Jai's POV
Hindi pa rin mawala sa isip ko ang bangungot kanina.
Hinatid naman ako ni Xandrus sa silid ko galing sa silid-pagamutan. Tulad ng aming nakaugalian namin, sabay kaming manananghalian at ngayon ay sa silid ni Rafaela kami kakain.
"Oh eto na ang Adobong Kuneho!" masayang sabi ni Rafaela habang nilalagay sa mesa ang masarap niyang niluto para sa pananghalian namin.
Napapikit pa ako habang inaamoy ang bango ng niluto niya.
"Naku, amoy pa lang, masarap na talaga--"
Pagmulat ko ay nagulat ako dahil unti-unti na nilang inuubos ang pagkain.
"Oy, hinay-hinay naman kayo, parang kayo pa ata ang gutom sa akin ah," sabi ko sa kanila pero parang hindi nila ako naririnig sa kakanguya.
"Alam nyo, hanggang ngayon, nagtataka pa rin ako kung bakit hanggang ngayon, wala pa ring nanliligaw kay Rafaela. Magaling naman siya magluto, nakakakuha ng magandang marka sa klase, saka maganda pa," sabi ni Leia ngunit sumingit naman sa usapan si Raphael.
"Eh kasi, ang hinihintay niya lang na manligaw sa kanya, yung pinsan ni Jai na si Prinsipe Le--"
"Sssh! Tigil na nga kayo. Kumakain pa nga tayo eh," pagputol naman ni Rafaela sa sinabi ng kanyang kambal.
"Hanggang ngayon, may gusto ka pa rin sa kanya? Akala ko kasi nakahanap ka na ng ibang matitipuhan," dagdag pa ni Leia.
"Alam nyo, buti na lang mga kaibigan ko kayo no. Kung hindi, kanina ko pa kayo ginamitan ng majika at pinatapon sa bintana," sabi ni Rafaela.
"Wala akong sinabi ha," sabay naming sinabi ni Xandrus.
Bigla namang nagkatinginan ang tatlo sa amin saka tumawa. Ewan ko sa kanila. Minsan hindi ko naiintindihan yung kabaliwan nila.
"Siya nga pala, Jai, tutal na nasabi ko ang pangalan ni Prinsipe Leo, anong plano mo sa pagtatapos natin dito sa Academia? Tuloy pa rin ba ang kasunduan niyo na ikaw na ang mamamahala sa kaharian?" tanong ni Raphael.
Napaisip ako bigla sa sinabi niya tungkol sa kaharian.
"Ewan. Ni wala na nga akong balita kay Insan kung ano na ang nangyayari do'n, pero nalalapit na naman yung kaarawan ni Ina. Kaya, makakabisita ako ulit doon," sabi ko at sumubo ulit ng pagkain mula sa plato ko.
Bumalik na ako sa silid ko pagkatapos ng pananghalian namin. Dumiretso ako sa kama ko saka nilibot ang paningin ko sa kwarto.
Ang gulo.
Naalala ko na. Nagmamadali nga pala ako kanina kaya nakalimutan kong magligpit ng mga gamit ko. Pati higaan ko, hindi ko na naayos. Hays.
Habang naglilinis ako, naisip ko ulit yung sinabi ni Raphael kanina.
***
Linggo.
Tatlong taon na ang nakalipas mula no'ng napagkasunduan namin ni Haring Harold ng Hilagang Serentos ang tungkol sa susunod na uupo sa trono ng kaharian ng Silangang Serentos.
Sila ang pinakamalapit na kamag-anak ng dating Hari't Reyna ng kaharian kaya sila muna ang pansamantalang mamamahala sa kaharian.
Ayon sa kasunduan, patatapusin muna nila ako sa Academia bago tuluyang uupo bilang bagong Hari. Halos hindi pa rin lubos magtanggap ng sistema ko na magiging Hari nga talaga ako.
Kahit na napatunayan ng tunay na anak ako ni Prinsesa Jainia, dadaan pa rin ang lahat sa proseso dahil unang-una sa lahat, hindi ko alam kung paano mamahala ang mga Hari.
Ikalawa naman, hindi pa lubos na ipinaalam sa publiko ang pagkakakilanlan ko. Tanging sinabi lang nila sa mamamayan ay wala pa sa hustong gulang ang susunod na Hari at ipakilala na nila ako sa itinakdang araw.
Hindi pa rin ako makapaniwala na lahat ng gagawin ko sa kinabukasan ay planado na talaga, pero ito na ang itinakdang buhay na nilaan sa akin.
Baka nga mag-iba ang kapalaran ng relasyon namin ni Xandrus dahil sa magiging buhay ko kapag nagtapos na ako rito sa Academia, ngunit may tiwala ako sa kanya.
At mahal na mahal ko siya.
"Ang lalim naman ng iniisip mo."
Napaatras ako sa gulat dahil sa boses na marinig ko. Nang makita ko kung saan siya nakaupo, nilapitan ko siya at pinaghahampas gamit ang mga palad ko.
"Shuta ka! Pakiusap naman, Philip! 'Wag kang susulpot bigla! Parang akong aatakihin sa puso!" sabi ko at hininto ko na ang paghahampas ko sa kanyang braso.
"Eh malay ko bang nakatulala ka lang pala 'jan," sabi niya.
"Naku, ganyan talaga no, 'pag nalalapit na ang pag-upo mo sa opisina ni Master Yves. Tsss."
"Haha, makapagsalita naman ang uupo ng Hari ng Silangabg Serento--"
"Shhh, 'wag mo ngang lakasan ang boses mo. Baka marinig nila tayo," mahina kong sabi nang itinapat ko ang hintuturo ko sa bibig niya.
Nagsalubong ang mga mata namin at kumunot lang ang noo ko dahil sa kakaibang tingin niya sa akin hanggang sa unti-unti niyang nilapit ang mukha niya sa akin.
"Philip, anong ginagawa mo--"
Napapikit na lang ako ngunit ilang sandali lang ay nakarinig na ako ng tawa kaya dumilat na ako. Nakita kong may hawak na siyang kamera at kinukuhanan na ako ng litrato.
"Bwiset ka, Philip! Ibura mo 'yan!" sabi ko habang pilit kong inaagaw mula sa kanya ang kamera.
"Ayaw ko! Ang gandang tignan na may kanin pa sa pisngi ang Hari ng Silangan Serentos!" natatawang sabi niya kaya humarap ako sa salamin.
Nakita ko ngang may kanin pa sa pisngi ko.
"Argh! Philip, hindi na ako natutuwa ha," sabi ko sabay kuha sa dumi sa mukha ko.
Humarap ako sa kanya ngunit napansin kong nakatitig lang siya sa kamerang hawak niya. Parang siyang nakakita ng multo dahil sa reaksyon niya.
"Ah, Jai, kailangan mo 'tong makita."
Sa sinabi niya, agad akong lumapit sa kanya at tinignan ang kamera pero bago ko pa man makita ang litrato ay may biglang nahulog sa may kusina.
"Jai!"
Hinala niya ako saka pinalibot niya ang balabal sa aming dalawa. Nakaramdam na ako ng kaunting hilo hanggang sa inalis ni Philip ang balabal.
Kumalas ako mula sa pagkakakapit kay Philip. Natagpuan ko na lang ang sarili ko sa kwarto ni Philip.
"Oh, ba't andito tayo? Teka, ano bang nangyayari? Ba't nagkakaganyan ka?" sunod-sunod kong tanong sa kanya.
Ipinakita niya sa akin ang litratong kinuha niya kanina sa akin. Napasinghap na lang ako sa takot.
"Multo?!"
BINABASA MO ANG
Ave Fénix II: Muling Pagsiklab [COMPLETED]
FantasiBook 2 of 3 Formerly titled as "Pecularia II: Ang Ikalawang Yugto" Pagkatapos ang pagkabagsak ng kaharian ng Silangang Serentos, ipinagpatuloy nina Xandrus at Jai ang kanilang mga buhay sa Academia de Pecularia hanggang sa pagsapit ng kanilang ikaap...