Jai's POV
Dapit-hapon. Sa paglubog ng araw, unti-unting binalot sa dilim ang buong kaharian. Tila ako na lamang ang nakatira sa buong Palasyo, kahit na kasama ko sina S'Akessiya at S'Norekko. Wala na ang Hari. Wala na ang mga kawal. Wala na rin ang mga dating mapayapang namumuhay na mga mamamayan dito.
Sa silid pa rin ako, nagluluksa sa pagkawala ng lahat.
Sa oras na 'to, iniisip ko na parang walang saysay na atang lumaban kung ako lang natira sa buong Kaharian. Ayaw ko ring isakripisyo ang mga buhay ng mga kaibigan ko, maprotektahan lang ako. Ako dapat ang poprotekta sa kanila. Ako ang may hawak ng isa sa mga Banal na Alahas pero karapat-dapat ba akong tagapaghawak nito?
Salamat kay Ama, dahil binigay niya sa akin itong Alahas na nagbigay-daan upang makilala ko ang aking nakaraan, pero kapalit naman nito ang mabigyan ako ng mabigat na responsibilidad na kailanma'y hindi ko hiningi. Naging mahina na rin ako simula noong nawala ito sa akin. Nawawala na ang koneksyon ko sa Ave Fenix.
Gusto ko lang naman mamuhay ng mapayapa pero ba't ganito ang nangyayari?
Nakadungaw lamang ako sa bintana at pinagmamasdana ng buong Kaharian, nang may kumatok sa pintuan. "Ginoo, may dumating na mga panauhin. Kaibigan mo raw sila."
Nang marinig ko iyon galing kay S'Akessiya, nagmadali akong lumabas ng silid at bumaba patungo sa unang palapag. Doon ay sinalubong ako nina Philip. Isang mahigpit na yakap ang natanggap ko sa kanila. Mas naging panatag ang loob ko na malamang ligtas sila.
"Nakikiramay kaming lahat sa pagkawala ng Hari at ng lahat ng kawal," sabi ni Philip sa akin.
Pansin ko namang may kulang sa kanilang grupo.
"Nasaan si Xandrus?"
Tila nagsipag-iwasan sila ng tingin sa akin. Nang siniko ni Ella si Raphael, napatikhim ang kakambal niya. "A-Ah, ano. Si Xandrus? Na-na..."
Sumingit naman si Leia. "Jai, si Xandrus, humiwalay sa amin. Hindi na namin siya nahagilap pa simula kanina."
"Bakit?
"Hindi namin nagawang kunin ang mga Alahas dahil sa mga Siquestro. Kaya, mag-isa na lang raw niya kukunin ang mag iyon," dagdag pa ni Leia. "Pipigilan sana namin siya kaso naglaho siya."
"Duda namin ay dinukot siya ng mga Siquestro, ngunit hindi pa kami sigurado," sabi naman ni Ella.
"Hindi maaari. Nangako siyang babalik."
"Jai, 'wag ka na munang lumabas pa ng Kaharian. Alam nating ikaw ang puntirya ng mga kalaban ngayon. Hihilingan nating nasa mabuting kalagayan ngayon si Xandrus. Babalik siya, naiintindihan mo ba?" pagpigil sa akin ni Philip.
"Isa pa, hindi man namin nakuha ang mga Alahas, nasa atin na ngayon ang pakana kung alam nila ang mga lokasyon ng mga Alahas at kung bakit alam nila ang mga susunod na hakbang natin."
Sa sinabi ni Philip ay nagtaka ako sa tinutukoy niya hanggang sa may humakbang mula sa likuran na babae na agad kong nakilala. "Chonsela?"
Bigla siyang lumuhod sa harap ko at nagsimulang humikbi. "Patawad, Jai. Humihingi ako ng tawad sa iyo, sa lahat ng nagawa ko. Patawad," aniya.
"May kakayahan siyang makita ang hinaharap at ginamit siya ng mga Siquestro para maunahan tayo sa mga hakbang natin," sabi ni Philip na siyang nadiskubre ko.
Lumuhod naman ako upang magpantay kami ni Chonsela. Niyakap ko na lamang siya at tinahan. Naging kaibigan ko na si Chonsela sa Academia. Alam kong may rason kung bakit nangyayari ito sa kanya.
"Pasensya ka na Jai. Kasalanan ko ang lahat na 'to. Kung hindi ko sinabi kay Guro Giz ang lahat na 'to, hindi mangyayari ang lahat na 'to," pagbunyag pa niya na ikinagulat ko.
"Guro Giz?"
Kung gano'n, sangkot rin si Guro Giz sa lahat ng ito?
Nagpasya kaming pumunta sa silid kung saan kami magtitipon upang pag-usapan ang lahat at ibunyag pa ni Chonsela ang lahat na nalalaman niya.
Hinayaan naming magsalita si Chonsela habang hawak naman siya ni Philip upang tiyakin kung nagsasabi pa ba siya ng totoo sa amin, gayong may kakayahan si Philip na makita ang kanyang nakaraan.
Ibinunyag ni Chonsela na simula noong makita niya ako sa Academia, binibisita siya ng bangungot tuwing gabi. Doon na niya nadiskubre na may kakayahan siyang makita ang hinaharap.
Kaguluhan. Yung ang palagi niyang nakikita at nagpapakita rin ako sa pangitain niya.
Nang pabalik-balik na iyon, nagpasya siyang ipagsabi iyon sa isa sa mga Guro at si Guro Giz ang napagsabihan niya tungkol rito. Ayaw niyang ipagsabi sa akin dahil ayaw niyang matataranta ako dulot ng kaniyang nakitang pangitain. Nang malaman raw ni Guro Giz ang kanyang kakayahan, pinagbantaan siyang 'wag ipagsabi kahit kanino ang pangitain niya kahit kay Master Yves. Doon na nagsimulang bantayan siya ni Merdelia at ng kanyang mga kaibigan.
Pinaglaruan siya nina Merdelia at pinababayaan lamang sila ni Guro Giz. Minsan na ring siyang nakulong sa kwarto ni Merdelia. Sinubukan niyang tignan ang sarili niyang kinabukasan pero ako ang tanging nakikita niya.
Nalaman na lang daw niya na nakipagsabwatan si Guro Giz sa isang grupo sa labas ng Academia, at noong umalis ako raw sa Academia, kinuha niya iyong pagkakataon para ilayo ang Academia sa akin. Nalaman niya ring pinadukot nila ako at planong ibenta sa isang isla na malayo sa Titania.
Ngayon, maliwanag na ang lahat sa akin.
Pati ang pagdukot sa akin, planado rin pala.
"Nais lang daw ni Guro Giz na ilayo sa kapamakan ang Academia kaya nagawa niya iyon," sabi ni Chonsela at nagulat kami sa biglang paghampas ni Raphael sa mesa.
"Nakakabwiset na isipin ang lahat na ito. Kaya pala ang laki ng galit niya sa atin," ani Raphael.
Nagpatuloy naman si Chonsela. "At no'ng pinagsabihan ko siya sa iyong pagbabalik, gumawa siya ng paraang para patalsikin si Master Yves bilang Punong-Guro at palitan siya. Dahil kapag umupo siya sa opisina niya, masusunod ang lahat ng kagustuhan niya at iyon ay ang patalsikin ka sa Academia."
"Nasaan na si Master Yves?" naitanong ko.
Bigla na lamang bumuhos ang luha ni Philip sa harap namin. "Philip—"
"Sabihin mo, Chonsela, na hindi totoo ang nakikita ko," sabi ni Philip.
"Pasensya ka na, Philip. Pasensya ka na, sana'y mapatawad mo rin ako."
Hindi na napigilang mapahampas sa mesa si Philip. Napahikbi na lamang sa tabi ko at agad kong niyakap. Nagtataka ako kung ano ang nakita niya kay Chonsela, ngunit sana'y mali ang iniisip ko.
"Pinaslang ni Guro Giz si Master Yves. Hindi alam ng lahat na iyon. Iyon daw ang naging paraan niya upang hindi na humadlang pa si Master Yves sa mga plano niya sa Academia."
Nanlumo na lamang kami sa aming nadiskubre mula kay Chonsela. Pati si Master Yves, wala na rin.
Hindi ko maiwasang maluha sa aking nalaman ngayon. Sa maikling panahon, naging maganda ang pakikitungo ko kay Master Yves at siya na naging pangalawang Ama ko. Siya ang dahilan kung bakit nagkaroon ako ng tahanan. Siya ang dahilan kung bakit nagkakilala kami ni Philip. Siya ang nagturo sa akin ng mga bagay na dapat kong tandaan sa buhay. Malaki ang nagampanan niya sa buhay ko bukod sa pagiging Punong-Guro ng Academia.
Tumayo ako upang agawin ang kanilang atensyon.
"Maghanda ang lahat sa pagsikat ng araw. Babawiin natin ang huling alahas. Babawiin natin ang Academia. At babawiin natin si Xandrus."
BINABASA MO ANG
Ave Fénix II: Muling Pagsiklab [COMPLETED]
FantasiBook 2 of 3 Formerly titled as "Pecularia II: Ang Ikalawang Yugto" Pagkatapos ang pagkabagsak ng kaharian ng Silangang Serentos, ipinagpatuloy nina Xandrus at Jai ang kanilang mga buhay sa Academia de Pecularia hanggang sa pagsapit ng kanilang ikaap...