"HALA bakit naman ganyang pizza ang inorder mo?" nakangiwing tanong niya kay Vergel. Sa malapit na restaurant sa University nila sila tumuloy pagkatapos ng subject nila. Dalawa lamang sila sa lamesa at ang pinakamamahal nitong gitara.
"Bakit? Masarap naman ito ah?" sabi naman nito at takam na takam pa habang nakatingin sa pizza .
"I hate bell peppers," sagot niya.
Napatingin ito sa kanya. "Seryoso?"
"Oo nga."
Tila naman nag-isip ito. "Eh di ako na lang ang kakain ng lahat ng bell peppers," anito at sinimulang kunin ang lahat ng bell peppers sa pizza. Napatingin siya rito. Mukhang hindi naman ito apektado. Umakto pa itong takam na takam.
Natawa tuloy siya. "Babaho ang hininga mo niyan," komento niya.
"Ah ganon? Kakainin ko na nga lahat dahil ayaw mo eh," sabi naman nito at umasta pang nasaktan.
Lalo lamang siyang natawa. "OA mo, hindi bagay," aniya.
Maya-maya lang ay nagtatawanan na sila. Kinain na rin niya ang pizza na inalisan na nito ng bell pepper. Hindi na lang nila pinansin ang mga tingin ng mga tao sa kinakainan nila.
"Teka, may ipaparinig pala ako sa iyo. Ito iyong isa sa mga kantang ico-cover namin sa isang gig namin," anito at inabot ang gitara. Napangiti siya. Saglit pa ay kinakalabit na nito ang gitara. Nangalumbaba pa siya habang nakatingin dito. She loves seeing him playing his guitar. He looks so cool.
Nagsimula itong kumanta. Pinigilan niya ang matawa lalo pa't emote na emote pa ito. Ilang minuto na itong kumakanta nang hindi na niya napigilan ang sarili niya. Natawa na siya.
Tumigil naman ito sa ginagawa. Sumimangot ito. "Nakakalaglag ka naman ng self-esteem Grace. Girlfriend pa naman kita kung makatawa ka naman," angal nito.
Lalo siyang natawa. "Eh kasi naman. Hindi ba pwedeng ibigay mo na lang kina Chase at Lloyd ang pagkanta? Mag gitara ka na lang," sabi niya. Ayos naman ang boses nito, kaso hindi pang singer .
"Hoy, dinig na dinig ang mga boses niyo sa labas pa lang," komento ni Carlo.
Sabay silang napalingon ni Vergel nang mauliningan ang boses na iyon. Nakangising lumapit sa kanila ang mga kabanda nito at nag kani-kaniyang upo.
"Ano namang ginagawa niyo rito?" asar na tanong ni Vergel.
"Kakain," nakangising sagot ni Jeff.
"Madami pang bakanteng lamesa, dito pa kayo sisiksik," asar pa ring sabi nito na ikinatawa ng mga kaibigan nito.
"Wala kasi kaming date ngayon kaya maninira na lang kami ng date," sagot naman ni Lloyd. Tumingin pa ito sa kanya at kumindat.
Natawa na rin siya. "Hayaan mo na. Minsan naman, the more the merrier," sabi na lamang niya. Umungol bilang pagtutol si Vergel. Tiningnan niya ito at nginitian na lamang. Bumuntong hininga ito at ngumiti na lang din at umakbay pa sa kanya.
"On second thought lumipat na lang kaya tayo? Ang tinding maglambingan ng mga to," komento naman ni Chase na tinawanan ng mga ito.
"Inggit lang kayo!" sagot ni Vergel.
NAGING mabilis ang mga araw. Namalayan na lamang ni Grace na patapos na pala ang semester. Sa araw na iyon ay nagpasya siyang magpunta sa library kasama si Marilou para mag-aral. Malapit na kasi ang finals at gusto naman niyang makakuha ng mataas na grades.
"Wow, mabuti naman at nakahiwalay ka naman sa boyfriend mo ngayon," komento ni Marilou.
Tiningnan niya ito. "Uy, nagseselos na ang bestfriend ko. Siyempre, kailangan ko rin ng time sa iyo at sa pag-aaral ko," biro niya.
Tumawa ito. "Gaga, ba't naman ako magseselos no? In fact, masaya naman ako para sa iyo. Natutuwa nga ako kasi tumagal kayo. Yung iba nga one week lang dispatyado na agad. Ikaw tumagal ka ng ilang months, oha, matatahimik na ang mga babaeng nang-aaway sa iyo."
Natawa rin siya. Kahit siya ay hindi inaasahang tatagal sila ng ganoon. Kahit walang ipinangakong kahit ano si Vergel, umaasa siyang mapagbabago niya ang paniniwala nito. At nararamdaman niyang nagtagumpay siya.
"Hay naku. Hindi nakatiis," sabi ni Marilou na tumirik pa ang mga mata. Nagtatanong na tiningnan niya ito. May inginuso ito sa bukana ng library.
Nang lumingon siya ay nakita niyang pumasok si Vergel. Hindi rin nakaligtas sa kanya ang tinging ipinukol dito ng mga estudyanteng naroon. Karamihan ay paghanga ang nasa mukha, ang iba naman ay pagtataka. Bakit naman hindi, eh hindi naman pumapasok sa library si Vergel.
Saglit nitong iginala ang paningin bago siya nito nakita. Ngumiti ito at mabilis na lumapit sa kanila. Hinatak nito ang upuan sa tabi niya at kampanteng umupo roon.
"Wow, mag-aaral ka?" tanong ni Marilou dito. Naipagpasalamat niya na magkasundo na ang mga ito.
Ngumisi si Vergel. "Hindi. May sasabihin lang ako kay Grace."
Her best friend rolled her eyes. "I know, I know, pinapaalis mo na naman ako. Doon lang ako sa kabilang table," anito. Tumayo ito at binitbit ang notebook at mga libro.
"Medyo nagiging sensitive na si Marilou ngayon ah," natatawang komento ni Vergel.
Natatawang tiningnan niya ito. "Anong sasabihin mo?"
Ngumiti ito at lalo pang lumapit sa kanya. Humawak pa ito sa sandalan ng upuan niya. "Nood tayo ng sine sa weekend," aya nito.
Nakangiting pinagtaasan niya ito ng kilay at muling itinuon ang pansin sa notebook niya. "Hindi pwede. Pagkatapos na lang ng finals."
"Ganoon? Mas uunahin mo pa ang pagrereview kaysa sa akin?" may paghihinampong sabi nito.
"Oo naman," balewalang sagot niya.
Hindi ito nagsalita. Nang sulyapan niya ito ay nakita niyang mataman itong nakatingin sa kanya. Wala na ang ngiti sa mga labi nito. Bigla naman siyang nakonsiyensiya. Nasaktan ba ito sa sinabi niya?
Humarap din siya rito. Hinawakan niya ang mukha nito. "Eh kasi mahalaga talaga ang finals. Magagalit sila mama at papa kapag bumaba ang grades ko."
Tila naman natigilan ito sa sinabi niya. "Nasa probinsya nga pala ang parents mo no?" kaswal na sabi nito.
"Oo. Alam mo na, Hindi naman kami ganoon kayaman. In my own way gusto ko namang ma-improve ang buhay namin at para maging proud sila sa akin. Teka, ang parents mo nga pala anong pinagkakaabalahan?" bigla niyang naitanong. Hindi pa nito nababanggit ang mga magulang nito sa loob ng ilang buwan nilang relasyon.
Nawala ang ngiti nito at nagkibit balikat. Bahagya itong lumayo sa kanya. "Who knows. Matagal ng hiwalay ang mga magulang ko at may kani-kaniya ng pamilya," tanging sagot nito.
"Ah," nasabi na lamang niya. Napatitig siya sa seryosong mukha nito. "Promise after ng finals manonood tayo ng sine. Kahit ano pang palabas ang gusto mo," pangaalo niya rito.
Tumingin naman ito sa kanya. Hindi pa rin nagbago ang ekspresyon sa mukha nito. "Sinabi mo iyan ha. Ang talas ng memorya mo sa mga lessons pero hindi mo man lang naalala ang monthsary natin," sa wakas ay sabi nito.
Natigilan siya. Pagkuwa'y nanlaki ang mga mata niya. Oo nga pala! Sa sabado ang fifth monthsary nila. Kaya siya nito niyayayang manood ng sine!
"Oh."
"Oh ka diyan. Pambihira ka naman Grace oh. Hindi ba babae ang mas nakakaalala sa mga ganyan?" sabi nito, bumalik na sa dati ang ekspresyon nito.
Napangiti siya. "Sorry. Akala ko kasi hindi naman importante sa iyo iyon."
Bigla itong nag-iwas ng tingin. "Paano namang hindi naging importante, first fifth monthsary ko 'to," sabi nito sa mahinang tinig.
Napatitig siya sa mukha nito at napangiti. Akalain niya bang may ganoong side ito? Bahagya niya itong binundol. "Sorry na. Manonood talaga tayo ng sine promise."
Sumulyap ito sa kanya. "Kung talagang nagso-sorry ka, i-kiss mo nga ako," anitong may nanunudyong ngiti.
Natawa siya. "Manigas ka."
BINABASA MO ANG
WILDHORN BAND mini series
RomanceRAW AND UNEDITED VERSION of my stories published back in 2010 Book 4: At Last A Love To Last (on going) "Tinatanong ako nina mama at papa kung ano ang gusto kong regalo. Ikaw na lang kaya ang hingin ko? Ibibigay ka kaya nila sa akin?" Hindi inakala...