Jai's POV
Isang oras na ang nakalipas mula no'ng nahimatay ako sa pagamit ng aking kapangyarihan. Heto, may malay na ulit ako at sinusubukang bumawi ng lakas.
Hindi naman makapaniwala si Chen na may kapangyarihan nga talaga ako, ngunit no'ng una niya akong nakita sa bangka, iba na ang kutob niya sa akin.
Sinabi ko namang hindi gaano kalakas ang kapangyarihan ko dahil pangunahing kakayahan ko ang magpagaling ng mga sugatan.
Binigyan pa kami ng mga makakain ng mga tao sa barko sa utos ng kapitan bilang pasasalamat nila kasi niligtas raw namin sila.
Pinakausapan ko naman sila na sana hindi nila ipagkalat sa bayan ang ginawa ko para na rin sa kaligtasan ko. Mahirap na, baka balikan pa ako ng mga piratang iyon.
"Isa kang estudyante galing ka sa isang tagong Academia? Aba, isa palang karangalan ang makasama ang isang tulad mo," sabi niya at yumuko pa na parang nagbibigay-respeto sa akin.
"Itigil mo nga 'yan. 'Di hamak na estudyante lamang ako no," sabi ko. "Tsaka isa pa, marami pang mas malakas pa sa akin."
Nagpalipas kami ng dalawang gabi sa loob ng barko. Medyo nakilala ko naman ang ugali ni Chen dahil sa pagsasama namin. Masaya naman siyang kasama, kaso iba pa rin yung saya kapag kasama ko ang mga kaibigan ko.
Nananabik na ako sa muli naming pagkikita sa Academia. Ang aking isang linggong pananatili sa labas ng eskwelahan ay naging dalawa o higit pa sa tatlong linggo, siguro.
Hindi ko na mabilang ang mga araw simula no'ng dinakip ako sa Palasyo.
Paniguradong hinahanap-hanap na nila ako, pati na si Xandrus.
Nananabik ako sa kanyang pagiging malambing sa akin sa tuwing inaasar niya ako. Sa yakap niya, matulog sa piling niya, mga panakaw niyang halik sa pisngi ko— nananabik na ako sa lahat na iyon.
Tanging hiling ko lamang ay magkaroon sila ng tahimik na isip at puso habang naglalakbay pa ako pabalik sa Academia.
"Jai, malapit na raw tayong sa Isla ng Vanhua," sabi ni Chen na kakagaling lamang sa labas ng silid.
Isang pagtango ang aking tugon saka nagpasyang magligpit ng aming mga gamit na dadalhin namin sa aming pagbaba ng barko. Ilang minuto lamang iyon hanggang sa narinig namin ang kampana sa itaas.
Pumunta na kami sa itaas dala ang aming mga gamit at saktong nadatnan naming dumaong na ang barko sa daungan. Nagpasalamat kami sa mga tauhan ng barko at sa kapitan sa kanilang pag-aruga sa amin ni Chen, saka kami bumaba sa barko.
Kakasikat lamang ng araw mula sa karagatan, at unti-unting binabalot ang isla ng liwanag nito. Pansin kong wala pang masyadong mga tao ngunit agaw-pansin ang napakataas na puting palasyo mula sa kinatatayuan namin.
"Maligayang pagdating sa Isla Vanhua," sabi ni Chen sa akin.
Nagpatuloy kami sa paglakad at nagsimulang tahakin ang daan na napapagitnaan ng mga konkretong bahay. May bigla namang tumakbo na dumaan sa harap namin at agad akong pinatigil ni Chen sa paglakad.
"Mag-ingat tayo, dahil maraming mga tusong tao dito sa isla," sabi niya sa akin saka kami nagpatuloy.
"Saan pala tayo patungo?" tanong ko.
"Sa isang bahay ng kakilala ko. Doon muna tayo manunuluyan hanggang sa makahanap tayo ng masasakyang barko patungo Agresa."
Huminto kami sa tapat ng isang konkretong bahay na pareho lamang sa dinaanan namin, ngunit mas mukha itong luma at pinagdaanan ng matagal na panahon sa itsura nito.
BINABASA MO ANG
Ave Fénix II: Muling Pagsiklab [COMPLETED]
FantasyBook 2 of 3 Formerly titled as "Pecularia II: Ang Ikalawang Yugto" Pagkatapos ang pagkabagsak ng kaharian ng Silangang Serentos, ipinagpatuloy nina Xandrus at Jai ang kanilang mga buhay sa Academia de Pecularia hanggang sa pagsapit ng kanilang ikaap...