Jai’s POV
Isang pagkalabit sa braso ko ang nagpagising sa akin. Napadaing pa ako sa sakit ng katawan na nararamdaman ko bago ako dumilat at iginala ang aking paningin.
Nasa loob ako ng isang karwaheng kulungan kasama ang isang lalaki at isang babae na kakagising lang din. Pareho silang may gusot-gusot na kasuotan na sa tingin ko’y mga pulubi sila. Nakaposas naman ang aming mga kamay gamit ang isang makapal na lubid.
Nakaparada lamang ang kulungan namin sa gitna ng isang kagubatan samantalang isang grupo ng mga naka-itim na manto ang nagkapulan na abala sa kanilang mga inuming alak.
Yung kasama nila na lumapit sa amin ang kumalabit pala sa akin upang magising kami tatlo.
Hindi ko makita ang mga mukha nila dahil sa mga talukbong ng manto nila.
“Nasaan tayo? Ba’t nasa loob tayo ng kulungan?” tanong ko sa dalawa.
Nagtitigan sa isa’t isa bago sila lumingon sa akin. “Ibebenta nila tayo.”
Napasinghap ako sa narinig ko mula sa babae kaya nakagawa ako ng ingay na muntik nang nagpalingon sa mga nakamanto sa amin. Nagkunware na lang ako na hindi ako ang umingay at buti na lang hindi nila narinig.
“Tayo? Ibebenta? Kanino?”
“Ibebenta nila tayo upang maging alipin.”
Bakas sa mga mukha nila ang pangangamba at takot sa maaaring mangyari sa amin. Tanging huling naalala ko bago ako napunta rito ay may hinabol ako sa palasyo.
Sila siguro ang pakana sa nangyaring kaguluhan sa piging.
“Saang lugar kayo nanggaling at saan naman kayo dinakip?”
“Pareho kaming mga pulubi mula sa Barrio Yuuksol. Wala kaming maayos na tirahan dahil sa tabing-kalsada lang kami namumuhay. Ilang beses rin kami nagpalipat hanggang sa nakita kami ng mga itim na manto. Sinubukan pa namin silang takasan pero nahuli nila kami.”
Marahan na gumalaw ang babae ngunit dumaing siya na ikinabahala ko. Nilapitan ko siya saka ko nakita ang sugat niya sa kanyang braso.
“Nasugatan siya no’ng tinatakasan namin sila,” sabi sa akin ng lalaki.
Sinilip ko muna ang paligid kung may nakabantay sa amin. Baka may makakita sa gagawin ko sa kanya na maaaring ikapahamak namin. Nang sinigurado kong walang nakatingin sa amin ay itinapat ko ang aking kamay sa sugat niya.
Sana hindi nila mapansin.
Nagliwanag man ang mga kamay ko ngunit itinuloy ko pa rin ang panggamot sa kanya. Habang ginagawa ko iyon ay tila unti-unti akong nawawalan ng lakas.
Pagkatapos ng ilang segundo ay natapos ko ang panggamot. Nakita kong naghilom na ang sugat niya. Pansin ko rin ang pagkamangha nila sa mga mukha gayong isang simpleng panggamot lang ginawa ko.
“May sugat ka rin?” sabi ko sa lalaki.
Bago pa man siya makasagot ay nakita kong binubuksan ng isang nakamanto ang kulungan at hinila ako palabas, saka kinaladkad ako patungo sa grupo na nag-iinuman.
Sinubukan kong tumakas sa kanya niya ngunit ang higpit ng pagkakahawak niya sa kamay ko. Nang nakarating na kami sa grupo ay binitawan na niya ako pero tinulak pa ako kaya napaluhod ako sa lupa.
BINABASA MO ANG
Ave Fénix II: Muling Pagsiklab [COMPLETED]
FantasyBook 2 of 3 Formerly titled as "Pecularia II: Ang Ikalawang Yugto" Pagkatapos ang pagkabagsak ng kaharian ng Silangang Serentos, ipinagpatuloy nina Xandrus at Jai ang kanilang mga buhay sa Academia de Pecularia hanggang sa pagsapit ng kanilang ikaap...