Third Person's POV
Sumikat na ang araw nang makarating ang pangkat nina Leia at Raphael sa teritoryo ng Pecularia. Wala silang nadatnan na mga Siquestro sa paligid. Kay tahimik lamang ng kagubatan ngunit nang makalapit sila sa entrada ng Academia ay agad nilang napansin ang force field na mas makapal na kaysa sa dati.
Hindi muna sila nagtangkang lumapit nito, sapagkat maaaring makaalarma sa loob kapag may magtangkang lumusot sa force field.
Kasama naman nila si Chonsela at pinaalam niya sa dalawa kung paano makakapasok sa Academia bukod sa entrada.
Nagtungo sila sa likod ng Academia at sa gitna ng kakahuyan, itinuro ni Chonsela sa kanila ang isang nakatagong pinto na lupa na natabunan lamang ng mga damo at dahon. Hindi na sila nagdalawang-isip pang pumasok at isa-isa silang bumaba mula sa ibabaw. Tinahak nila ang madilim na lagusan at nagpailaw naman sila ng lente.
Sa kanilang paglalakbay sa lagusan, nadiskubre nilang daluyan pala iyon ng maruming tubig, kaya't bumungad sa kanila ang masangsang na amoy dito. Tiniis muna nila ang amoy hanggang sa nakarating sila sa isang dulo kung saan may pintuang nag-aantay sa kanila.
Binuksan nila ang pinto at agad na pumasok, lalo na si Raphael na halos hindi na makahinga ng maayos dahil sa amoy ng lagusan.
Bumungad sa kanila ang isang hagdanan. "Sa itaas nito ay ang Hapag-Kainan natin. Maaaring may tao tayong makasalubong at paniguradong magugulat sila sa presensya ng lahat," sabi ni Chonsela sa kanila.
Napagdesisyunan na aakyat muna si Chonsela, sapagkat hindi naman siya gaanong kilala ng iba pang mga estudyante, ngunit nagboluntaryo rin si Raphael na sumama sa kanya.
"Mapapahamak ka lang kapag makita ka nila sa itaas," sabi ni Leia kay Raphael.
Ngumisi naman si Raphael at sa kanyang pagpitik, nagliwanag siya. Sa paghupa ng liwanag ay nagulat sila sa kanyang itsura.
"Kailan mo pa 'yan natutunan?"
"Simula noon pa. Ngayon ko lang susubukan ulit."
"Alam mo, sa itsura mo ngayon, parang gusto kitang sampalin at bugbugin. Nakakairita 'yang mukha mo," komento ni Leia.
Sumama na si Raphael kay Chonsela sa itaas at nangako naman silang babalik kapag puwede na silang umakyat. Nang makarating sila sa pintuan at pinihit nila iyon at bumungad sa kanila ang mga estudyante na abala sa mga hugasin at paglilinis sa silid. Hindi naman sila agad napansin dahil sa nakatago sa ligo ng mga kabinet ang pinto.
Wala silang makilala sa silid nang sila'y sumilip sa likod ng mga kabinet.
"Magmadali na tayo! Hindi na natin maabutan pa ang Duelo!" sabi ng isa sa mga estudyante na narinig ng dalawa.
Ngayong may Duelo, mas malaya silang makakakilos patungo sa opisina ni Guro Giz.
Nagkaroon ang dalawa ng usapan at nagparating si Raphael ng mensahe kay Leia gamit ang kanyang kapangyarihan. Sa ngayon, mag-aantay lamang sila sa tamang hudyat.
Nang makaalis ang mga estudyante, pasimple namang lumabas ang dalawa at tuluyang nakalabas ng Silid-Kainan. Agad namang kinabahan si Raphael nang may nakasalubong silang mga Kawal. "Saan kayo magtutungo?"
Siniko naman siya ni Chonsela. Umasta naman si Raphael tulad 'niya'—napahalukipkip at tinaasan ng kilay ang kawal. "Pinapapunta pa kami ngayon sa opisina. Aangal ka?!"
Pati boses ay nagawang gayahin ni Raphael. Kaya, paning-paniwala naman ang kawal at nilagpasan silang dalawa.
Nagmadali silang nagtungo at pumasok sa Gusali ng mga Guro. May mga guro pa silang nakakasalubong pero hindi naman sila pinansin ng mga ito. Nakasalubong naman ni Raphael ang mga magulang ni Xandrus na hindi maipinta ang mga mukha nila dahil sa lungkot.
Hiling niya na matapos na ang lahat na ito at bumalik ulit si Xandrus sa piling ng mga magulang niya.
Umakyat sila sa hagdan at nakarating sa tapat ng pintuan ng opisina. Si Raphael raw muna ang papasok at susunod naman si Chonsela sa kanya. Pinaalala naman ni Chonsela ang mga gagawin at sasabihin niya bago siya tuluyan pumasok sa opisina.
Tamang-tama, nadatnan niya ang bagong punong-guro ngayon ng Academia. "Kamusta naman, Ama?" pagbati ni Raphael kay Guro Giz.
Hindi lumingon ang Guro ngunit agad itong nagsalita. "Anong ginagawa mo rito? Akala ko ba'y pupunta ka ng Duelo?"
"Nagbago ang isip ko. Maiinip lang ako doon. Nakakasawa nang manood ng mga mahihinang estudyante."
Naglakad naman si Raphael patungo sa mesa ng Guro at sinilip ang mga sinusulat niya, ngunit sa hindi inaasahan ay nabulabog sila sa biglang pagbukas ng pinto.
"Ama! Ba't ito nakabalik sa Academia—"
Natigil ang babae habang kinakaladkad niya si Chonsela nang matanaw niya ang katabi ng Guro. "Putangina, sino ka?!" sigaw ng babae kay Raphael.
Agad namang naglabas ng enerhiya mula sa kamay si Raphael at itinutok sa ulo ng Guro. "Ako ay ikaw, Merdelia," asar na tugon ni Raphael sa kanya.
"Ang lakas ng loob mong gayahin ang itsura't boses ko. Ano, para linlangin ang Ama ko?!" sabi ni Merdelia at itinulak si Chonsela sa sahig.
"Alam na namin ang lahat, Merdelia. Alam na namin ang lahat na ginawa niyo ni Guro Giz. Ayaw ninyong idamay ang Academia sa gulo? Ba't nakipagsabwatan pa kayo sa mga Siquestro?" sabi ni Raphael.
Nakarinig na lamang sila ng mga hiyawan at pagsabog sa labas. Ngumiti lamang si Raphael na ikinainis ni Merdelia. "Hayop ka!"
Handa na sanang sugurin ni Merdelia ang impostor na Merdelia ngunit tinamaan lang siya nito ng asul na enerhiya sa kay lakas ay tumilapon siya sa pintuan at nasira ito.
"Ikaw, Guro, wala ka bang planong sumuko?"
"Itigil nyo na ang lahat na 'to. Sinisira nyo ang sarili nyong Academia."
"Hindi kami ang sumisira sa Academia, Guro. Ikaw mismo," sabi ni Raphael at hinawakan ang ulo ni Guro Giz.
Hindi na niya nagawang pigilan ang sarili at sa isang ikot lamang niya sa ulo niya ay bumagsak na ang kanilang Guro sa mesa.
"Maraming buhay na ang nawala dahil sa kapalpakan mo, Guro Giz. Paalam."
Iniwan nilang dalawa ang walang buhay na Guro at sinugod ni Raphael si Merdelia. Hindi pa makabawi ng lakas ang anak ng Guro ngunit pinatamaan ulit siya ng asul na enerhiya na muli niyang ikinabagsak. Muli itong bumangon ngunit agad namang dumapo ang malakas na sipa ni Chonsela sa mukha niya.
"Para iyan sa ginawa mo sa 'kin," panggigigil pa ni Chonsela.
Nawalan ng malay ang dalagita at iniwan na nila ito. Bumaba sila at muli silang sinalubong ng mga Guro. Agad nilang nilapitan ang mga magulang ni Xandrus.
"Mga Guro, wala si Guro Giz. Dapat niyong malaman na nagkakagulo na ang lupain ng Titania dahil sa pagsanib-pwersa niya sa mga Siquestro sa labas ng Academia. Namatay ang Hari ng Silangang Serentos, nawawala si Xandrus, at ngayon pinupuntirya si Jai dahil sa Kwintas niya," babala ni Raphael sa mga Guro ngunit bago pa sila makatugon ay nagulat sila na siyang ikinalingon nila Raphael sa likuran.
Nakalutang sa ere ang kanilang Guro, buhay at naglalabas ng itim na usok sa katawan nito.
"Umalis kayo sa aming Academia!" sabi ni Guro Giz at inatake si Raphael.
Natamaan si Raphael at bumagsak sa sahig, samantalang gumawa siya ng galamay mula sa usok niya at kinuha si Chonsela. Namilipit sa sakit si Chonsela dahil sa higpit ng galamay na nakapulupot sa kanyang katawan.
Humakbang naman si Guro Markus at nilabas ang kanyang gintong latigo at winasiwas ito sa galamay ni Guro Giz. Nang mabitawan si Chonsela, kinuha naman siya ni Guro Kyla at tumakbo na sila palayo.
"Kung gano'n, tinatraydor mo na ang Academia, Guro Markus?" tanong ni Guro Giz sa kanya.
"Sa ating dalawa, ikaw ang traydor, Giz," walang takot na tugon ni Guro Markus at nagkaharap sila.
BINABASA MO ANG
Ave Fénix II: Muling Pagsiklab [COMPLETED]
FantasiaBook 2 of 3 Formerly titled as "Pecularia II: Ang Ikalawang Yugto" Pagkatapos ang pagkabagsak ng kaharian ng Silangang Serentos, ipinagpatuloy nina Xandrus at Jai ang kanilang mga buhay sa Academia de Pecularia hanggang sa pagsapit ng kanilang ikaap...