Rafaela's POV
Si Xandrus.
Alam kong si Xandrus ang nakikita ko. Siya lamang ang may taglay na kapangyarihan ng apoy, ngunit paano nangyari? Base sa nakita ko kanina, wala siya sa sarili ngunit patuloy niyang kinakalat ang apoy sa munting gubat.
Tumatakbo na kami palayo ngunit nagawa ko pang lumingon sa lugar kung saan ko nakita si Xandrus. Sa hindi ko inaasahan, nakita siya sa aming gawi at nagbuga ng bolang apoy na tatama sa amin.
"ILAG!"
Sa oras na iyon, sobrang lapit na sa amin ang bolang apoy at akala ko katapusan na namin. Huli na para gumamit ako ng Majika ngunit sa iglap, nag-iba ang lugar at nasa damuhan na kami.
"Ayos lang ba kayo?" tanong ni Philip sa amin at napagtantong siya ang nagdala sa amin sa parang.
Sinalubong naman kami ng mga Guro at nilagpasan. Nagtungo sila sa pinagyarihan ng sunog.
Saka ko lang naalala na naging ganito rin ang nangyari kay Xandrus no'ng umalis si Jai pero pahamak na dala niya ngayon, mas malala ito kumpara sa nangyari dati.
Saka lang din pumasok sa isip ko si Guro Markus na nakasalubong ko kanina. Kaya pala nagmamadali siyang umalis no'ng nakatagpo kami.
'Di kaya napahamak sila ni Guro Kula dahil kay Xandrus? Baka andoon pa sila sa nasusunog na lugar. Hindi maganda 'to.
"Philip, dito muna kayo. Titignan ko lang kung andoon pa sa gubat si Guro Markus at Guro Kyla," paalam ko sa kanya saka nagpasyang bumalik.
Pagpasok ko ulit ng gubat, napaubo ako bigla. Mas lumalakas ang apoy kay mas kumapal rin ang usok, ngunit nagpatuloy pa rin ako. Nasa peligro ang mga magulang ni Xandrus.
Hindi ko na matiis pa ang kapala ng usok kaya gumawa ako ng isang bula at pumasok doon gamit ang aking Majika. Ngayon, malaya na akong makakatakbo sa gitna ng usok.
"Guro Markus! Guro Kyla!"
Patuloy kong tinatawag ang mga pangalan nila ng kay lakas hanggang sa tuluyan kong nalapitan ang pinangyarihan ng sunog.
Ilang metro lang ang layo ko mula sa isang malaking butas sa lupa at sa butas na iyon nanggaling ang malaking sunog. Nagtataka kung bakit may butas sa lupa ngunit ituon ko ulit ang atensyon sa paghahanap sa mga magulang ni Xandrus.
"Guro Markus! Guro Kyla—"
Natigil ang pagsisigaw ko nang may nakita akong mga katawan na nakahandusay sa lupa. Agad kong nilapitan iyon at napag-alamang sila ang kanina ko pang hinahanap.
Si Guro Markus na yakap-yakap si Guro Kyla ngunit nasa lupa lang sila at walang malay. Dahil sa kapal ng usok, nahirapan na sigurong makahinga.
Gumawa pa ako ng isang bula at ipinasok ang mag-asawa. Nag-ipon naman ako ng lakas saka naglabas ng kulay rosas na enerhiya ang mga kamay ko.
"Teleportacion."
Nagliwanag ang mga malaking bulang ginawa ko laban sa usok saka nagliwanag ang buong paligid. Paghupa ng nakakasilaw na liwanag ay nasa ibang lugar na kami at malayo sa sunog.
Nasa tapat kami ng silid-gamutan at agad na humingi ng tulong. Kinuha naman nila ang walang malay na mag-asawa saka sila ipinasok sa silid. Papasok na sana ako kaso pinigilan nila ako dahil sa dami ng tao sa loob.
Naagaw naman ng aking atensyon dahil sa ingay na nagmumula sa parang. Galing ang ingay sa mga Guro na hanggang ngayon, pinipigilan pa rin si Xandrus na balot pa rin ang katawan sa apoy.
Parang balewala lamang ang kapangyarihan nila sa taglay ni Xandrus. Patuloy pa rin ang paglakad niya kahit pinipigilan na siya ng mga Guro.
Nakita kong ikinukulong sa isang metal na bola si Xandrus. Napatigil sila at akala ko naman napigilan na nila siya ngunit natunaw ang metal na bola at nakatakas si Xandrus.
Sobrang lakas niya ata ngayon, ngunit nababahala ako sa maaaring mangyari.
Bigla siyang tumayo ng matuwid at sumigaw ng kay lakas. Mas kumapal ang apoy na bumabalot sa kanya. Nagbubuga siya ulit ng mga bolang apoy sa kung saan at balak pang tamaan ang pagamutan na nasa likuran ko.
Bago pa tumama ang bolang apoy sa gusali ay nag-ipon ako ng lakas at gumawa ng mataas na harang gawa sa enerhiya na siyang pipigil sa bola.
Nang tumama, nabasag naman ang ginawa kong harang at nawalan ako ng lakas. Napadapa na lamang ako sa sahig at napadaing. Tinignan ko ang pagamutan at nawala ang pangamba nang makitang maayos lang ang gusali.
Huli na upang pinigilan pa ang ibang mga nagsisiliparang mga bolang apoy na tumama sa mga gusali. Wala na akong magawa kundi pagmasdan kung paano masira ang Academia.
Nagtaka naman ako nang may pumipigil sa ibang mga apoy hanggang sa nakita kong gawa iyon ng mga kapwa-estudyante ko.
Nangangamba ako na baka mapahamak pa sila ngunit sa oras na iyon, kailangan na siguro naming magtulungan upang mapigilan si Xandrus sa paninira ng Academia.
Agad akong tumayo at tumakbo papunta sa mga gusaling tatamaan pa ng mga malalaking bolang apoy. Nilagpasan ko ang mga harang na gawa ng mga estudyante sabay gawa ng mga harang gamit ang Majika ko.
Kasabay ng pagtama ng mga apoy ay ang pagyanig ng lupa na siyang nagbibigay-takot sa ibang mga estudyante, lalo na ang mga nasa mababang baitang. Hindi ko alam kung kailan 'to tatagal pero sana magawa nilang patigilin si Xandrus.
"Ella!" tawag mula sa pamilyar na boses.
"Ella? Anong nangyari? Si Xandrus ba yung pinipigilan ng mga Guro?" natatarantang tanong ni Leia.
"Mukhang si Xandrus nga. Tanging magagawa na lang natin ay pigilan ang mga apoy na tumama sa mga gusali ng Academia."
Nagsipagtanguhan naman sila saka namin tinulungan ang mga estudyante sa pagharang ng mga apoy. Pinagsama namin ni Raphael ang lakas ng Majika namin upang mas tatagin ang mga harang.
Mga salitang enchanta ang lumabas sa aming mga bibig at nagliwanag ang aming mga kamay. Tila naghalo ang kulay rosas at asul na enerhiya namin at unti-unting nagkalat sa paligid.
Naging mas matibay na ang mga harang at pinagmasdan na lang namin na tumama ang mga apoy sa mga harang. Tila natuwa kami sa aming ginawang pagligtas sa Academia, ngunit sa kabila no'n, pansin kong hindi pa rin napipigilan ng mga Guro ang may pakana nito.
"Si Xandrus, papuntang tarangkahan at nagtatangkang lumabas ng Academia," sabi ni Leia pagkatapos magmatyag sa ere.
"Subukan natin siyang pigilan!"
Umalis kami at agad na pumunta sa tarangkahan. Nilagpasan na lang namin ang hindi nagawang protektahan na mga gusali hanggang sa nagulat kami sa aming nadatnan.
Nakatayo lamang ang mga Guro at pinagmasdang sirain ni Xandrus ang malaking tarangkahan ng Academia.
"Hayaan na natin siya. Hindi natin kayang kontrolin ang kapangyarihan niya sa ngayon," rinig kong sabi ni Guro Shalea.
"Anong ibig niyong sabihin?"
Sa biglang pagsalita ni Leia ay nagsipaglingunan sa aming gawi ang mga Guro na hindi nagawang pigilan ang pag-alis ni Xandrus.
BINABASA MO ANG
Ave Fénix II: Muling Pagsiklab [COMPLETED]
FantasyBook 2 of 3 Formerly titled as "Pecularia II: Ang Ikalawang Yugto" Pagkatapos ang pagkabagsak ng kaharian ng Silangang Serentos, ipinagpatuloy nina Xandrus at Jai ang kanilang mga buhay sa Academia de Pecularia hanggang sa pagsapit ng kanilang ikaap...