Jai's POV
"Andito na tayo."
Muling gising sa akin ni Chen kaya inihanda na namin ang mga sarili namin. Paglabas namin sa karwahe ay sumalubong sa amin ang isang malamig na simoy ng hangin mula sa karagatan.
Nakarating na nga talaga kami sa daungan ng isla.
Pinasalamatan namin ang nagmaneho sa karwahe bago kami nagpatuloy at naghanap ng masasakyang galyon patungo sa Isla Vanhua.
Sumusunod lamang ako kay Chen hanggang sa lumapit siya sa isang lalaking kakababa lamang sa isang barko. Kinukumbinse niya ito upang makasakay kami kaya nag-antay na lamang ako.
Ilang sandali lang ay tinawag ako ni Chen saka kami naglakad sa nakahilig na mahabang tabla hanggang sa nakasakay na kami.
"Hindi ko aakalaing magiging madali lamang ang ating pagsakay dito sa daungan," sabi ko kay Chen.
"Gayunpaman, mag-ingat pa rin tayo dahil nagkalat sa paligid ang mga mata ng mga pirata. 'Wag tayong magpakampante," wika niya.
Madilim pa ang kalangitan at hindi pa sumisikat ang araw, ngunit ang mga tao ay dito sa daungan ay abala sa kani-kanilang gawain at inihahanda na sa paglayag ang mga barko.
Nakaramdam ako ng gutom kaya kumuha ako ng makakain mula sa nakabalot na tela na bitbit ko. Isang kakaning binalot sa dahon ang kinuha ko at nag-abot ng isa kay Chen.
Sabay kaming kumain habang pinagmamasdan ang paligid namin. Sobrang sarap ng kakanin na gawa ni Lola Saia para sa amin.
"Batid kong nananabik ka na sa iyong pagbalik," sabi niya.
"Oo, nananabik na ako. Matagal-tagal na rin kasi akong nawawala kaya malamang, pinaghahanap na ako ng aking pa– pamilya," sabi ko at muntik ng mabanggit ang Palasyo.
Nang marinig namin ang hudyat mula sa kampana ay dali-daling umakyat sa barko ang iba pang mga tauhan saka unti-unting gumalaw ang barko palayo sa daungan.
Nagpasya naman kami ni Chen na bumaba at magtungo sa tutulugan naming silid. Medyo mapalad raw nga kami dahil nagawang kumbinsihin ni Chen na makisakay kami patungo sa Isla Vanhua.
Kwento ni Chen, isa raw na kaharian ang Vanhua na binuno ng mga isla. Ang Isla Vanhua ang mismong sentro ng kaharian at nagsisilbing tagapagbantay ng mga dadaang barko patungo sa daungan ng Agresa.
Nakarating kami ni Chen sa magiging silid namin. Sinubukan pa raw kumbinsihin ni Chen na magkahiwalay kami ng silid ngunit wala na raw bakante.
Pinigilan ko naman siya at sinabihan na ayos lang sa akin na may kahati ako sa silid. Hindi naman importante sa akin kung may kasama ako basta't makakarating kami sa aming patutunguhan.
Saktong may bintana pa sa silid kaya dumungaw muna ako upang silipin ang kalagayan sa labas.
Unti-unti na palang sumisikat ang araw at umaahon mula sa karagatan na parang bang nilamon ng kay tagal ng panahon. Lumiliwanag na ang karagatan dahil sa sinag nito, gayon din ang madilim na kalangitan na siyang nagpatahimik sa isla.
Isang panibagong araw na naman ang kakaharapin ko— na sana'y magbigay-liwanag sa aking paglalakbay pabalik sa aking pinanggalingan.
Naalala ko tuloy ang mga batang nailigtas namin mula sa mga pirata. Nawa'y nasa mabuting kalagayan na sila ngayon at nakauwi na sa kani-kanilang mga tahanan.
BINABASA MO ANG
Ave Fénix II: Muling Pagsiklab [COMPLETED]
FantasiBook 2 of 3 Formerly titled as "Pecularia II: Ang Ikalawang Yugto" Pagkatapos ang pagkabagsak ng kaharian ng Silangang Serentos, ipinagpatuloy nina Xandrus at Jai ang kanilang mga buhay sa Academia de Pecularia hanggang sa pagsapit ng kanilang ikaap...