Kabanata 43

108 10 0
                                    





Jai's POV









"Ang ibig mo bang sabihin, ngayon lang mo siya nakita?" tanong ni Haring Guillermo sa akin nang matapos akong magpaliwanag.

"Tama, kamahalan," sagot ko naman.

Nasa isang silid kami ngayon at pinapalibutan ng mga guwardiya sibil habang kasama namin ni Eirob sa isang mesa ang Hari at Reyna ng Kaharian ng Isla Vanhua.

Kasalukuyan kong pinapaliwanag sa kanilang lahat ang aking napagdaanan sa mga nakalipas na mga araw at kasama na iyon ang pagkapadpad ko sa Kaharian nila.

Pati na rin ang unang beses naming pagkikita ng 'kakambal' ko.

"Siguro nga, itinadhana ka ng Diyos ng Titania na makarating dito upang makilala ang nawawala mong kapatid—"

Naputol naman ang sinabi ni Reyna Thalia nang bigla tumayo ang katabi ko at malakas na nilapat ang mga kamay sa mesa. "Pasensya na, ngunit kailanman ay hindi ko siya kapatid."

"Ngunit hindi maipagkakaila ang pagkakahawig ng mga mukha niyo," sabi ng hari.

Hinawakan ko ang braso ni Eirob at tinitigan siya. "Magbigay-galang ka naman," bulong ko.

"Paano ako magbibigay-galang sa mga katulad nila? Lumulugmok na ang bayan namin sa hirap at gutom at wala kaming natanggap na kahit anong tulong mula sa kanila. Tapos ano, gusto mo pa akong resputuhin sila?!"

Umalingawngaw sa silid ang biglaang paglakas ng boses niya saka niya kami tinalikuran upang umalis ngunit agad siyang pinigilan ng mga guwardiya.

"PADAANIN NYO AKO!" muli niyang pagsigaw saka siya naglabas ng tubig mula sa isang maliit na lalagyan na nakabitay sa kanyang bewang.

Gumalaw ang kanyang mga kamay at kinontrol ang tubig sa ere. Nang itatapon niya sana sa hari at reyna ay agad akong nakagawa ng harang upang mapigilan iyon.

Nanlilisik ang mga mata niya sa amin— puno ng galit at hinanakit lalo na sa hari at reyna saka niya itinapon ang kanyang masamang tingin sa akin.

Tinitigan ko siya ng maigi hanggang sa nakaramdam ako ng mainit na enerhiya sa sentido ko. Nakita ko namang kumislap ang mga mata ni Eirob sa kulay berde at nawalan siya ng malay.

Kapalit ng ginawa ko ay ang pagkahilo na siyang nagpaupo sa akin sa upuan. Isa iyong enchanta na turo sa akin ni Philip at ngayon ko ulit nasubukan sa ibang tao.

"Paumanhin, ginawa ko po ang lahat upang magtigil siya sa kanyang binabalak," sabi ko habang sinusubukan kong ibalik ang paningin ko sa dati.

Habang pinagmasdan kong inalalay ng mga guwardiya si Eirob ay naalala ko naman ang sinabi niya kanina tungkol sa bayan nila.

"Sa inasta ng batang iyon ay mukhang malabong siya nga ang kapatid mo sa kabila ng pagkakahawig niyong dalawa. At isa pa, matagal na siyang tinutugis ng mga guwardiya dahil sa pagnanakaw niya umano ng mga pagkain at alahas sa bayan," sabi ng hari matapos niyang inutusan ang mga guwardiya na lumabas kasama ang inaalalay nilang si Eirob.

Nagpatuloy naman ang usapan namin ng Hari at Reyna. Humingi ako ng tulong sa kanila na maibalik ako sa Kaharian ng Silangang Serentos imbes na sa Academia.

Baka kasi hindi na ako papabalikin sa Palasyo kung sakaling makakauwi na ako sa Academia. Gusto ko munang ipaalam ang pagbabalik ko kay Haring Leo.

Sumang-ayon naman sila at nangakong magpapadala ng mensahe sa Kaharian ng Silangang Serentos upang maisundo nila ako rito sa isla.

Nagbigay naman ako ng suhestiyon sa kanila na ihahatid na lang nila ako patungo roon ngunit sabi nila, limitado lamang ang transportasyon nila dito sa Palasyo nila.

Tinanong ko naman kung saan nila dinala si Eirob at ang sabi, dadalhin ulit siya sa isang kulungan habang ako naman ay mananatili muna sa kanilang Palasyo pansamantala.

Habang hinahatid ako ng mga guwardiya ay nanunumbalik sa aking isipan ang pagkakatulad ng nangyayari sa akin ngayon at sa nangyari no'ng dumating kami ni Xandrus sa Palasyo ng Silangang Serentos.

Wala naman akong nakikitang masamang intensyon sina Haring Guillermo at Reyna Thalia sa pag-uusap namin kanina pero sana, hindi na mauulit ang nangyari noon.

Nakarating ako ng mapayapa sa aking magiging matutulugan saka ako iniwan ng mga guwardiya at umalis.

Sa paglalakbay ko, nakailang silid na pala ako at hindi ko maalala kung pang-ilan na ito.

Nag-aalala naman ako sa kalagayan ni Eirob ngayon sa kulungan. Mukhang may kinakaharap kasi siyang problema na ikinagait niya sa Hari at Reyna.

'Di kaya may rason siya kung bakit nagnanakaw siya ng mga produkto sa bayan?

Lumabas ako at isang guwardiya naman ang bumungad sa akin. Agad niya akong tinanong kung saan ako magtutungo.

"Maaari bang makita ko muli ang kakambal ko?"

Akala ko hindi siya papayag ngunit sumang-ayon naman siyang samahan ako patungo sa kulungan kung saan nila dinala si Eirob.

Nakailang pasilyo na ang aming nadaanan bago kami nakarating sa kulungan. Nadatnan naming nakakadena ang mga kamay niya at nakasandal lamang siya sa pader sa loob ng isang rehas.

"Ba't naparito ka pa? Doon ka na at magpakasasa sa silid mo," sabi niya nang malaman niya ang presensya ko.

"Gusto ko lamang kitang kamustahi—"

"Kamustahin? Kasi hahayaan mo lamang ako dito? ISA KANG INUTIL!" pagputol niya sa sinabi ko.

"Ikaw? Kamusta ang buhay mo ha?! Kamusta ang buhay sa Palasyo bilang tagapagmana ng trono? Nakakakain ka siguro tatlong beses sa isang araw. Nakakapagsuot pa ng mga magagarang kasuotan. Nakikipaghalubilo sa mga kapwa dugong bughaw."

"Mali ang iniisip mo, Eirob," pagtutol ko ngunit napailing lamang siya. Nanatili lamang akong kalmado kahit na minumura na niya ako.

"Anong mali? Kakasabi mo lang kanina na tagapagmana ka ng trono. Ano, tanga-tangahan lang?"

"Sinabi ko lang iyon upang makabalik ako sa pinanggalingan ko. Hindi mo alam ang matinding pinagdaanan ko para lamang makatakas ako sa kamay ng mga pirata," depensa ko.

"Hoy, sa ating dalawa, ako ang may matinding pinagdaanan sa buhay. Matinding gutom at hirap ang dinanas ko ngunit gumagawa ako ng paraan upang makaraos. Nakakulong pa ako nang dahil pa sayo," aniya.

"Kung alam ko lang noon pa na may kakambal pala akong tagapagmana ng trono, nasa isang Palasyo na sana ako nakatira at hindi nakakadena dito sa KULUNGAN!"

Binangga niya ang kanyang sarili sa rehas na siyang nagpaatras sa akin palayo. Mas naging agresibo na siya ngayon kaysa kanina. Lalo lang pala lalaki ang galit niya sa akin.

Hinatid na lang ako ulit ng mga guwardiya sa aking silid at sinabihang magpahinga na lamang muna habang inaantay ang sundo ko mula sa Kaharian ng Silangang Serentos.

Sa kabila ng pagtakwil ni Eirob sa akin, hindi ko masisisi kung ganoon ang nararamdaman niyang galit sa akin. Bagama't hindi pa namin napapatunayang tunay na magkadugo nga kami, may kutob pa rin akong magkakambal kami.

At kung mapatunayan nga talaga, panigurong hindi lamang ito ang bagay na hindi ko pa natutuklasan sa aking nakaraan.

Ave Fénix II: Muling Pagsiklab [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon