Kabanata 65

147 9 0
                                    





Jai's POV










"Kung gano'n, nagawang kolektahin ng Ama niya ang lahat ng mga alahas?" isang tanong mula sa isang Ginang.

"Kaya siguro nagkakagulo dahil sa pagnakaw ng Apat na Banal na Alahas."

Napuno ng ingay ang silid dahil sa pangbanggit ni Haring Leo tungkol sa mga alahas na ngayon ay umabot na sa pagbibintang sa aking Ama kung bakit nagsisimula nang magkagulo ang mundo. Sa isang paghampas ng Hari sa mesa ay natahimik ang buong silid na naibalik muli sa kanya ang atensyon.

"Pakiusap, 'wag na natin pang ungkatin pa ang nakaraan. Ituon muna natin ang pansin sa pagpigil natin sa mga balak ng Siquestro," sabi niya.

"Hindi man nagawang isakatuparan ang plano ng Ama niyang hanapin ang lahat ng Alahas ay napasakanya naman niya ang dalawa na ginawa niyang kwintas para sa kanyang mga anak at ang isa ay napunta sa kanya," dagdag ng Hari sabay turo sa akin.

"Saan naman napunta ang isa?" tanong ng isang panauhin.

"Nasa kamay ng kanyang kapatid ang isang alahas na sa kasamaang palad, hindi pa namin nahahanap."

Sa tugon ni Haring Leo ay bigla akong nangamba. Lumingon sa akin si Haring Leo at bakas sa kanyang mukha ang pagkadismaya sa sarili niyang sinabi. "Ginagawa namin ang lahat upang matunton ang sinasabing nawawala niyang kapatid bago pa siya mapasakamay ng mga Siquestro."

"Ang kasama niya naman ay mga kapwa estudyante niya sa isang Academia mula sa lupain ng Pecularia. Ngayon ay nagkakagulo rin doon kaya tumakas sila at naparito," wika niya at tinutukoy sina Philip.

"Kung gano'n, kayo ang mga biniyayaang mga Sakkaib," sabi ng Ginang na sinang-ayunan namin.

"Biniyayaan man sila ng mga kapangyarihan ngunit kailangan pa rin ng malakas na pwersa upang ilayo mula sa kapamahakan ang mga karatig-bayan at kaharian at maunahan sila sa paghahanap ng mga dalawa pang Alahas."

"May ideya ka ba kung saan matatagpuan ang mga Alahas?"

Umiling naman ang Hari. "Wala," sabi niya ngunit itinuro naman niya si Philip. "Ngunit sa tulong niya, magagawa nating matutunton ang dalawa pang mga Alahas."

Nagpatuloy ang pagpupulong sa loob ng silid ng ilang mga oras at kay ramig rebelasyon ang naungkat mula kay Haring Leo. Batid kong iginugol niya ang oras niya upang malaman ang lahat ng nakaraan ni Ina at Ama kaya marami siyang nadiskubre na sana'y nalaman ko na sa umpisa.

Sa tulong ni Philip, baka magawa niyang makabalik sa nakaraan sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan ngunit kailangan naman niya ako at ang aking kwintas na magiging daan niya upang makapaglakbay sa nakaraan. Pinaglaanan naman kami ng isang silid kung saan kami mananatili habang mananatili ang iba sa pagpulong.

Upang hindi maulit muli ang nangyaring biglaang pagsalakay ni Ransé sa Palasyo, nagsagawa ng harang sina Raphael at Ella sa pintuan na siyang magtatago mismo sa silid.

"Kinakabahan ako, isang beses ko lamang 'to nagawa at muntikan pa akong hindi makabalik sa kasalukuyan nang tinangka kong alamin ang nakaraang ni Ama," sabi niya.

Magkatabi kami sa iisang kama habang hawak ni Philip ang isang kamay ko. Sa tingin naman ni Xandrus ay parang naiinis siya na halatang pinipigilan lamang niya. Hinawakan ko na lamang ang kanyang kamay at nagbigay ng ngiti upang mapawi ang inis niya, kahit papaano. "Babalik rin kami, pangako."

Pagbitaw ko sa kanyang kamay, sunod kong hinawakan ang aking kwintas. Nang nakahanda na ang lahat ay nagpasya na si Philip na simulan ang enchanta at nakaramdam ako ng kakaibang enerhiya mula sa kanya. Sa huling pagkakataon ay huminga ako ng malalim at pumikit habang pinapakinggan ko ang mga salitang binibigkas niya.

Patagal nang patagal ay nagiging mas kakaiba ang nararamdaman ko na hindi ko labis na maintindihan na parang bang hinihinila't tinutulak ako ng isang malakas na pwersa hanggang sa tuluyan akong nilalamon ng pwersa.

Nakaramdam ako ng pagkahilo.

Umiikot ang paningin ko kahit sobrang dilim ng paligid.

Ilang minuto ang lumipas ay nagpasya akong dumilat. Parang nawalan ako ng lakas sa aking paggising. Bumangon ako mula sa madamong lupa at agad na may lumapit sa akin.

Akala ko matutumba ako ulit ngunit pansin kong parang tumagos lamang ang katawan ko sa dumaang tao.

"Jai," tawag sa akin mula sa aking likuran at bumungad sa akin si Philip.

"Eto na ba?" tanong ko.

"Hindi ako sigurado pero dito tayo hinatak ng pwersa," tugon niya.

Ginala ko ang paningin hanggang sa may nakita akong karatulang may nakasulat na Barrio La Trinidana. "Nasa barrio tayo."

Medyo kapareho kaunti ang itsura ng barrio sa kasalukuyan nitong itsura bago sinalakay ng mga Siquestro. Marami ding gumagala na tao dito. Sa tantya ko ay dapit-hapon na dahil unti-unting dumidilim ang kalangitan.

Nasa harap kami ng isang pamilyar na bahay na siyang nakita ko na noon. "Eto, eto ang bahay ni Ama. Minsa ko na itong nakita sa isamg panaginip noon," sabi ko kay Philip at dali-dali kaming pumasok rito.

Tumagos lamang kami sa pintuan at bumungad sa akin ang loob ng bahay. Isang bulto ng lalaki ang naabutan ko na kakababa lamang mula sa hagdanan, si Ama.

"Siya ba ang Ama mo?" tanong ni Philip na tinango ko lamang bilang tugon.

Parang naiiyak ulit akong makita sa muli, kahit na hindi niya napapansin ang presensya ko. Gusto ko siyang yakapin ngunit sa aking paglapit ay tumagos lamang ako sa kanya. Nadismaya lamang ako sa ginawa ko.

"Jai, 'di niya na tayo napapansin. Hindi pa tayo nabubuhay sa panahong 'to."

Pinagmasdan ko lang si Ama hanggang sa pumasok siya sa isang silid na sinundan namin. Tumagos ulit kami at bumungad sa amin ang isang lugar na hindi ko nagawang makita noon.

Napapaligiran kami ng napakadaming alahas sa loob ng mga de-salamin na mga hanayan. Kumikislap ang mga mala-brilyante na mga iba't ibang uri ng alahas, at namangha lamang ako sa dami nito.

"Saan kaya niya nakuha ang mga ito?"

"Hindi ko alam. Sa dami nito, nahihirapan akong alamin kung alin ang Apat na Banal na Alahas dito."

Nasa isang mesa si Ama at naupo lamang habang may kinuha sa ilalim nito. Nilapag niya ang isang maliit na kahon. Lumapit ako upang alamin ang loob nito at sa pagbukas niya sa kahon ay nakita ko ang kwintas ko at isang kwintas na katulad sa sinuot ni Eirob.

Pinagmasdan ni Ama ang kwintas at napangiti siya rito. "Sana'y magustuhan ni Jainia ang regalo ko para magiging anak namin at sa magiging bunso niya," bulong ni Ama sa kanyang sarili.

"Bunso?"

"Siguro hindi inaasahan ni Ama na dalawa ang maipapanganak ni Ina kaya isa sa amin lamang ang inaasahan niyang darating sa buhay nila," suhestyon ko na sinang-ayunan na lamang ni Philip.

May kinuha ulit si Ama sa ilalaim ng mesa at may inilabas na mapa at mga pangalan sa isang piraso ng papel. "Dalawa na lang ang hindi ko pa nahahanap."

Sa kanyang sinabi ay agad kong sinuri ang mapa at lista. Tinuro ni Ama ang lupain ng Faran at Indusia saka may binilugan na mga bayan. Sa listahan, may nakita akong pangalan na Ravha Bru-il at Guandres Hagor.

Bukod pa riyan, may diskubre pa ako na siyang ikinagulat ko nang nasagi ng paningin ko ang isang pamilyar na simbolo na nakaguhit sa kamay ni Ama. Napagtanto kong iyon rin ang nakita kong simbolo no'ng napadpad ako sa Kaharian ng Vanhua kasama si Chen.

"Isang Siquestro si Ama?"

Ave Fénix II: Muling Pagsiklab [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon