Third Person's POV
Alon. Tanging maririnig lamang sa paligid ay ang bawat paghampas ng alon patungo sa kabuhanginan, kasabay ang huni ng mga ibon na malayang lumilipad sa ere. Tila sinusubukan ng tubig na lamunin ang isang walang malay na binata mula sa baybay. Butas-butas and kasuotan, maraming sugat sa katawan, wala nang lakas upang tumayo—nakakaawang pagmasdan ang kahihitnan ng binata.
Ang mga ibon sa ere, na animo'y mga maaamo, ay lumipad padausdos patungo sa mukhang bangkay na binata sa dalampasigan. Handa na sana ang kanilang mga tuka sa gagawin nilang pagkain nang isang dalaga ang tumaboy sa mga ito palayo sa binata.
Nang makasigurong lumayo na ang mga ibon ay lumapit siya sa binata na nakadapa sa buhangin. Nagdadalawang-isip pa ang dalaga na hawakan ang binata nang makitang halos malantad na sa kahubaran ang katawan ng binata dahil sa butas-butas na kasuotan nito, hanggang sa tinanggal ng dalaga ang kanyang suot na balabal at binalot sa katawan ng binata. Hinawakan niya ang pulsuhan nito at napag-alamang buhay pa ang walang malay na binata.
Gamit ang taglay na kapangyarihan ng dalaga ay nagawa niyang dalhin ang binata sa kanyang munting tahanan na ilang metrong layo lamang sa dalampasigan. Sa kanyang kama ay nakahiga na ang binata, at inayos ang dalaga ang pagkakahiga nito. Dumapo ang kanyang mga tingin sa mukha ng binata na siyang ubod ng kagwapuhan kahit ito'y nakapikit lamang at walang malay. Bagama't tila nakakaakit ang kanyang mga labi ay inilayo ng dalaga ang kanyang sarili sa takot na may magawa siyang hindi kaaya-aya. Hinayaan niya na lamang na matulog ito sa kanyang kama at mag-antay na magising ito.
Habang nag-aantay, nagpasya ang dalaga na lumabas ng tahanan na may dalang basket at magpunta sa mapayapang kagubatan upang maghanap ng mapipitas na prutas. Ito ang isa sa nakagawian niya simula noong napadpad siya sa lugar na ito. Mag-isa mang hinaharap ang buhay ngunit naging masaya naman siya sa kanyang nararanasan dito sa kagubatan.
Sa ilang taon na pananatili niya dito ay kabisado na niya ang buong lugar at minsang nakakatagpo ng mga nilalang, mapamaamo man o mababangis. Mabuti na lamang ay may taglay siyang kapangyarihan kung kaya't madali niyang natatakasan ang mga mababangis na nilalang.
Nang mapuno na ng sariwang melokoton ang kanyang basket ay nagpasyang bumalik ang dalaga sa kanyang munting tahanan. Laking gulat niya ng makitang wala na sa higaan ang binatang iligtas niya kanina sa dalampasigan hanggang sa nakarinig siya ng pagdaing sa gilid ng kama. Agad niyang pinuntahan ang pinanggalingan ng pagdaing at tumambad sa kanya ang binatang sumusubok na tumayo mag-isa. Nilapitan niya ito at tinulungang tumayo nang nagkatagpo ang kanilang tingin na nagdulot ng pagkagulat sa binate.
Umatras ang binata palayo sa dalaga sa takot na may gagawin itong masama sa kanya. “Lumayo ka!” sigaw ng binata na nagpangamba sa dalaga.
“H-Huminahon ka. Wala akong gagawing masama sa iyo—"
Sa takot ng binata ay kinumpas niya ang kanyang kamay upang gamitin ang kapangyarihan laban sa dalaga, ngunit nadismaya lamang ito ng hindi nangyari ang inaasahan niyang paglabas ng apoy mula sa kaniyang palad. Nagtaka naman ang dalaga sa ginagawa ng binata na paulit-ulit na kinukumpas ang kamay.
“Bakit… wala na ang kapangyarihan ko?”
Mula sa kanyang kamay ay dumapo ang kanyang tingin sa dalaga. Ang kanyang mga mata’y puno ng galit at sinigawan ang dalaga. “ANONG GINAWA MO SA AKIN? BAKIT WALA NA ANG KAPANGYARIHAN KO?!”
Nanatili lamang kalmado ang dalaga sa kabila ng pagwawala ng binata. “Paumanhin, ngunit hindi ko alam ang nangyari sa’yo! Nakita kitang walang malay at muntikan ng kainin ng mga ibon sa dalampasigan kaya’t niligtas kita at dinala dito sa aking kubo. Wala akong intensyon na saktan ka o gawan ng anumang enchanta.”
Sa oras na iyon, saka lamang nakilala ng binata ang dalagang kausap niya ngayon— ang dalagang naglagay ng kapamahakan sa buong Academia mahigit apat na taon nang nakakalipas.
“Miya?”
Sa ikalawang pagkakataon ay nagtaka ulit ang dalaga sa binata gayon tinawag siya sa pangalang hindi naman sa kanya. “Paumanhin ulit, ngunit pangalan ko po’y Bela, hindi Miya.”
“Hindi. Ikaw, ikaw si Jasmiya! Ang trumaydor sa amin noon sa Academia at nakipag-alyansa sa kadiliman! Dapat nakakulong ka ngayon! Bakit ka naririto?!” sabi ng binata sabay iling mula sa narinig niya sa dalaga.
“Pasensya na po ha, ngunit pagbibintangan mo lang pala ako sa hindi ko naman ginawa sa kabila ng pagligtas ko sa’yo, maaari ka na pong lumisan sa tahanan ko bago pa ko ‘makipag-alyansa sa kadiliman’ na sinasabi mo!”
Ang binata naman ang nagtaka sa dalaga, gayong magkamukha talaga sila ng dati nilang kaibigan ngunit magkaiba ang kanilang pangalan at malayo pa ang tono ng kanilang pananalita. Humakbang ang binata palapit sa dalaga upang pagmasdan ang mukha niya, ngunit sa inis ng dalaga ay hinawakan niya ito saka ginamit agad ang kapangyarihan at sa isang iglap ay nasa labas na sila sa kubo.
“Alam mo, gwapo ka na sana, kaso hindi ka marunong magpasalamat sa taong nagligtas sa buhay mo,” sabi ng dalaga saka naglaho sa paningin ng binata.
Sa ginawa ng dalaga ay nakumpirma ng binata na siya at si Miya ay iisa lamang. Duda ng binata ay parang nabura ang alaala niya gayon hindi siya nakilala nito, at sa pagkakatandan niya ay walang naikwento si Jasmiya sa kanila na may kakambal siya.
Tinignan naman niya ang kanyang sarili at nagulat na halos punit-punit na ang kanyang kasuotan gayong huli lamang niyang natatandaan ay nasa pasilidad siya at binisita ng kanyang mga magulang. Wala rin siyang kaalam-alam kung nasaan siya ngayon o sa anong lupain na siya nakarating.
Tanging malalapitan niya sa oras na iyon ay ang dalagang nagligtas sa kanya. Nagdadalawang-isip man ngunit nakita na lamang niya ang kanyang sarili na nasa harap na ng pintuan ng kubo.
BINABASA MO ANG
Ave Fénix II: Muling Pagsiklab [COMPLETED]
FantasyBook 2 of 3 Formerly titled as "Pecularia II: Ang Ikalawang Yugto" Pagkatapos ang pagkabagsak ng kaharian ng Silangang Serentos, ipinagpatuloy nina Xandrus at Jai ang kanilang mga buhay sa Academia de Pecularia hanggang sa pagsapit ng kanilang ikaap...