Jai’s POV
Isang marahan na paghaplos sa aking mukha ang gumising sa akin mula sa mahimbing kong tulog. Nagtagpo ang aming tingin ni Philip, at palitan kami ng ngiti. Nakatulog pala ako sa kanyang balikat, kaya inayos ko aking pagkakaupo nang tuluyan na akong magising.
“Sa’n na ba tayo?” tanong ko.
Bahagya kong binuksan ang kurtina sa bintana. Isang malamig na hangin ang sumalubong muna sa akin saka ako dumungaw sa bintana upang alamin kung nasaan na ba kami.
Nasa ibabaw na kami ng isang bayan. Kakalagpas lang namin mula sa isang kagubatan, na siyang nagpabalik sa aking mga alaala ng nakaraan.
Barrio La Trinidana. Ang bayan na minsan naming narating ni Xandrus sa kasagsagan ng kaguluhan sa Pecularia.
Naalala ko ang lahat ng pinagdaanan namin bago marating ang baya
“Mga Ginoo, maghanda sa ating pagbaba,” rinig kong sabi ng nagmamaneho ng karwahe na nasa harapang bahagi ng sinasakyan namin.
Narinig kong humiyaw ang mga Pegaso bago ko naramdaman ang pababa ng aming karwahe sa ere. Napakapit na lang ako kay Philip sa kanyang braso hanggang sa nakaramdam kami ng kaunting pagtalbog ng aming sinasakyan, tanda na nasa lupa na kami.
“Andito na tayo,” sabi ko kay Philip.
Kinuha na namin ang mga mochila namin. Pinagbuksan naman kami ng isang kawal ng pinto ng karwahe nang makalabas na kami.
Bumungad sa amin ang sikat ng araw at sariwang hangin. Sa harap namin ang Palasyo ng Kaharian ng Silangang Serentos, nakakalula pa rin ang taas nito. Sa paligid naman makikita ang mga nagkalat na kawal na umaaligid sa Palasyo upang magbantay. Napakahigpt ng seguridad nila dito ngunit bukas naman ang malaking tarangkahan sa mga mamamayang nais pumasok dito.
“Higit pa pala sa inaasahan ko ang laki ng Palasyo,” sabi ni Philip na napansin kong tumingala rin upang pagmasdan ang Palasyo.
“Mga ginoo, magtungo na tayo sa loob ng Palasyo. Naghihintay na sa atin ang Hari,” sabi naman ni Pinunong Gabreil sa amin.
Magtutungo na sana kami nang biglang may lumapit sa amin na isa sa mga kawal na sumundo sa amin. “Mga Ginoo, mayroon pong kayong dapat malama—”
Hindi na natapos ang sasabihin ng kawal ng biglang may tatlong bubwit na nagsisipagbabaan mula sa likuraan bahagi ng karwahe. “Kuya Ski!”
Laking gulat ko nang makita sila habang agad nila akong nilapit upang yakapin. “Anong ginagawa niyo dito? B-Ba’t andito kayo?!”
“Eh hindi ka man lang nagpaalam sa amin na aalis ka kaya nagdesisyon kaming sasama na lang sa inyo!” sagot naman ni Chang at napasapo na lang ako ng sentido.
Lagot ako nito kapag nalaman ng taga-Academia na sumama sa amin ang tatlong ito.
“Pa’no na ‘to?” tanong ko kay Philip.
“Mga Ginoo, hinahanap na tayo ng Hari,” sabi ulit ni Pinunong Gabreil kaya mas lalo na akong naguguluhan sa nangyayari.
“Jai, kumalma ka lang. Aayusin na lang natin ito mamaya. Harapin muna natin ang Hari,” sabi ni Philip.
Hinarap ko naman ang mga bata at bahagyang lumuhod. “Naguguluhan man ako sa inyong pagsama ngunit inaasahan ko ang inyong wastong pag-uugali mula sa inyo. Nasa isang Palasyo tayo kaya umayos kayong tatlo. Nagkakaintindihan ba tayo?”
BINABASA MO ANG
Ave Fénix II: Muling Pagsiklab [COMPLETED]
FantasyBook 2 of 3 Formerly titled as "Pecularia II: Ang Ikalawang Yugto" Pagkatapos ang pagkabagsak ng kaharian ng Silangang Serentos, ipinagpatuloy nina Xandrus at Jai ang kanilang mga buhay sa Academia de Pecularia hanggang sa pagsapit ng kanilang ikaap...