Kabanata 46

122 11 0
                                    





Rafaela's POV









Unti-unti kong naigagalaw ang aking mga daliri, hanggang sa nagawa kong igalaw ang buo kong mga kamay. Sobrang bigat ng aking katawan, pati ang mga talukap ko na dahan-dahan kong iniangat upang tuluyang magising.

Nasilayan ko muli ang kisame ng aking silid. Nang iginala ko ang aking paningin, nakumpirma kong nasa silid nga talaga ako— patung-patong na mga aklat, kulay rosas na kurtina sa bintana, at ang malambot kong kulay rosas na kama.

Iniangat ko ang sariling katawan at napadaing na lamang sa bigat na nararamdaman. Idadagdag pa ang kirot sa aking sentido na akin na lamang sinapo.

Huli kong natatandaan ay pagtakip nila sa aking mga mata nang nakarating kami sa isang sikretong pasilidad sa Academia matapos kong makasagupa ang Merdeliang 'yon.

Nakarinig na lamang ako ng mga sunod-sunod na mga yapak sa labas na parang mga estudyante na natatakbuhan. Umalis ako sa kama at nagtungo sa pintuan upang alamin ang nangyayari.

Binuksan ko ang pinto at sumilip sa pasilyo—mga kapwa-estudyante ko lamang ang aking nakitang naglalakad palabas.

"R-Rafaela?"

Isang boses ang aking narinig at sa paglingon ko, bulto ni Leia at ng aking kakambal ang nadatnan ko. Agad akong nilapitan ni Leia at niyakap na parang bang ngayon lang kami nagkita ulit.

"Akala ko, tuluyan ka na nilang kinupkop," sabi niya saka kumalas. "Halos dalawang linggo ka naming hindi nakita. Sobrang kaming nag-alala sa'yo. Saan ka ba nila dinala?"

"A-Ako? Hindi ko alam," tanging naisagot ko.

Kung gano'n, dalawang linggo na pala akong nakakulong sa isang sikretong parte ng Academia.

Nilapit naman ni Raphael ang kanyang palad sa aking harapan at kinaway ng ilang beses na ikinalito ko. "Anong ginagawa mo?"

"Hindi ka ba nila nilason? Ginamitan ng enchanta? Kakaiba ang kinikilos mo," aniya.

"H-Hindi ko alam. Hindi ko talaga alam. Wala akong matandaan."

Napaluhod na lamang ako sa sahig at tinatahan ni Leia. Sinusubukan kong aalahanin ang mga nangyari sa akin pero wala. Wala talaga.

"May nararamdaman ka ba? Idadala ka namin sa pagamutan," tanong ni Leia.

"Nahihilo lang ako."

"Ella, namumutla ka. Mas mabuting idala ka muna namin sa—"

"Nasaan yung iba? Si Jai? Si Xandrus?"

Nang maalala ko kung sino ang kulang sa aming grupo, nagsipagtinginan lamang sila sa isa't isa saka tumingin ulit sa akin. "Sasabihin namin sa iyo sa pagamutan."



"Si Jai, nawawala pa rin?"

Napalakas ko atang nasabi iyon nang malaman ang tungkol kay Jai dahil sa kanila, kaya sinenyasan nila akong pahinain ang boses. Nasa pagamutan na kami ngayon at sinamahan muna nila ako pagkatapos akong tignan ng isang manggagamot.

"Wala na kaming nakukuhang balita mula sa mga Guro, kahit kay Guro Markus o 'di kaya kay Guro Kyla. Masyado na silang mailap sa amin na parang bang may itinatago silang bagay na ayaw nilang ipaalam sa atin," tugon ng kambal ko.

"Pagkatapos ka nilang kinupkop, dumating naman si Philip pero agad rin nahuli at 'di na namin siya nakita muli simula noong araw na iyon," ani ni Raphaela.

Ave Fénix II: Muling Pagsiklab [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon