Xandrus' POV
Habang naglalakbay kami sa gitna ng madilim na kagubatan, may napansin kaming may nagliliyab sa isang parte ng gubat. Nagmadali naman ng pagtakbo ang karwahe na pasikreto kong sinakyan, sa takot siguro ng nagmamaneho, ngunit nagdadalawang-isip naman akong bumaba upang tignan ang kaguluhan doon.
May kutob akong baka kagagawan iyon ni Jai, gayong paniguradong nasa kanya ulit ang kapangyarihan ng Ave Fenix, ngunit ano naman ginagawa niya dito sa gitna ng kagubatan? Sa huling naalala ko, nasa Palasyo siya ngayon.
Babalewalain ko na sana ang kaguluhan ngunit nang makarinig ako ng mahinang sigaw na tinatawag ang pangalan ni Jai, doon na ako nagsimulang nangamba. Gusto ko sanang paniwalain na baka guni-guni ko lang iyon ngunit umalingawngaw iyon sa gubat sa lakas ng sigaw na iyon at parang pamilyar sa akin ang boses.
Pasikreto akong bumaba sa karwahe upang hindi ako mapansin ng nagmamaneho hanggang sa tuluyan akong nakababa sa lupa. Tinatahak ko ang masukal na daanan marating lang ang kinanaooran ng pinangyarihan at habang palapit ako ng palapit, unti-unti kong naririnig ang mga sigawan.
Mas binilisan ko pa ang pagtahak patungo doon hanggang sa nadatnan kong may isang nakamantong ang umaatake sa isang lalaking nagliliyab ang mga palad hanggang sa naaninag ko ang mukha niya. Nagulat na lamang ko nang sinusunog niya ng buhay ang umatake sa kanya at dumadaing.
Humakbang na ako palapit sa kanya ngunit isang nakamanto naman ang humila sa kanya upang tigilan ang ginagawa niyang pagsunog sa nakamanto at bigla siyang hinalikan. Kitang-kita ko ang paglapat ng kanilang mga labi gayong nasa harapan ko lamang sila.
"Xandrus?" isang pamilyar na boses ang narinig ko at nilingon ko ang pinanggalingan ng boses. Nakita ko si Raphael.
Bumitaw sa halikan ang dalawang nasa harapan ko saka lumingon ang hinalikan ng nakamanto sa akin at nakumpirma kong siya nga. "Jai?"
Pakiramdam ko may kumirot sa loob ko nang ma-realize na si Jai 'yon. Ayaw ko sanang paniwalaan. Gusto ko sanang gisingin ang sarili ko, baka kasi binabangungot lang ako ngunit hindi. Hindi ko magawang gisingin ang sarili ko.
"Xandrus," tawag niya sa akin saka tinulak ang lalaki na humalik sa kanya.
Agad kong nilapitan ang nakamanto at dumapo sa kanyang mukha ang kamao kong kanina ko kinuyom dahil sa galit. Nakadapa siya sa lupa at sunod-sunod ang mga suntok ko sa kanyang mukha. Inaawat pa ako ni Jai upang ilayo ako sa kanya hanggang sa tuluyan niya akong hinila palayo.
"Xandrus, tama na," sabi niya. Siya nga talaga si Jai.
Napatingin lamang ako sa kanya, tila pati rin siya nagulat ngunit pagkadismaya at inis lamang ang nararamdaman ko sa oras na iyon. "Jai, pa'no mo 'to nagawa sa akin?"
"Xandrus, magpapaliwanag ako. Hayaan mo muna akong magpaliwanag—"
"Na hinalikan ka niya at nagawa mong tumugon sa halik niya? Jai, paano?"
Lumapit naman sa amin si Raphael at pumagitna sa amin. "Mamaya na kayo mag-usap. Kailangan na nating makaalis dito bago pa tayo matunton ng mga kasama nila."
Tumakbo kami palayo sa pinangyarihan ngunit tumatakbo naman sa isipan ko ang nakita ko kanina na siyang ikinagagalit ko. Nang makasigurong malayo na kami sa lugar ay huminto na ako sa pagtakbo at agad na hinarap ko si Jai. "Tell me, sino 'yong humalik sa'yo?"
"Akala ko lang ikaw 'yon!"
"Kaya ba hinalikan mo siya pabalik? Ano, masarap ba?"
"Xandrus," tawag niya sa akin habang humihikbi na siya sa pag-iyak, "nag-aalala kami sa'yo kaya ka namin hinanap matapos mong sirain ang kahalati ng Academia. Simula pa noong nagpunta ako sa Palasyo upang bumisita, iniisip na kita. Walang oras na nangungulila ako sa'yo Xandrus."
Pinapahid na niya ang mga luha sa mukha niya. "Hindi naging madali ang pinagdaanan ko, Xandrus. Si Lino, isa siya sa grupo na dumukot sa akin sa Palasyo at tinangkang ibenta upang maging alipin. Dahil sa kanya, natakas ako. Yun nga lang, wala sa inaasahan ko na magkakaroon pala siya ng pagtingin sa akin," paliwanag niya.
"Inaamin ko rin, na hinalikan niya ako noong balak na naming tumakas, ngunit hindi ko sinuklian ang pagtingin niya sa akin dahil mahal kita, Xandrus. Kaya, 'wag mo sana ako pangunahan."
Nang makitang napahagulgol na siya ay agad ko na siyang nilapitan at niyakap ng kay higpit. Hindi ko alam na ang dami na palang nangyari sa kanya habang nasa Academia kami. "Sorry. Patawarin mo sana ako. Mahal din kita," bulong ko saka siya hinalikan sa noo upang kumalma naman siya.
Nanatili muna kami saglit upang kamustahin ang isa't isa matapos ang matagal naming pagkahiwalay. Habang sinusubukan ni Raphael na ikontak si Rafaela gamit ang Majika niya, nagkausap kami ni Jai at ikinuwento niya sa akin ang mga nangyari. Saka ko lang nalaman na may nangyayari ulit sa Pecularia at ngayon, pinaghahanap na sila.
"Tutungo sana kami sa Palasyo. Nakarinig kami ng balita na may mangyayari daw doon kaya kailangan kong magpunta doon," wika niya.
Lumapit naman sa amin si Raphael. "Nagpadala na ako ng isang mensahe. Umaasa akong matanggap niya iyon sa lalong madaling panahon," sabi niya saka kami nagpatuloy.
Ikinuwento ko naman sa kanila na nagkita kami ni Miya. "Akala ko ba nakakulong siya?" tanong ni Raphael.
"Mukhang pinalaya ata siya kapalit ang lahat ng alala niya kaya kahit ako, hindi na niya ako naalala," tugon ko.
"Nasa kanya pa rin ang kakayahan niyang mag-teleport, kaya nagawa naming matakasan yung mga nagtangkang hulihin kami—"
"Ah, ibig sabihin, nagkasama kayo?" tanong ni Jai.
"Malamang, kaya kami nagkita ulit 'di ba?"
"At ano naman ang ginawa nyo ni Miya sa kubo niya? Sabi mo, nagpalipas ka ng magdamag doon, 'di ba?"
"Wala kaming ginawa, okay? At isa pa, hindi ko magagawang humalik sa ibang tao 'di tulad ng ginawa mo," sabi ko at isang kirot ang naramdaman ko sa tagiliran ko.
"'Kala ko ba ayos na tayo?"
"Eh kung makapagsalita ka kasi, parang nagseselos ka ata."
"Oy, oy, nagkakagulo na nga ang lahat, nag-aaway pa kayo," singit naman ni Raphael.
Unti-unti namang sumisikat ulit ang araw kaya lumiliwanag na rin ang paligid. Hindi na kami dumaan sa dinadaan ng mga karwahe mismo, ngunit sinundan pa rin naman namin ang patutunguhan ng daan.
"Siya nga pala, nasa iyo ulit ang Ave Fenix, kamusta naman?" tanong ko kay Jai.
"Ewan, nakakapanibago ulit. Ilang buwan ko lang 'to nagamit bago 'to lumipat sa 'yo. Saka ko pa lang natatandaan kung paano 'to gamitin ulit.
Pansin kong balik na ulit sa dating kulay ang kwintas niya. Inaasahan ko naman na mangyayari 'to balang araw pero hindi ko aaakalain na ngayon mismo maibabalik ang kapangyarihan ng Ave Fenix.
Ngayon, pakiramdam ko ulit, wala akong kwenta. Hindi ko na magagawang maprotektahan siya ulit katulad lang noong digmaan. Nangangamba akong mauulit ang lahat na iyon.
"Xandrus?"
Isang boses ang narinig naming mula sa likuran namin at sa paglingon namin, hindi ko inaasahan na makita ko siya ulit. "Miy- Bela?"
Tila nagulat rin sila Jai at Raphael sa presenya niya.
"Miya?"
BINABASA MO ANG
Ave Fénix II: Muling Pagsiklab [COMPLETED]
FantasyBook 2 of 3 Formerly titled as "Pecularia II: Ang Ikalawang Yugto" Pagkatapos ang pagkabagsak ng kaharian ng Silangang Serentos, ipinagpatuloy nina Xandrus at Jai ang kanilang mga buhay sa Academia de Pecularia hanggang sa pagsapit ng kanilang ikaap...