Kabanata 16

209 16 2
                                    





Jai’s POV









Pagkatapos ng aming pang-umagang klase ay bigla na lang ako nagulat sa presensya ng tatlong bubwit na nakilala ko kahapon. Laking taka ko dahil natunton nila ang silid kung saan ako pumasok.

“Kuya Ski!” sabay nilang sabi saka ako niyakap ng tatlong bata. Napatingin rin ang ibang mga kaklase ko pero hindi ko na lang pinansin at itinuon ang atensyon sa mga bubwit.

“Anong ginagawa niyo dito? Paano nyo ako natunton—“ sabi ko ngunit naputol nang nagsalita ang isa sa kanila.

“Kuya Ski, samahan nyo naman kaming kumain ng pananghalian!” tuwang sabi ni Chang sabay tingin nila sa akin na parang bang nagmamakaawa pero hindi ako nagpadala.

“Naku, pasensya na kayo, may kasama na akong mananghalian—“ sabi ko sabay tingin kay Leia ngunit nagsalita naman ito na nagputol sa sinabi ko.

“Ah, ‘di, ayos lang. Sasabihan ko na lang kambal na may kasama ka na. Sige mauna na ako,” wika niya saka patawa-tawang naglakad paalis.

“Sasamahan ko na kayo, Jai,” sabi naman ni Philip na nasa tabi ko na pala.

Napatingin ako sa tatlo na ayaw pa ring kumalas sa pagkakayakap sa akin. “Oo na, sasamahan ko na kayo—“ naputol na naman ang pagsasalita ko nang bigla nila akong hinila palabas ng gusali. Ano ba kasi ang nagawa kong kasalanan at kailangan pa akong kulitin ng mga batang ito?

Hindi ko namalayang dinala pala nila ako sa cafeteria. Nakita ko naman nakasunod lang si Philip. Binitawan na ako ng mga bata saka sila masayang nagtungo sa isang bakanteng mesa. “Dito, Kuya Ski!” tawag pa ni Chang.

Nagpakawala muna ako ng hinga bago ako nagtungo sa mesa kung saan ako kakain kasama sila. Nasa tapat na upuan silang tatlo habang si Philip ay tatabi na sana sa akin nang napahinto siya. “Ako na kukuha ng makakain natin,” nakangiti niyang sabi saka umalis para bumili ng makakain.

“Salamat, Kuya!” sabay nilang sabi kay Philip. Napangiti naman ako sa asal ng mga batang ito. Makulit nga lang talaga.

Napadako naman ang tingin nila sa akin kaya nagtaka ako. Parang bang kinikilatis nila ako ngayon at nagtatanguan pa sila na saka nagbubulungan. “Kuya Ski, nobyo niyo po ba yung kasama natin?” biglang tanong ni Erikko na hindi ko inaasahan.

“Ha? H-hindi no! Kaibigan ko lang yun si Philip!” depensa ko at nagsipagtanguan naman sila. Hindi ko alam anong pinag-iisip ng tatlo.

“Ngunit may bumulong sa akin na mayroon kang napupusuan, Kuya Ski!” sabi ng katabi ni Chang na hindi ko matandaan ang pangalan nito.

“Sino ang bumubulong sa’yo?” taka kong tanong.

“May kakayahan po kasi si Jarom na makarinig ng mga espiritu sa paligid. Ang galing po, ‘di ba?” sabi ni Chang at namangha ako sa kakayahan ni Jarom.

“Eh kayong dalawa, anong kapangyarihang taglay ninyo?” tanong ko sa dalawa.

“Ako po, kayo kong tumawag ng mga maliliit na nilalang tsaka utusan sila!” natutuwang sabi ni Erikko.

“Kaya ka po namin natunton, Kuya Ski, dahil tumawag siya ng isang paru-paro at nahapin ang silid mo!” segunda naman ni Chang patungkol sa kakayahan ni Erikko. Kaya pala ako nila nahanap kaagad, dahil kay Erikko.

“Ako naman po, kaya kong maglaho sa paningin ng lahat!” sabi pa niya saka siya naglaho sa paningin ko.

Hindi ko mapigilang mamangha sa kakayahang pinapakita sa akin. Alam kong hindi dapat nila basta-bastang ipakita ang mga ito kung saan-saan ngunit sa tingin ko naman ay wala silang intensyong masama. Saktong dumating naman si Philip na may dalang malapad na bandeja na naglalaman ng mga makakain namin.

Ave Fénix II: Muling Pagsiklab [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon