Kabanata 3

324 27 1
                                    

Jai's POV









"Meow..."


Naampulingatan ako dahil sa ingay ng isang pusa. Pagmulat ko, nagulat ako dahil nakita kong nakaharap sa akin at buhay na buhay ang pusa kong si Ryubi.


Imposible, matagal na siyang wala pero nasa harap ko siya at nakatingin sa akin.


"Meow!"


Huling ingay na narinig ko sa kanya bago sa tumakbo palapit sa isang ilog kaya agad ko siyang hinabol ngunit bigla na lang siyang tumalon sa tubig.


"Ryubi!"


Nadapa ako sa tabi ng ilog at pilit na hinahanap kung nasaan na si Ryubi. Tinitigan ko nang maigi ang tubig at napansin kong may umiilaw sa ilalim.


Tinapat ko ang aking kamay sa tubig ngunit bigla na lang akong nilalamon ng tubig---











"AHHH!"


Napasapo na lang ako nang napagtanto kong nagising na ako mula sa masamang panaginip na 'yon. Siguro, dulot lang 'to ng pagod. Medyo marami kasi ang pinapagawa sa amin kaya kung anu-ano na lang ang naiisip ko bago matulog.


Tsaka isa pa, kakabisita lang namin ni Xandrus kahapon kaya siguro nagpakita sa akin si Ryubi. Sabado rin ngayon, kaya magpapahinga na lang ak--


"Jai, gising na 'jan, mag-aalas otso na ng umaga. Punta pa tayo sa Libraria. Baka nakalimutan mo," rinig kong boses ni Leia sa labas sabay katok ng ilang beses sa pintuan.


Tinignan ko ang orasan sa pader at nakita kong mag-aalas otso na nga. Shemay, ngayon pala kami inatasan na maglinis sa Libraria ngayon. Nagkataon pa talaga sa araw kung kailan na kailangan ko ng mahabang tulog.





Pagkatapos kong mag-ayos ay lumabas na ako ng kwarto at sinalubong naman ako ni Leia. Tinitigan pa niya ang mukha ko saka nagsalita.


"Anong nangyari sa'yo? Ba't may kalumata ka na? Napuyat ka ba kagabi--"


"Ha? Talaga? May kalumata ako?" pagputol ko sa sinabi niya saka kinapa ang ibabang parte ng mga mata ko.


"Lutang ka pa rin no? Eh hindi mo naman malalaman sa isang kapa na may kalumata ka na talaga," sabi pa niya.


Tahimik naman ang mga kalapit-silid namin, lalo na ang silid ni Xandrus. Siguro ang himbing pa ng tulog nito at mamaya pang tanghali gigising. Ewan ko ba bakit napupuyat rin 'tong lalaki na 'to.


Naglakad na kami palabas ng dormitoryo kasabay ng mga kaklase ko patungo sa Libraria, ngunit etong si Leia, nakatingin pa rin sa akin.


"Ba't ganyan ka makatingin sa 'kin? May dumi ba sa mukha ko? O 'yang kalumata ko pa rin yung inaalala mo?" tanong ko sa kanya.


"Eh kasi naman Jai, kung makalakad ka, parang kang Jiangshi na naligaw dito sa Academia..."





Nasa Libraria na ako at ang mga kaklase ko, naglilinis at nagliligpit ng mga kalat dito sa loob. Ako naman ay naatasan dito sa unang palapag pero may kasama naman ako kaya madali naming matatatapos 'to at makakabalik na ako sa kama ko.


Habang naglilinis ako, hindi ko maiwasang tumingin sa paligid ko at tumingala sa paikot na hagdan sa itaas ko.


Sa giyerang naganap dito no'ng tatlong taon nang nakakalipas, ito ang sobrang nawasak sa buong Academia. Dinagdagan pa nga ang palapag dito nang inayos ang buong gusali.


Sa tuktok naman nito ay ang lugar kung saan niligtas ako ni Ryubi kapalit ang sarili niyang buhay.


Hanggang ngayon, tanging ang mga tagapamahala, at ang mga kaibigan ko pa rin ang nakakaalam sa totoong nangyari sa akin. Nagdesisyon si Master Yves na ilihim muna namin mula sa mga kapwa ko estudyante ang lahat na nangyari sa tuktok ng Libraria hangga't hindi pa ako nakakapagtapos dito sa Academia.


Bumalik naman ang ulirat ko nang biglang kumalam ang tyan ko. Naku, naalala ko tuloy na hindi pa pala ako kumain ng almusal ngayon sa pagmamadali. Kaya bumalik agad ako sa pag-aayos para maaga akong matapos dito.


Habang nag-aayos ako ng mga aklat sa lalagyan ay nakita ko ang isang kaklase kong may hawak na sampung libro at parang nahihirapan yata kaya minabuti kong lapitan.


"Uhm, tutulungan na kita," sabi ko sabay kuha ng limang libro na nagpatung-patong sa dalawang kamay.


"Salamat, hehe," sabi niya at napag-alaman kong si Chonsela lang pala yun dahil natabunan kasi ng mga librong bitbit niya ang kanyang mukha.


Sinundan ko lang siya kung saan niya ilalagay ang mga aklat hanggang sa narating namin ang ikatlong palapag. Medyo hiningal nga ako pero isinawalang-bahala ko na lang.


"A-ayos ka lang ba, Jairovski? Kasi kakayanin ko naman 'to nang mag-isa--" sabi pa niya.


"Huwag mo 'kong aalahanin. Punta na tayo sa mga lalagyan nito," sabi ko na lang saka kami nagpatuloy na humakbang sa hagdanan.


Napansin ko namang ang isa sa librong binibitbit ko ay tungkol sa mga malalakas na kapangyarihan sa buong Titania kaya natuon dito ang atensyon ko.


"Ang Mga Makapangyarihang Nilalang sa Titania..."


Bubuklatin ko sana ang aklat nang bigla akong natapilok sa baitang ng hagdan kaya nawalan ako ng balanse.


"Jairovski!"


Agad naman akong hinawakan ni Chonsela sa braso para hindi ako tuluyang mahulog sa hagdan ngunit bigla na lang akong nakaramdam ng kakaibang enerhiya mula sa kamay ni Chonsela at unti-unting dumilim ang paningin ko.




















Naramdaman kong basa ang buong katawan ko kaya agad kong minulat ang aking mga mata. Nakita ko na lang ang sarili kong nakahiga sa lupa.


"Nasaan ako?" tanging natanong ko sa sarili habang nilibot ang paningin sa paligid.


Pamilyar ang lugar sa akin hanggang sa naalala kong ito ang napanaginipan ko kanina, ang lugar kung saan nakita ko si Ryubi.


"Hindi maaari--"


Naputol ang sinabi ko nang may biglang sumakal sa leeg ko. Isang anino lang nakikita ko sa harap ko na siyang sumasakal sa akin.


"B-bitiwan mo 'ko--"


Pilit kong makawala sa pagkakasakal niya ngunit iniangat pa niya ako mula sa lupa, dahilan kaya nahihirapan na akong makawala sa kanya.


Hindi ko alam pero ba't pakiramdam ko parang totoo ang lahat? Ramdam na ramdam ko kase ang sakit na alam kong isang panaginip ko na naman 'to.


Habang tinitiis ko ang pagkakasakal, nasagi naman ng paningin ko ang isang babae na nakatayo sa kabilang parte ng lupain.


Hindi ko rin maaninag ang kanyang mukha ngunit nang naramdaman kong huhugutan na ako ng hininga, saka lang ko lang nakilala ang babae na nakatingin pala sa akin.


Bago ko pa mabanggit ang kanyang pangalan ay nilamon na ng kadiliman ang paningin ko.

Ave Fénix II: Muling Pagsiklab [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon