Jai's POV
Isang oras na matapos naming lagpasan ang hangganan ng Pecularia. Walang tigil pa rin ang aming paglalakbay kahit sobrang dilim na ng paligid. Panay tingin naman ako sa mga kasama ko kung maayos pa ba sila sa gitna ng sitwasyon namin.
Nasa Hilagang Tareen na kami. Medyo napagod kami kakatakbo, dahil ayaw naming maabutan ng dilim sa Silangang Tareen kung saan matatagpuan ang mga mapanganib na Jiangshi.
Nakarinig naman akong may bumagsak sa lupa, at paglingon ko, nakaluhod na si Rafaela sa tabi ko. "Ella!"
Agad ko siyang nilapitan at tinignan. Namimilipit na siya sa sakit. "Sobrang sakit na ng mga paa ko, hindi ko na kakayaning maglakad pa."
Sinuri namin ang paligid bago kami nagpasyang magpahinga muna saglit sa tabi ng isang mataas na puno. Wala namang katao-tao o kahit anumang nilalang na nakasalubong namin simula kanina.
"Maging alerto pa rin tayo. Baka may nakasunod pa rin sa atin," sabi ni Philip.
"Aalahanin pa rin natin na nasa lupain pa rin tayo ng Tareen, kung saan napakaraming umaaligid na mga mababangis na mga nilalang. Maglilibot lamang ako saglit upang masigurong nasa ligtas na lugar tayo," aniya bago siya umalis.
Bigyan ko sana ng lunas si Ella ngunit pinigilan niya ako. "Jai, wala na iyong kapangyarihang manglunas."
Sa sinabi niya, naalala ko ulit na nasa akin na ulit ang kapangyarihan ng Ave Fenix. Tinitigan ko na lamang ang mga kamay ko, at hindi nagtagal ay may lumabas ulit na apoy mula sa mga palad ko. Isinara ko na lamang ang mga palad ko upang mawala ang apoy.
"Kaya pala siguro naging kakaiba si Xandrus mula noong umalis ka, Jai. Tanda na pala iyon ng pagbabalik ng iyong kapangyarihan," sabi ni Leia na siyang nagbigay muna ng lunas kay Ella.
"Pero bakit pa? Kung kailan bihasa na si Xandrus sa paggamit nito. Tapos ngayon, hindi ko pa alam kung saan siya dinala ng Ave Fenix."
Tinahan naman ako ni Raphael na nasa likuran ko pala. "Huwag kang mag-alala. Mahahanap din natin siya-"
Natigil naman ang aming pag-uusap nang makarinig kami ng pagkaluskos sa paligid. Hinanap ko naman si Philip, ngunit pansin kong hindi pa siya nakakabalik. "Si Philip, wala pa rin."
Akala namin isang mabangis na nilalang na iyon nang may lumabas na isang daga at dumaan sa harap namin. Tinaboy naman iyon para lumayo, dahil sa kaba na idinulot ng nilalang na iyon sa amin, ngunit nang ito'y lumayo ay may biglang lumabas na galamay mula sa lupa at nilamon ang daga sa harap namin.
"Kailangan na nating umalis," sabi ni Rafaela nang mapansin naming gumagapang patungo sa amin ang galamay na iyon at dali-dali kaming umalis sa lugar na iyon.
"Si Philip! Nasaan?!" tanong ko sa kanila ngunit isang malaking sanga ng puno ang bumagsak sa harap namin. Mas malaki pa sa nakita namin kanina.
Lumiko kami at sa paglingon ko, napansin kong gumagalaw ang mga puno na dinadaanan namin. Parang kaming inaabot ng mga sanga ng puno na nagmistulang mga galamay. Nang paparating sa amin na sanga ay agad akong sumigaw. "Dapa!"
Sa aming pagdapa ay naiwasan namin ang sanga na tatama sana sa amin. Agad kaming nagpatuloy sa pagtakbo ngunit natigil kami nang biglang kinuha ng isang sanga si Leia.
"Leia!" sigaw ko at agad kong inalabas ang apoy sa mga palad ko. Tatakbo na sana ako ng may tumama sa akin na sanga at tumilapon ako sa lupa. Napadaing na lamang ako ngunit nang nakarinig ako ng mgs sigaw ay pilit akong bumangon.
Akala ko inaangat ko ang sarili ko, yun pala may nakapulupot na sa akin na sanga at hinahatak ako palapit sa isang puno na hinati ang sarili sa dalawa upang doon ako lamunin ng buhay.
Sa takot na lamunin ako ng puno ay ikinumpas ko ang mga kamay at naglabas ng mga bolang apoy na siyang tumama rito. Tinupok ng apoy ang puno ngunit hindi pa rin ako binibitawan ng sanga. Bigla naman nahati iyon nang nagpakita sa harap ko si Philip na may hawak na sandata.
Inalis ko ang sanga sa katawan ko at dali-daling tumungo sa mga kasama kong kasalukuyang inaatake ng mga puno. Agad akong naglabas ulit ng sunod-sunod na bolang apoy na tumama sa mga puno. Nabawi naman ni Raphael si Leia mula sa puno na balak ring lamunin siya, saka kami agad na tumakas sa lugar.
Akala namin ay makakalayo na kami ngunit sa dulo pala ng daanan ay isang matirik na bangin pala ang sasalubong sa amin. May bangin rin sa kabila, ngunit sobrang malayo ito kung tatalon kami patungo roon.
"Tatalon tayo?" tanong ni Raphael sa amin.
"Baliw, makakalipad naman tayong lahat," sabi naman ni Leia sa kanya ngunit napatikhim na lang si Philip kaya napansin nila kami.
"Ubos na mga perlas ko," aniya.
"Ako na bahala sayo," sabi ni Raphael at agad niyang binuhat si Philip nang nagliwanag-asul siya.
Nakarinig naman kami ng pagyanig sa likuran at hindi pala namin namalayang papalapit na pala sa amin ang mga umaatake na puno. "Punta na kayo sa kabila, pigilan ko muna sila!"
Tinawag nila ako ngunit hindi ako nag-atubiling paliyabin ang mga letseng puno na 'to. Ayaw pa rin kaming tantanan kaya nagmistulang impyerno ang tahimik na gubat dahil sa ginawa ko.
Hiningal naman ako dahil sa paggamit ng kapangyarihan ko kaya umatras na ako at bumalik sa bangin. Tumakbo ako na kay bilis habang papalapit sa bangin. Sa aking pagtalon ay sumalubong sa akin ang malamig na hangin. Kinabahan pa ako saglit ng pababa ang aking direksyon ngunit sa isang iglap ay naramdaman ko ulit ang pamilyar na enerhiya na lumalakbay sa aking katawan.
Naramdaman kong umaangat na ang aking katawan sa ere, hanggang sa nakarating ako sa kabilang bangin kung saan nag-aantay sa akin ang mga kasama ko. Pagbaba ko sa lupa ay saka ko lamang napansin ang mga nakangangang reaksyon nila.
"Anyare?"
Nahimasmasan naman sila nang nagsalita ako. "Ang ganda mong pagmasdan no'ng lumutang ka. Ikaw nga talaga ang may-ari ng kapangyarihan ng Ave Fenix," sabi ni Ella.
Imbes na aking ikatuwa, napalitan ulit iyong ng pangamba. Hindi ko pa alam kung anong rason ng pagbabalik nito sa akin. Nilingon ko naman ang nasusunog na kagubatan sa kabila. Panigurado malalaman nila kung nasaan na kami ngayon dahil sa ginawa ko.
Pinagmasdan ko naman ang kwintas ko na kumikislap ulit at may pulang likido ulit ang dyamante. Nakakapanibago.
BINABASA MO ANG
Ave Fénix II: Muling Pagsiklab [COMPLETED]
FantasyBook 2 of 3 Formerly titled as "Pecularia II: Ang Ikalawang Yugto" Pagkatapos ang pagkabagsak ng kaharian ng Silangang Serentos, ipinagpatuloy nina Xandrus at Jai ang kanilang mga buhay sa Academia de Pecularia hanggang sa pagsapit ng kanilang ikaap...