Jai's POV
Nasa kwarto pa rin ako ngayon kasama si Philip. Hindi naman ako takot sa multo, pero nagulat lang ako nang malaman kong mayroon pala sa silid ko.
Nasa kamay ko pa ang litrato at kanina ko pa tinitignan nang paulit-paulit.
"Sa tingin mo ba talaga, multo 'to?" tanong ko kay Philip pero ni wala akong narinig na sagot.
Paglingon ko ay nakaidlip na ang katabi ko kaya siniko ko nang bahagya ang tagiliran niya para magising siya. "Ano ba, Philip, kanina pa ako nagsasalita dito, nakaidlip ka na pala dyan."
"Pasensya na, inaantok na kasi ako eh," sabi pa niya saka humikab.
"Eh di sana 'di mo binulabog ang pagpapahinga ko. Tsk," sabi ko sabay tayo at naglakad papunta sa pintuan.
"Pa'no na yung multo? Dito ka na lang matulog." sabi niya kaya humarap ako sa kanya.
"Pa'no kung hindi na nga 'yan multo? Pipingutin talaga kita."
Nagkatingin kami sa litrato, saka nagkatingin sa isa't isa. Alam ko na ang iniisip nito.
Tumayo siya at lumapit sa akin habang tumingala ako ngng bahagya dahil sa tangkad niya.
"Kapag totoo na multo 'yon, matutulog ka sa kwarto ko ng isang linggo," sabi niya.
"Kapag hindi, susundin mo lahat ng utos ko. De acuerdo?"
"De acuerdo."
Palibot niya ulit sa aming katawan ang kanyang balabal at sa isang iglap, nag-iba ang paligid namin.
Nasa silid ulit kami ngayon. Madilim at tahimik. Tanging ingay ng kuliglig lang ang maririnig na nagmumula sa labas ng bintana.
Teka, ba't bukas ang bintana?
Unti-unti akong humakbang at lumapit sa sulok kung saan nagpakita ang 'multo' na nakita namin sa litrato.
Isang puting bagay na naaaninag ko na tila nakalutang sa ere pero pilit ko pa rin nilapitan ito. Nang malapit ko na 'tong maabot ay bigla naman akong tinawag ni Philip. "Jai."
Lumingon ako pero hindi ko na mahagilap si Philip.
"Philip, asan ka?" tawag ko sa kanya ngunit wala akong narinig.
"Psh, bahala ka na nga 'yan—"
Paglingon ko ay biglang may sumakal sa akin sa leeg kaya inatake na ako ng sobrang takot. Hindi ko maaninag ang mukha ng sumasakal sa akin na tila kadiliman lang ang tanging nakikita ko.
"Bitawan mo 'ko!" pilit kong sinabi habang sinusubukan kong makawala sa sakal niya.
Bigla namang nanindig ang balahibo ko nang marinig ko ang boses ng sumasakal sa akin.
"Papatayin kita! PAPATAYIN KITA!"
Hindi ko na naman kung mabubuhay pa ako sa higpit ng sakal niya nang naramdaman kong may tumapik sa balikat ko.
Tila nagbalik ang malay ko ngunit pilit kong hinahabol ang hininga ko. Nakatingin lang ako sa sahig habang inaalayan ako ni Philip dahil parang nawawalan na ako ng lakas.
"Jai, anong nangyari sa'yo?" tanong niya ngunit parang umuurong ang dila ko kaya hindi ako makasalita.
Nilapit naman niya ang hintuturo niya sa noo ko, at tila may kakaibang enehiya ang dumaloy sa ulo ko.
Gumagaan ang pakiramdam ko sa ginawa ni Philip. Parang nawala saglit ang nararamdaman kong takot.
Pagkatapos no'n ay tinignan niya ako sa mga mata, na parang bang binabasa na naman niya ang laman ng isip ko. Ilang minuto ang nakalipas ay saka naman niya pinalibot ulit ang balabal niya at nasa kwarto niya na naman kami.
"Kasunduan ay kasunduan," diretso niyang sabi saka lumapit at umupo sa kama.
"Pero Philip–"
"Hindi mo man lang pinaalam sa amin Jai na may nangyayari na pala sa'yo."
"Ayaw ko naman kayong mag-alala sa akin eh."
"Hangga't 'di pa natin alam ang totoong katauhan ng nagpapakita sa'yo, dito ka muna sa kwarto ko—"
"Kasunduan ay kasunduan, Philip. Isang linggo lang ang sinabi mo."
Nagkatinginan kami na tila nag-aantay na sumuko ang isa hanggang sa umiwas na ng tingin si Philip.
"Isang linggo."
Umupo naman ako sa tabi ni Philip. Tila parang prinoproseso pa ata niya ang nangyari kanina.
"Hindi ko masyadong mabasa ang isip mo. Napakamalabo ng nakikita ko. Tanging nakita ko lang ay mga kamay na nakahawak sa leeg mo."
Nilamon saglit ng katahimikan ang kwarto. Tila bumabalik sa isip ko ang nakita ko kanina ngunit bigla na lang naging malabo ang naalala ko.
"Alam ba 'to ni Jedrick, ha?"
Tahimik lang akong nakatingin sa sahig nang marinig ko ang tanong niya. Kahit na si Xandrus, 'di ko rin pinaalam ang mga nangyayari sa akin.
"Pakiusap, Philip, 'wag mo nang sabihin ang tungkol dito, lalo na kay Xandrus—"
"Anong klaseng kasintahan 'yan, Jai? Na kahit napapanaginipan mo, 'di niya alam? Palibhasa kasi puro sarili niya na lang ang iniisip niya at parang kinalimutan na 'yong relasyon niyong dalawa."
Hindi ko 'yon inaasahang marinig 'yon mula sa kanya. Ni minsan, hindi siya nagbibigay ng saloobin sa mga bagay-bagay sa akin. Nagulat akong ganyan pala ang pagtingin niya kay Xandrus.
Bago pa man ako makapagsalita ay tumayo na siya at nagtungo sa pintuan ngunit bago pa man siya makalabas ay nagsalita siya.
"Isang linggo. Mananatili ka muna pansamantala dito habang ipapaalam ko 'to kay Ama bukas ng umaga. Dito ka muna matutulog habang doon ako sa sala. Magandang gabi, Jai."
Sa pagsara niya ng pinto ay nagpakawala ako ng isang malalim na hinga.
"Papatayin kita!"
Naririnig ko pa sa aking isipan ang boses na 'yon. Nakakatakot, ngunit tila nasanay na ako na gano'n ang mga nakikita ko at napapanaginipan.
Hindi ko alam kung lahat ba 'yun ay mga pangitain o 'di kaya'y mga pangyayaring nababasa ko sa mga libro kaya 'di ako masyadong nangangamba sa mga susunod na mangyayari.
Pero iba 'yun kanina.
Nakita ko mismo ang mga kamay ng sumasakal sa kin. Buto't balat na lang ang mga iyon, katulad ng mga braso ng mga jiangshi.
Siguro dala 'to ng pagod kaya kung anu-ano na lang ang naiisip ko, kaya yun rin ang nakita ni Philip. Kailangan ko talaga ng sapat at maayos na tulog.
Inayos ko muna ang magulong kama ni Philip. Siguro dahil 'to sa pwersang pinapakawala ni Philip no'ng pabalik-balik kami dito at sa silid ko.
Sana magiging maayos ulit ang lahat.
Sana nga.
Dahil ayaw ko nang gambalain pa ang isip ng mga kaibigan ko.
BINABASA MO ANG
Ave Fénix II: Muling Pagsiklab [COMPLETED]
FantastikBook 2 of 3 Formerly titled as "Pecularia II: Ang Ikalawang Yugto" Pagkatapos ang pagkabagsak ng kaharian ng Silangang Serentos, ipinagpatuloy nina Xandrus at Jai ang kanilang mga buhay sa Academia de Pecularia hanggang sa pagsapit ng kanilang ikaap...