Our Song - Part 4

2.8K 115 3
                                    


HINDI alam ni Cham kung gaano katagal na niyang tinititigan ang natutulog na mukha ni Rick. Hindi na niya inabala ang sariling tingnan ang oras. Nakahiga ito sa pabilog na kama habang siya ay nakatalungko sa couch na katapat nito. Parehong roba na lamang ang suot nilang dalawa dahil pinakiusapan niya ang isang staff na patuyuin ang mga damit nila at dalhin doon sa lalong madaling panahon.

Kung malalaman ng mga kaibigan niya na pumasok siya sa isang motel kasama ang isang lalaki ay tiyak na sasabunutan siya ng mga ito. Subalit wala naman siyang pagpipilian. Basang-basa silang dalawa at ang motel na iyon lamang ang pinakamalapit sa kanila. Hindi naman niya ito kayang abandonahin sa ganoong kalagayan.

Matagal silang nasa ulanang dalawa at nang magkalakas na siya ng loob na ayain itong umalis sa ulanan ay susuray-suray na ito sa marahil ay magkahalong epekto ng sangkatutak na alak na nainom nito at papatinding lagnat. Nang makapasok sila sa silid na iyon ay bagsak na ito sa kama.

Napabuntong hininga siya at napatingin sa kamay niyang kanina ay nakatakip sa mga mata nito. Kahit malakas ang ulan ay may nadama siyang kakaibang init sa mga palad niya kanina. She knew he was crying. At base sa mga sinabi nito ay malamang iyon ay dahil broken hearted ito. Nang marealize niya iyon kanina ay nawalan siya ng lakas na magsalita. Naipagpasalamat din niya na dahil natatakpan ang mga mata nito ay hindi nito nakitang maging siya ay umiiyak. Tila may pumipiga sa puso niya kanina habang nakikita niya itong ganoon. Sinong nanakit sa iyo ng ganiyan Rick?

Naikuyom niya ang kamay at muli itong pinagmasdan. Napahinga siya ng malalim. May kung anong sumisibol sa dibdib niya habang pinagmamasdan niya ito. Kahit alam niyang walang kapupuntahan, nahiling niya na sana siya na lang ang babaeng mahalin nito para hindi ito nasasaktan ng ganoon.

Napaderetso siya ng upo nang makitang kumilos ito. Dumilat ito at bumangon habang hawak-hawak nito ang ulo. Nang mapabaling ito sa kaniya ay bumakas ang pagkagulat sa mukha nito. "W-what?" manghang tanong nito at napatingin sa sarili nito.

"Basang-basa tayo sa ulan kaya inalis ko na ang damit mo. Promise wala akong nakita! Pumikit ako!" tarantang sabi niya nang mabasa niya ay tinatakbo ng isip nito. Nang tingnan siya nito ay nag-init ang mukha niya. "Kapag kasi natuyo sa katawan mo ang damit mo lalo kang magkakasakit. Ngayon pa nga lang may lagnat ka na eh," patuloy niya.

"Imposibleng wala kang nakita," sabi nitong deretso ang tingin sa kaniya.

Lalong tumindi ang pag-iinit ng mukha niya. "Wala nga! Hindi ako ang tipo ng taong mananamantala ng lalaking emotionally unstable," giit niya. Nang makita niyang natigilan ito ay nakagat niya ang dila niya.

Bumuntong hininga ito at muling humiga. "Ang sama ng pakiramdam ko," sabi nitong hinigpitan ang pagkakataklob ng comforter sa katawan nito.

Napatayo siya at lumapit dito. "May lagnat ka nga kasi. Gusto mo ba ng gamot? O nagugutom ka ba? Oorder ba ako? O gusto mo magpatawag ako ng taxi para makauwi ka na?" nag-aalalang tanong niya rito. Umupo siya sa tabi nito at muling sinalat ang noo nito. Mas mataas na ang temperatura nito. "Rick."

"I'm pathetic," bulong nito.

"Huh?"

"Hindi ako makapaniwalang aakto ako ng ganoon sa harap ng isang babaeng ngayon ko lang nakilala. Really, I'm pathetic. Maybe this is why she didn't choose me."

Muli ay parang may kumurot sa puso niya sa sinabi nito. Huminga siya ng malalim. "Rick, hindi ibig sabihin na hindi ka niya pinili katapusan na ng mundo. For sure, there are many women out there who will be willing to be beside you and love you the way you deserve to be loved. Malamang kasing dami sila ng bituin sa langit kapag hindi umuulan. So you should cheer up," pampalubag loob niya rito.

Kumilos ito at bahagyang humarap sa kaniya. Hindi niya mabasa ang mga mata nito. Bahagya itong bumangon at hinawakan ang braso niya. Dahil nilalagnat ito ay damang dama niya sa braso niya ang init nito. "Isa ka ba sa mga bituing sinasabi mo?" mahinang tanong nito.

Bago pa magregister sa utak niya ang ibig nitong sabihin ay naihiga na siya nito sa kama at nakubabawan. Nagkabuhol-buhol ang paghinga niya sa bilis ng tibok ng puso niya. When her eyes met his intent gaze, she felt butteflies in her stomach. "R-rick," tawag niya rito.

Hindi ito nagsalita at nagsimulang bumaba ang mukha sa kaniya. Nahigit niya ang paghinga. Nang ilang pulgada na lamang ang pagitan ng mga mukha nila at nararamdaman na niya ang mainit na hininga nito ay napapikit siya. Nang sa tingin niya ay hahalikan na siya nito ay nagsalita ito. "Just kidding."

Napadilat siya nang maramdaman niyang lumayo ito sa kaniya. Umalis ito sa pagkakakubabaw sa kaniya at bumalik sa pagkakahiga. Muli itong nagtalukbong ng comforter. "Hindi ko pa kayang bumiyahe kaya dito na lang muna ako. Kung gusto mo ng umuwi ayos lang sakin. Ako na ang magbabayad ng kuwartong ito," hindi tumitinging sabi nito.

Bumangon siya. Napahawak siya sa dibdib niya dahil tila may pumipiga sa puso niya habang nakatingin dito. Nararamdaman niya ang panginginig ng katawan niya. Bago pa siya makapag-isip ay tila may sariling buhay na ang katawan niyang niyakap ito.

Naramdaman niyang natigilan ito. "What are you doing? Ang bigat mo," mahinang sabi nito pero hindi naman mukhang gusto siyang paalisin.

Pumikit siya at bahagya pang hinigpitan ang pagkakayakap dito. Nanginginig pa rin ang katawan niya. Pakiramdam niya maiiyak siya anumang sandali. Nagbabakasakali siyang kapag sinunod niya ang bulong ng puso niyang yakapin ito ay kumalma kahit papaano ang damdamin niya.

"Hey," pukaw nito sa kaniya makalipas ang ilang sandali.

"Hmm?"

"Kantahan mo ako. Iyong kinakanta mo kanina sa bar," sabi nito. Napadilat siya at bahagyang lumayo rito. Humarap ito sa kaniya. "I like listening to your voice," sabi nito.

Mariin niyang naitikom ang mga labi at tumango. Muli itong pumikit at tumagilid. Tuluyang tumulo ang luha niya. It was then she realized, she's really in love with him. Akala niya dati, ang pagmamahal niya rito ay pagmamahal lamang ng isang avid fan sa idol nito. Pero ngayon ay sigurado siyang mas malalim iyon. Kahit alam niyang malaki ang posibilidad na pagkatapos ng gabing iyon ay hindi na sila magkita pa, kahit na alam niyang malabong masuklian nito ang nararamdaman niya, ay naamin niya sa sarili niyang mahal niya ito.

Huminga siya ng malalim at pinunasan ang mga luha niya. Pagkatapos ay nagsimula siyang kumanta. Kinantahan niya ito ng kinantahan hanggang sa nakita niyang mahimbing na itong natutulog.

Matagal niyang pinagmasdan ang nahihimbing na mukha nito. Pagkuwa'y maingat niyang hinalikan ang noo nito at bumulong. "Bukas, magiging okay ka na."

WILDHORN BAND mini seriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon