Jai's POV
Hindi ko mabilang kung ilang beses na akong bumagsak sa lupa. Kaunti pa naman ang natamo kong mga sugat ngunit unti-unti na rin akong nawawalan ng lakas.
"Ano, susuko na ba ang tagapagmana ng Kahariang ito?" pang-iinis niya sa akin.
Aakma na siyang ikukumpas ang kamay nang sumugod si Haring Leo sa kanya, ngunit nagawang iwasan ni Ransé ang mga atake niya. "Jai, umalis ka na dito!"
"Hindi ako aalis!"
"Talagang hindi ka aalis, mahal kong kapatid," isang boses ang narinig ko mula sa aking likuran at nang lingunin ko, natanaw ko agad ang bulto ng kapatid ko.
"Eirob," pagsambit ko sa kanyang pangalan.
Iyon ang muli naming pagkakita simula noong nilisan ko ang Kaharian ng Vanhua.
Sa aking pagtayo ay unti-unting lumalakas ang bugso ng ulan mula sa kalangitan. Basa na buo kong katawan at ang aking kasuotan, ngunit ramdam ko pa rin ang init ng aking kapangyarihan sa loob ko.
Hindi maaari.
Kasabwat siya sa mga Siquestro.
"Mas pinili mo pa talagang sumanib sa mga Siquestro. Sa tingin mo ba ay ikakatuwa ito ni Ina sa pagtraydor mo sa sarili mong Kaharian?"
Siya ay napangisi sa aking nasambit. "Hindi ko tinatraydor ang Kaharian, kapatid. Binabawi ko lamang ang nararapat sa akin!"
Iniangat niya sa ere ang dalawa niyang kamay at ang mga tubig mula sa lupa ay unti-unti niyang iniipon hanggang sa nakabuo ito ng mahabang nilalang.
"Handa ka na bang magpaalam, kapatid kong Jairovski?"
Sa pagkumpas ng kamay niya ay sumugod patungo sa aking kinatatayuan ang nilalang na nabuo mula sa tubig-ulan. Sa naipon kong lakas ay nagpaulan ako ng sunod-sunod na bolang apoy na sumalubong sa nilalang ngunit parang wala lamang iyong epekto sa nilalang hanggang sa ako mismo ang sinalubong ng nilalang at itinumba sa lupa.
Hindi ko na namalayan ang sunod na nangyari nang biglang may kidlat na tumama sa lupa. Nakarinig na lamang ako ng pagdaing ng mga kawal sa paligid dulot ng pagkalat ng kuryente sa lupang puno ng tubig-ulan. Hindi ko na rin nagawang takasan ang kuryente na nagpadaing sa akin sa sakit.
Natanaw ko na lamang ang dalawang bulto na nakalutang lamang sa ere habang pinagmamasdan ang kalagayan naming lahat.
Nawawalan na ako ng lakas.
Nawawalan na rin kami ng oras.
Nakita ko na lamang na nag-iipon ulit ng kapangyarihan ang dalawa ngunit hindi sila nakatingin sa gawi ko kundi sa bandang likuran ko. Nang lingunin ko, si Haring Leo lamang ang natanaw kong nakatayo habang abala sa pagharap ng mga kalaban.
Pinilit kong tumayo.
Pumasok sa isip ko ang nangyari kay Bela sa oras na iyon.
Ayaw kong maulit iyon.
Bago pa mang bumagsak sa kinatatayuan ni Haring Leo ang pinagsamahang enerhiya mula kay Ranse at Eirob, nagawa kong tumayo sa harap niya at sinalubong ang atake nila.
Sa oras na iyon, inisip kong iyon na ang huling sandali ko sa mundo. Napapikit lamang ako at handang saluin ang nakakamatay nilang kapangyarihan. Ilang saglit lamang iyon nang wala akong maramdaman na tumama sa akin hanggang sa umidlip ulit ako.
Isang maliwanag na harang ang pumipigil sa pagtama ng enerhiya sa akin. Pamilyar ang harang—ito'y minsan ko nang nasaksihan simula noong nawala sa akin ang kapangyarihan ng Ave Fenix. Tanging iniisip ko, nasa akin pa ang kapangyarihan ni Ryubi.
Nagtaka ako dahil akala ko tuluyan na iyong nawala nang bumalik ang kapangyarihan ko.
Ngunit nagkakamali pala ako.
Nagkamali ako sa akala ko.
Hindi ako makapaniwala.
Isang pamilyar na mahinang hiyaw ang narinig ko mula sa aking harapan. Nang ako'y tumingin sa baba ay bigla akong nabuhayan.
"Ryubi?"
"Meow," hiyaw niya muli na nagpalambot sa aking puso.
Napaluhod ako at agad na tumalon papunta sa akin ang munting pusa. Hindi ko mapigilang maluha sa aming muling pagkikita. Kay tagal na simula noong nawala siya sa akin nang binigay niya sa akin ang aking buhay.
"Ryubi, buhay ka."
Dahil sa kanya, hindi kami natamaan sa atake nina Ranse at Eirob. Kita ko naman ang dismaya sa kanilang mga mukha nang makitang buhay pa kami sa kabila ng ginawa nila.
"Akalain mo, buhay ka pa rin," sabi ng kapatid ko. "Mas mabuti pang tapusin na natin ang lahat!"
Tinahan ko si Ryubi. "Ryubi, iligtas mo ang mga kawal mula sa mga Siquestro. Ako na bahala sa kanila."
Isang hiyaw ang narinig ko sa kanya bago siya tumakbo.
Susugod na sana ako nang pinigilan ako ni Haring Leo. "Jai, 'di mo kailangan patumbahin ang kapatid mo. Kailangan lang natin ang kwintas niya."
"Salamat sa paalala."
Nag-ipon ang lakas hanggang sa naramdaman ko ang pag-angat ng aking katawan mula sa lupa. Ang aking tingin ay napako lamang kay Eirob. "Masyado namang hindi patas kung dalawa kayo lalaban sa akin. Hindi niyo ba ako kayang harapin nang mag-isa?"
Umasim ang mukha ni Ranse sa aking nasabi, ngunit pinigilan siya ni Eirob. "Sige, kung iyan ang kagustuhan mo. Mabuti pang kakaharapin kita ng mag-isa upang magkaalam tayo kung sino talaga ang mahina sa ating dalawa."
Gumalaw ulit ang nilalang niyang binuo mula sa tubig. Sa oras na iyon, pumikita ko at hinayaan kong dumaloy sa bawat ugat ko ang mainit na enerhiya at kumalat sa buong katawan. Sa kabila ng pagpatak ng tubig-ulan sa balat ko ay para lamang sumingaw ito—tila umuusok na rin ang katawan ko dahil dito.
Sa aking pagdilat, ramdam ko ang sobrang init hanggang nilabas ko ang enerhiya na gustong kumawala sa katawan ko. Sobrang sarap sa pakiramdam ang enerhiyang kumakalat sa loob ko.
Saka ko lamang napansin ang bagay na nasa likuran ko—isang pares ng pakpak na nagliliyab.
Sunod na nangyari ay sinugod na ako ni Eirob. Nagpaiikot-ikot muna siya sa paligid ko. "Kay ganda naman ng kapangyarihan mo. Parang hindi rin lang trono ang gusto kong mapasakin," sabi niya.
"Hindi ka pa nakuntento. Subukan mo lang, kung kaya mo."
Isang malakas na pagsigaw ang binitaw ko—isang sobrang matalas na tinig na siyang bumuwag sa nilalang na sinasakyan niya. Bumagsak siya sa lupa. Nag-alala ako saglit sa kanya, ngunit binawi ko ulit iyon ng makita ang nangangalit niyang mukha habang nakatingin siya sa akin dito sa ere.
Hindi ko kailanmang gustuhin na maging kaaway ang sarili kong kapatid. Patawad Ina, kung ito lamang ang nakikita kong paraan upang kaharapin siya.
Sunod niyang ginawa ay iniangat ulit niya ang kanyang kamay at nagsimulang bumuo ulit ng bagay mula sa mga nagkalat na tubig sa lupa. Akala ko gagawin ulit niya ang ginawa niya kanina ngunit pansin ko na iba na ang binubuo niya.
Sa kanyang pagsigaw ay bumulusok papunta sa akin ang tubig kaya naglabas rin ako ng enerhiya mula sa mga kamay ko upang salubingin ito.
Nagkatagpo ang aming kapangyarihan, tubig labas sa apoy. Ramdam ko ang lakas mula sa panig niya kaya hindi ko tinigilan ang enerhiya. Nilabas ko ang lahat na naipon kong lakas at ako'y napasigaw na lamang.
Dahil sa aming ginawa, nagdulot iyon ng malakas na pwersa na siyang nagpatumba sa akin. Bumagsak ulit ako sa lupa, ngunit nang lingunin ko ang kabilang panig ay natumba rin si Eirob at inaalayan ni Ranse. Tila nawalan ako ng lakas at hinahabol ang sarili kong hinga dulot ng labanan.
Pansin ko lamang ang pag-atras nila at ng mga Siquestro at tuluyan silang naglaho sa Kaharian bago dumilim ang paligid ko.
BINABASA MO ANG
Ave Fénix II: Muling Pagsiklab [COMPLETED]
FantasíaBook 2 of 3 Formerly titled as "Pecularia II: Ang Ikalawang Yugto" Pagkatapos ang pagkabagsak ng kaharian ng Silangang Serentos, ipinagpatuloy nina Xandrus at Jai ang kanilang mga buhay sa Academia de Pecularia hanggang sa pagsapit ng kanilang ikaap...