Kabanata 53

131 10 0
                                    




Xandrus' POV










Nasa kalagitnaan ako ng tahimik na kagubatan at tanging isang bahay lamang ang nakatayo rito. Nakatayo pa rin ako sa harap ng pintuan. Ilang beses na akong kumatok ngunit ayaw pa rin akong papasukin ni Miya.

Inamin niya sa akin na hindi Miya ang kanyang pangalan ngunit Bela. Bela ang kanyang binanggit kanina. Kung hindi talaga siya si Jasmiya, hindi maipagkakailang magkahawig sila.

Sa kakakatok ko sa pinto, naubos na rin ang pasensya ko at bumaba sa kubo niya. Kung ayaw niya talaga akong papasukin, edi hindi. Kailangan ko lang alamin kung nasaang parte na ako ng Titania--- oh di kaya nasa kabilang dimensyon na ako ng mundo.

Tinanaw ko ang paligid kung tanging makikita ko lang ay walang hanggang kakahuyan. Ni wala akong makitang katubigan o di kaya baryo malapit sa lugar na ito.

Pinagmasdan ko ulit ang aking sarili na halos makita na ang bawat parte ng aking katawan dahil sa butas-butas na kasuotan. Nauuhaw rin ako at nakakaramdam ng gutom. Kita ko pa naman kanina yung hawak niyang isang basket ng sariwang melokoton.

Naglakad-lakad na lamang ako palayo sa kubo, nagbabaka-sakaling may mahahanap na pagkain. Habang tinatahak ko ang kakahuyan ay sinubukan kong pakiramdamin ang kapangyarihan ko. Tinitigan ko na lamang ang madungis kong palad na kahit anong kumpas ko ay walang lumalabas na apoy. Hindi ko rin maramdaman yung dumadaloy na init sa mga kalamnan ko.

Imposibleng mangyari 'to.

Sa lalim ng aking iniisip ay hindi ko namalayang may nausling ugat ng puno sa dinadaanan ko at nasayad ko. Muntik na akong madapa dahil sa ugat na iyon.

Kasabay no'n ay may narinig akong kaluskos sa paligid kaya naging alerto ako. Kinuha ko ang isang mahabang patpat sa sa damuhan na magsisilbing sandata ko muna sa ngayon. Wala talaga akong kaalam-alam kung nasaan ako ngayon kaya hindi ko alam kung sino o ano ang makakasalubong ko rito.

Ngunit kung susuriin ang vegetation cover ng lugar, sa tingin ko'y nasa lupain ng Enchares ako o di kaya'y sa Tareen. Sa bawat lupain, may kakaibang mga halaman na matatagpuan kaya naman magpapatuloy ako sa paglalakbay upang magmasid at makumpirma ko ang lokasyon ko.

May nadaanan naman akong mga puno ng melokoton. Dito siguro namitas ng prutas si Miya kanina. Kumuha ako ng mga sariwang melokoton at kumain habang patuloy naglalakad sa kagubatan.

Nang biglang nasagi ng isip ko si Jai, napahinto ako saglit. Pakiramdam ko, may nangyayayari ring kakaiba sa kanya dahil nawawala ang kapangyarihan ko. 'Di kaya nasa kanya ulit ang kapangyarihan ng Ave Fenix?

Hangga't naririto pa ako sa lugar na ito, wala akong makukuhang kasagutan. Ni hindi ko nga alam kung bakit napadpad ako rito.

Medyo malayo na rin ang narating ko mula sa kubo ni "Bela." Kalahating oras na akong naglalakad ngunit puro kakahuyan pa rin ang sumasalubong sa akin sa daan hanggang sa nakarinig ako ng rumaragasang tubig. Agad naman akong nagtungo doon hanggang sa isang batis ang aking nadatnan.

Walang katao-tao—

Akala ko lang pala.

Isang grupo ng kalalakihan ang kasalukuyang naliligo sa batis. Ilang metro lamang ang layo nila sa kinatatayuan ko. Agad naman akong nagtago nang matanaw ko sila. Baka mapansin pa nila ako, lagot na.

Tanaw ko naman ang mga kasuotang nakahimlay lamang sa gilid ng batis. Iyon siguro ang mga damit ng mga naliligo.

Kailangan ko lamang makakuha ng masusuot na damit doon.

Maingat akong nagtungo kung nasaan nakahimlay ang mga tuyong damit. Habang papalapit ako ay may napansin akong karwahe kaya mas nagdoble ingat ako. Baka may tao doon at mahuli pa ako.

Tinanaw ko ulit ang mga naliligo. Mukhang nagkakasiyahan pa ata sila. Puntahan ko na lang muna yung karwahe. Baka may makita pa ako roon na maisusuot ko.

Tahimik lamang na nagpapahinga ang mga kabayo na tinali sa mga puno. Sinilip ko muna ang bintana at nakita kong walang tao. Pinasok ko nag karwahe at saktong may nakabitin na mga damit kaya agad kong kinuha iyon. Dali-dali akong nagbihis bago pa ako maabutan ng mga naliligo.

Umalis agad ako sa karwahe at lumayo sa lugar. Buti naman wala akong nakasalubong sa daan.

Ngayon, hindi ko alam kung saan tutungo. Gano'n pa rin ang natatanaw ko, kakahuyan, ngunit pansin kong habang lumalayo ako ay mas nakikita ko ang hamog at patuloy na kumakapal hanggang sa hindi ko na masyadong nakikita nang malinaw ang paligid ko.

Patuloy lamang akong humakbang nang dahan-dahan hanggang sa biglang wala na akong maapakang lupa sa susunod ko sanang hakbang. Dali-dali akong umatras at napahawak sa puno sa gilid ko. Winasiwas ko ang aking mga kamay upang mawala ang hamog sa harapan ko nang naging malinaw ang aking natanaw.

Sa harap ko pala ay isang matarik na bangin na nakakalulang tignan sa lalim nito.

Hahakbang sana ako paatras nang isang matalim na bagay ang bahagyang nakatutok sa aking likuran. Akala ko nausling sanga lamang iyon ngunit sa aking paglingon ay nagulat ako kung sino ang natanaw ko.

"Sa tingin mo ba, makakatakas ka sa amin, magnanakaw?"

Hindi ko nakilala sa unang tingin ngunit nang maalala ko, sila yung mga naliligo kanina sa batis. Sh*t, nahuli nila ako.

Ilang beses na lamang akong napamura sa aking isipan habang iniisip kung paano makatakas mula sa kanila. Limang lalaking ubod ng kay tangkad ang nakapaligid sa akin. Nakaharang sila sa daanan pabalik at tanging matatahak ko lamang ay ang bangin.

Sinusundot naman ako ng patalim na hawak ng isa sa kanila kaya napapaatras ako upang hindi matamaan. T*ngina, balak siguro nila akong ihulog sa bangin.

Ikinumpas ko ulit ang aking mga kamay sa huling pagkakataon at nagbabaka-sakaling bumalik ang kapangyarihan ko ngunit tinawanan lamang ako ng grupo sa aking ginagawa. Ilang hakbang na lang ay mararating ko na ang bangin at tuluyan na akong mahuhulog.

Isa namang malakas na pito ang umalingawngaw sa lugar na siyang nagpaagaw sa atensyon namin. Nagtaka ang grupo sa ingay na iyon at nilayo ang kanilang mga tingin sa akin. Balak ko sanang kunin ang pagkakataon na iyon na tumakas mula sa kanila nang sa isang iglap, isang babae ang biglang sumulpot sa harap ko at yumakap sa akin tsaka niya kami itinulak sa bangin.

Isang malamig na hangin ang aking naramdaman habang patuloy kaming bumababa mula sa bangin. Tila bumilis ang tibok ng aking puso dahil sa kabang nararamdaman gayong palalim ng lalim ang aming pagbagsak mula sa itaas.

Ave Fénix II: Muling Pagsiklab [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon