Third Person's POV
Bagama't nagdadalawang-isip siyang tumapak sa tahimik na teritoryo ng Silangang Serentos, tinatatagan niya ang kanyang loob at humakbang hanggang sa nakarating siya sa entrada ng Palasyo. Dumadampi sa kanyang pisngi ang malamig na simoy ng hangin ngunit nagpatuloy siya at hindi niya namalayang nasa pintuan na siya ng Palasyo.
Hindi pa siya nakakapasok ay may kung anong pwersa na ang humihila sa kanya at may bumubulong sa kanyang mga tenga na mga mahihinang tinig, kahit mag-isa lamang siya sa dito.
Nang kanyang pinihit ang naiwang nakabukas na pinto, naglakbay ang liwanag ng kalangitan sa loob ng Palasyo—tahimik at walang katao-tao.
Iyon ang unang pagkakataon na makapasok siya sa Palasyo.
Nadatnan niya ang dalawang trono na bakante na siyang nilapitan niya. Umupo siya rito at nagkukunwaring siya na ang naluklok bilang Hari ng Kaharian. Ito ang kanyang pinagmulan, at iniisip niyang karapat-dapat mapasakanya ang lahat na ito.
Naglakbay siya sa mga pasilyo at nakita niya ang mga imahe ng kanyang angkan. Natanaw niya ang imahe ni Prinsesa Jainia, na alam niyang may kahawig sa kanyang itsura.
Sa dulo ng pasilyo, may bakanteng espasyo pa sa tabi ng mga imahe sa pader. Iniisip niyang siya ang susunod na maiipinta at mapapaskil sa pader bilang susunod ng Hari ng Kaharian.
Hanggang sa umabot sa silid ng Hari at nadatnan niya ang Korona na wala ng may-ari. Nilapitan niya ito at sinubukang suotin. Humarap siya sa salamin at kay laki ng kanyang ngiti nang makita ang sarili na may suot na Korona.
Iniisip niyang napakamakapangyarihan niya kapag nakasuot siya ng Korona.
Sa balkonahe, tinanaw niya ang patay na bayan sa labas ng Palasyo. Ipinangako niyang bubuuin niya muli ang Kahariang pinabayaan ng kanyang kapatid.
"Sayang lamang ang mga paghihirap ng aking mga magulang kung hahayaan ko lamang mamatay ang Kaharian," sabi niya sa kanyang sarili.
Sa kanyang kalooban ay bumuo muli ang galit at poot dahil sa kanyang kapatid. Itinatanong niya muli sa kalangitan kung bakit dumaan pa siya sa kay raming dagok sa buhay nang lumaki siya sa lupain ng Agresa at sa Vanhua kung nag-aantay naman pala sa kanya ang trono ng Palasyo. Nahirapan siyang makaraos sa araw-araw na buhay ngunit naging matatag naman siya at natutong lumaban sa buhay.
Hinawakan niya ang kanyang kwintas na nagbibigay sa kanya ng kapangyarihan. Nagpapasalamat siya rito dahil mula pagkabata ay hindi siya pinabayaan nito at prinotektahan laban sa mga kalaban.
Ngayon, tutuparin nya ang kanyang misyon na paslangin ang sarili niyang kapatid upang wala na siyang kaagaw pa sa ipapamana ng Kaharian.
Duwag.
Hambog.
Nakakairita.
Ganyan niya inilarawan ang kanyang kakambal sa tuwing naalala niya ang mukha niya.
"Dapat ka nang mamatay, Jairovski," bulong niya sa malamig na hangin.
Sa isang iglap, bigla namang dumilim ang kalangitan at isang kidlat ang tumama sa lupa. Bumaba naman siya at sinalubong ang kanyang panauhin.
"Kamusta ang paghahari dito?" naitanong ng Sadhaka sa kanya.
"Bumubuo pa lamang ako ng mga plano upang buuin muli ang Kaharian."
Pansin naman nito ang mga pasa ng Sadhaka sa katawan. "Mukhang napasabak ka ata sa matinding labanan."
"Ako'y napasugod agad rito upang balaan kita sa susunod na gagawin ng iyong kapatid."
BINABASA MO ANG
Ave Fénix II: Muling Pagsiklab [COMPLETED]
FantasyBook 2 of 3 Formerly titled as "Pecularia II: Ang Ikalawang Yugto" Pagkatapos ang pagkabagsak ng kaharian ng Silangang Serentos, ipinagpatuloy nina Xandrus at Jai ang kanilang mga buhay sa Academia de Pecularia hanggang sa pagsapit ng kanilang ikaap...