alala mo ako ng husto."

Hindi niya naiwasang mapait na ngumiti sa sinabi nito. "Talaga?" Parang hindi naman totoo. Iyon nga at may kasama itong ibang babae. Pero siguro, matagal ng natapos ang stage sa buhay nito na nag-alala ito sa kanya.

"Of course," maagap na sagot nito.

"Magkakilala kayo Carlo?" tanong ng babaeng kasama nito na nakalapit na sa kanila. Bigla siyang na-insecure dito. Ang ganda ganda nito.

"Now I remember. Sabi ko na nga ba nakita na kita dati," sabi naman ni Lloyd na nakalapit na sa kanila bitbit ang gitarang binibili niya.

Bigla niyang naalala si Gian. Hindi niya yata maaatim na sabihin kay Carlo ang tungkol sa anak nila ngayong may sarili na itong buhay. Pilit na lamang siyang ngumiti.

"Teka, saan ka ba nakatira? Malapit ka lang dito?" tanong sa kanya ni Carlo na mukha namang totoo ang sayang nasa mukha na makita siyang muli.

Iniwasan niyang tingnan ito sa mga mata. Natatakot siya na hindi niya maintindihan. "Hindi. Ang pinapasukan ko ang malapit dito. Sige, kailangan ko ng umalis eh. Hindi ako pwedeng gabihin," paalam niya sa mga ito at tiningnan si Lloyd. "Magkano?"

Ngumiti ito at iniabot sa kanya ang gitarang nasa lalagyan na. "Libre ko na iyan. Regalo ko sa anak mo," nakangiting sabi nito.

"Naku nakakahiya naman," angal niya.

"May... anak ka na?" tanong ni Carlo.

Napatingin siya rito. Manghang nakatitig ito sa kanya. Anak natin.Pero hindi na niya pwedeng sabihin iyon dito. "O-oo. S-sige, mauna na ako sa inyo," aniya at mabilis na lumabas ng store. Ang bilis-bilis pa rin ng tibok ng puso niya. Mabilis siyang pumara ng taxi. Alam niyang mapapamahal siya pero ang nais niya lamang ay makalayo roon. Wala sa loob na nayakap niya ang gitara. Naalala na naman niya si Gian. Anak, hindi na yata uuwi pa sa atin ang daddy mo kahit kailan. At sa pagkamangha ng taxi driver, walang pakielam na napahagulgol siya. Dahil tulad noon, mahal niya pa rin si Carlo. At si Carlo pa rin ang taong hindi niya pwedeng mahalin.

WILDHORN BAND mini seriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon