Jai’s POV
Pagpasok ko sa silid ay nadatnan ko si Philip na nakikipaglaro sa tatlo. Agad naman akong napansin ng mga bata na mukhang nagising na galing sa mahimbing na tulog na ginawa ni Philip sa kanila. Bago pa man sila makalapit sa akin ay napamewang na ko dahil sa pagkadismaya sa tatlo.
“Akala ko ba nagkaintindihan tayo sa bilin ko sa inyo kanina?” sabi ko na siyang nagpahinto sa kanila.
Tila nakatayo lang ang tatlo at hindi makatingin sa akin diretso.
“Nag-alala kami ng Kuya Philip nyo dahil hindi namin alam kung saan kayo nagpunta kanina. Buti na lang nakita niya kayo doon sa tapat ng silid ng Hari. At isa pa, nagkagulo pa doon sa kusina dahil sa pinaggagawa niyo. Hindi niyo ba alam na wala pa tayong nag-iisang araw dito, nakagawa na kayo ng gulo dito sa Palasyo?”
Pagkatapos ng aking mahabang sermon ay tila katahimikan ang pumagitna sa aming lahat hanggang sa ilang sandali ay narinig kong nagsalita si Chang.
“Pasensya na po, Kuya Ski, hindi na po mauulit ‘yon,” sabi niya habang nakatingin pa rin sa sahig.
Isang malalim na hinga ang aking binitawan saka umupo sa malapit na kama sa tapat ng tatlo.
“Pinagsabihan ako ng Hari na hindi muna kayo maibabalik sa Academia dahil sa paparating na sama ng panahon na magtatagal ng isa o dalawang araw. Kaya, ibig sabihin no’n, mananatili pa rin kayo hanggang sa lagpasan na tayo ng bagyo. Maipapangako niyo bang hinding-hindi na kayo gagawa ng kahit anumang ikakapahamak nating lahat dito?”
Isang tango ang ginawa nila pagkatapos ng aking mahabang sermon. Napansin ko namang may parang sugat sa kaliwang braso ni Jarom. Nang napansin niya kung saan ako nakatingin ay sinubukan na takpan ni Jarom ang sugat.
“Jarom, lumapit ka muna sa akin.”
Nagdalawang-isip pa siya no’ng una ngunit lumapit naman siya ng ilang hakbang patungo sa akin. Hawak pa rin niya ang kanyang sugat.
“Maaari ko bang tignan ang sugat mo?” sabi ko at ipinakita naman niya ang kanyang sugat.
Parang isang maliit na hiwa lang ang natamo niya sa kanyang braso.
“Nasugatan po ako habang kumukuha kami ng pagkain sa kusina. Sinubukan ko pong iwasan yung mamang may hawak ng kutsilyo no’ng napansin nila kami ngunit nasugatan pa rin ako,” paliwanag niya.
“Siguro naman, ang sugat ni Jarom ay magsilbing alaala sa pagsuway niyo sa aking bilin,” sabi ko saka ko hinawakan ang braso ni Jarom.
“Sana tus heridas con mi mano.”
Nang masambit ko iyon ay tila nakaramdam ako ng napakagaang pwersa mula sa loob ko na dumaloy patungo sa mga kamay ko kung saan nakahawak ako sa braso ni Jarom. Nagliwanag ang aking mga kamay na ikinagulat ng tatlo. Nagtagal ng limang segundo ang aking orasyon hanggang sa naramdaman kong humupa ang pwersa sa aking mga kamay.
Napansin kong wala ang sugat sa braso ni Jarom. Nabigla naman ako nang niyakap niya ako na sinundan naman ng dalawa.
"Maraming salamat po, Kuya Ski," sabi ni Jarom.
Humupa naman ang aking pagkadismaya sa tatlo dahil sa pagyakap nila sa akin. Sa tingin ko nga, parang na akong magulang dito na niyayakap ng mga anak— teka, malabo pa palang mangyari na magkakaanak ako.
Bumitaw naman kami sa pagyayakapan at tinignan ko sila. "Huwag na huwag kayong susuway ulit sa bilin ko sa inyo sa susunod ha?"
"Opo, Kuya Ski!"
BINABASA MO ANG
Ave Fénix II: Muling Pagsiklab [COMPLETED]
FantasyBook 2 of 3 Formerly titled as "Pecularia II: Ang Ikalawang Yugto" Pagkatapos ang pagkabagsak ng kaharian ng Silangang Serentos, ipinagpatuloy nina Xandrus at Jai ang kanilang mga buhay sa Academia de Pecularia hanggang sa pagsapit ng kanilang ikaap...