Kabanata 13

212 18 0
                                    





Jai's POV









Kakalipat ko lang ng silid ay nagkaroon ako agad ng bagong mga kaibigan.

Ipinangako ko kay Chonsela, Ria, at Chie na hangga't magkatabi pa ang mga silid namin ay sisiguraduhin kong hindi na mauulit ang nangyari sa kanila kagabi, sa paraang hindi aabot sa puntong aabot ito sa kinauukulan ng Academia. Kung sakaling gagawin iyon ulit ng grupo ni Merdelia, pipigilan ko siya.

Kinabukasan, maaga akong nagising ngunit hinanda ko na ang sarili ko para agahan namin. Iisang pasilyo lang kasi ang dadaanan ko palabas at paniguradong aabangan ako ni Xandrus sa tapat ng silid ko. Siguro naman, nakalimutan na ni Xandrus ang nangyari kahapon dahil sa ginawa ni Philip.

Paglabas ko ng silid ko ay sumalubong sa akin ang tatlo kong bagong kaibigan. Maaga rin pala sila bumabakod sa higaan nila. "Magandang umaga," bati ko sila.

"Magandang umaga rin," sabay nilang bati sa akin.

Sabay na kaming umalis sa dormitoryo para sa agahan namin. Buti na lang, wala akong nakasalubong na Xandrus Pascua sa pasilyo. Paniguradong humihilik pa 'yon sa kama niya. Sana naman ay maaga na 'yon gigising para hindi na siya pagagalitan ni Tito Markus.

Habang naglalakad kami ay may biglang umakbay sa akin at nanlaki ang dalawang mata ko nang makilala ko sino siya. "Magandang umaga, Jai!" bati pa niya sa akin na ikinalingon ng tatlo sa amin.

"Magandang umaga sa inyo," bati niya sa mga kasama ko at bumati rin sila sa kanila.

Hindi pwede 'to.

"Ah Chonsela, Ria, Chiera, pasensya na kayo pero kakausapin ko na muna ito saglit. Mauna na kayo," paalam ko sa kanila at umayon naman sila saka ko hinila sa tabi ang engot na sumulpot bigla.

Pinandilatan ko siya saka ako nagsalita. "Philip! Anong ginagawa mo dito sa labas? Lagot ka ni Master Yves nit-"

"Ops, hayaan mo muna ako magpaliwanag!" sabi pa niya kaya napamewang ako saglit. "Natatandaan mo ba ang sinabi ko sa'yo kahapon? Ang bilin ni Ama sa akin, babantayan kita."

"Wala naman sa sinabi mo na magpapakita ka sa mga tao dito sa labas!" sabi ko pa.

"Hindi naman ako lalabas kung hindi ako pinagsabihan ni Ama. Tsaka isa pa, hindi ko naman ipagsasabi sa lahat ang totoong pagkakakilanlan ko. Planado na ang lahat, Jai."

Huminga muna ako nang malalim saka ko prinoseso ang mga bagay na sinabi niya sa akin. "Ibig sabihin ba nito, magiging estudyante ka rito?" tanong ko. Tumango naman siya bilang tugon.

"Hindi lang 'yan, magiging kaklase pa kita at pareho rin ang pangkat natin. Hindi ba magiging masaya 'yon?" wika niya na ikinagulat ko pa.

"Ano?!"

Pansin kong nagsipagtinginan sa amin ang mga dumadaan na mga kapwa-estudyante namin dahil sa biglaang paglakas ng boses ko, pero paniguradong nagtataka rin sila kung sino ang kausap ko ngayon.

Nakalimutan kong may agahan pa pala kami kaya hinila ko na lang si Philip papunta doon. "Philip, ayusin mo ang kilos mo. Ikalawang beses mo pa 'to na makihalubilo sa mga estudyante dito," pinagsabihan ko siya.

Sa pagkakatanda ko, unang beses na nakita ko siya kasama ang mga tao sa Academia ay no'ng nakulong siya kasama sila nang naganap ang giyera sa Pecularia, pero sa likot nito ay baka hindi na siguro mabilang kung ilang beses na ba talaga siya nakalabas sa lungga niya nang hindi namin nalalaman.

Pagdating namin ay hindi pa masyado madami ang mga estudyante. Nakita ko naman sila Chonsela kaya agad akong nagtungo kung saan sila nakaupo. Nilingon ko ang pwesto kung saan ako dati umuupo kasama sina Leia, ang kambal at Xandrus. Wala pang nakarating ni kahit isa sa kanila. Hindi pa ako nakakaisang araw na hindi sila kasama ay nananabik na ako sa kanila, pero kailangan ko munang lumayo pansamantala sa tuwing kakain kami hangga't nasa malapitan si Xandrus.

"Ah, Jairovski, maaari mo bang ipakilala sa amin ang kasama mo? Parang ngayon ko lang kasi siya nakita eh," ani ni Ria. Tinutukoy niya ang katabi ko na palinga-linga kung saan-saan kaya siniko ko siya para umayos.

"Si Philip nga pala, Philip ng..." sabi ko pero napahinto ako dahil hindi ko alam anong susunod na sabihin kaya pinandilatan ko siya.

"Ah, Philip Estavidades ng Timog-Kanlurang Serentos, mga binibini," pagpapakilala niya sa sarili at bahagyang napayuko. "Ikinagagalak kong makilala kayo."

Sa isip ko ay tumatawa na ako sa gawa-gawa niyang lugar na pinaggagalingan niya eh taga-Pecularia naman talaga siya. Isa pa, natatawa ako sa ginawa niyang apelyido. Estavidades? Saan nanggaling 'yon? Wala pa akong naririnig na ganyang angkan.

Naagaw naman pansamantala ang atensyon ko nang nakita kong papasok na sila Leia at ang kambal ngunit kasama nila ngayon si Xandrus. Napadako ang kanilang mga tingin sa amin nang kumaway sa kanila si Philip. Kita ko kung paano nag-iba ang mga mukha nila nang makita siya. Tinapik ko si Philip at may ibinulong sa kanya.

Sumang-ayon naman siya sa binulong ko at sa isang iglap, nagsipagtanguan ang tatlo maliban kay Xandrus. Pinapasabi ko kasi kay Philip na magpapaliwanag ako sa kanila mamaya sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan. Kaya kasi niyang kumausap sa isip ng mga tao.

Napadako naman ang tingin ko kay Xandrus ngunit agad na akong umiwas. Siguro nagtataka rin siya kung bakit narito ako nakaupo sa kabilang parte ng hapag at kung bakit nasa tabi ko si Philip. Sa ngayon, wala pa akong planong ipaliwanag sa kanya ang lahat na nangyayari.

Naging masaya naman ang unang agahan ko kasama sina Chonsela. Masayang silang kausap pero medyo mahinhin nga lang. Ayos rin naman ang pakikitungo ni Philip sa ibang mga estudyante. Yun nga lang, napansin kong medyo tahimik ang dati kong pwesto. Minsan nga, nahuhuli ko silang nakatingin sa amin. Hays, hindi nga sila makapag-antay sa akin na magpaliwanag.

Pagkatapos ng agahan namin ay dumiretso na kami sa unang klase ko kasama si Chonsela at Philip. Nasa ibang pangkat kasi nabibilang si Ria at Chira kaya lumihis na sila ng landas. Agad naman akong nilapitan ni Leia na siyang kanina pa talaga nagtataka. "Hoy, anong ibig sabihin nito? Ba't andito 'yang anak ni Mas-"

"Wag mong lakasan boses mo. Baka may makarinig sa'yo," sabi ko at pinandilatan ko siya. "Magpapanggap lang siyang kaklase natin. 'Wag kang mag-aalala, alam na raw 'to ng Ama niya."

"Sigurado ka, ha? Baka ipahawak pa natin ang paglabas niya dito," sabi niya at umiling ako.

"Oo nga," sabi ko pa at napatigil naman kami nang may narinig akong boses sa isip ko.

"Kahit nasa likuran ko kayong dalawa, rinig ko pinag-uusapan niyo."

Napalingon kaming Leia kay Philip na kasalukuyang nakatalikod sa amin habang naglalakad kami patungo sa klase namin. Eto na nga, sinasabi ko eh. Hindi ligtas ang mga isip namin hangga't kasama namin ang isang 'to.

Pagpasok namin sa silid-aralan ay agad nagsipagtinginan sa amin ang mga kaklase namin. Natural, may bago kasi silang makakasama ngayon sa klase. Nga pala, nakalimutan kong may itsura pala siya. Naku, magiging tampuhan talaga siya ng mga babae dito-

"Sino siya?"

"Ba't ang gwapo niya?"

"Hala, saang kaharian kaya 'to galing?"

"Ngayon ko lang siya nakita ah!"




Shemay, ayan na sila.

Ave Fénix II: Muling Pagsiklab [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon