Kabanata 77

94 5 0
                                    





Xandrus’ POV









Kanina pa ko dito sa isang silid, nakatali sa poste, at nag-iisa lamang. Huli kong naalala ay may tumakip sa aking bibig at dito na ako nagising. Sinubukan kong humingi ng tulong pero walang sumasagot. Wala rin akong madampot na kahit anong patalim sa mga bulsa ko. Wala ito sa plano namin.

Paniguradong hinahanap na nila ako.

Nagkalat sa palagid ang mga dayami na hindi ko naman mapapakinabangan. Wala ring malalabasan bukod sa pintuan.

Lagot sa akin ang gumawa nito sa akin.

Alam kong may kinalaman ang mga Siquestro dito. Gagawin nila akong bihag para maipit si Jai sa sitwasyon at mapilitang ibigay ang kanyang kwintas kapalit ang buhay ko. Ayaw kong mangyari ulit ang lahat. “Sh*t, pakawalan niyo ako!”

Bumukas ang pinto at niluwa nito ang isang nakamantong itim. Tama nga ang hinala ko. “Hoy, ang lakas ng loob mong dakipin ako! Pakawalan mo ako dito ngayon din!”

Napahalukipkip naman ang nakamanto. Nakababa ang talukbong niya kaya hindi ko makita ang buong mukha niya. “Pagkatapos mo akong bugbugin? Baka iwan na lang kita dito kapag mainis pa ako sa’yo.”

“Kulang pa ‘yan sa ginawa ng pangkat nyo sa amin! Wala na kayong nagawang tama! Pakawalan mo ako rito!”

“Wala naman akong planong nakawin ang Alahas ng kasintahan mo,” sabi niya. “Ngunit, yung gusto ko lang manakaw? Siguro yung puso niya.”

“LAYUAN MO SIYA!”

Gago ‘tong isang ‘to. May iba pang balak kay Jai. “Subukan mong lumapit sa kanya, makakatikim ka sa ‘kin!”

May itinapon naman siyang patalim sa sahig. Kaunting usog pa nito papunta sa akin ay maaabot ko na ito gamit ang mga paa ko.

“Pagbibigyan kitang pigilan ako, ‘yan ay kung maaabot mo ‘yan.”

Tinalikuran niya ako at umalis sa silid. Agad ko namang inabot ang patalim na tinapon niya sa sahig. Halos maubusan na ako ng lakas kaka-abot ng patalim. Hindi ko talaga magawang abutin sa layo.
Nakaramdam naman ako ng pagod kaya sumuko muna ako. Nauubusan rin ako ng hininga dahil sa higpit ng tali sa tyan at dibdib ko sa poste.

Maya-maya’y pumasok ulit ang nakamanto at sinipa ang patalim papunta sa akin. Nagtataka ako sa kilos niya, ngunit inabot ko na lang ang patalim na mas lumapit pa sa akin at pinaangat ito sa poste gamit ang paa hanggang sa naabot ‘to ng kamay ko.

Pinagmasdan lamang ako ng naka-manto at nakahalukipkip lang sa gilid.

Nang makawala ako, hindi man lang siya kumibo. Lumapit ako sa kanya at tinutok ang patalim. “Hindi ka ba aawat kung papaslangin kita ngayon—”

“Ilang taon na kayo ng kasintahan mo?”

“Mag-aapat na—Anong klaseng tanong iyan? May pagtingin ka ba talaga sa kanya, ha?!”

Hinarap naman niya ako at ibinaba ang talukbong. Ipinakita niya ang kanyang mukha na may nakapulupot na mantel sa mga mata niya. Saka ko lang siya nakilala nang sumagi ang isip ko ang nangyari sa Kanlurang Tareen. Wala sa oras ko siyang kinuwelyahan.

“Ikaw! Ikaw ang humalik sa kanya noon! Walang hiya ka! Ano masarap ba?!”

Tinulak niya ako palayo. “Sasayangin mo lang ba ang oras para pairalin ang galit mo sa akin o ang maagaw ang Pulseras mula kay Pinuno?”

“Hinuhulog mo ba ako sa iyong patibong?”

“Tinutulungan kita dahil mahal ko si Jai. Hindi man niya magawang suklian ang pagtingin ko sa kanya dahil sa’yo, gagawin ko ang lahat upang mailayo siya sa kapamahakan.”

Nainis ako sa sinabi niya ngunit may punto rin naman siya. Wala na akong sapat na oras upang makipagtalo pa dahil sa bawat minuto na sinasayang ko, palapit ng palapit sa kapamhakan ang buhay ni Jai.

“Wala ka dapat na ikabahala. Itinakwil na ako ng sarili kong angkan. Baka gusto mo pang ikwento ko pa sa’yo ang lahat na namagitan sa amin ni Jai.”

Nilahad ko sa kanya ang kamay ko. “Xandrus.”

Tinanggap naman niya iyon. “Lino.”

Hindi pa buo ang tiwala ko sa isang ‘to pero ayaw ko namang maiwan dito habang buhay. Nag-abot pa siya ng itim na manto sa akin. “Kakailanganin mo ‘yan.”

Lumabas kami sa silid at bumungad sa akin ang malamig na hangin. Madilim na ang kalangitan at napapaligiran kami ng mga kakahuyan. “Maya—maya’y babalik rin ang may-ari ng bahay na iyan. Kailangan na nating umalis bago pa tayo maabutan.”

Lumapit kami sa nakataling mga kabayo. Pinutol niya ang mga tali nito sa puno at ibinigay sa akin ang tali ng itim na kabayo. “Marunong ka namang mangabayo, sa palagay ko.”

“Hindi ka nagkakamali riyan,” sabi ko at sumakay sa kabayo.

Sumakay rin siya sa kanyang kabayo at naunang siya magtakbo. Agad namang akong sumunod sa kanya at tinahak namin ang madilim na kagubatan.

“Saan tayo magtutungo?” naitanong ko sa kanya.

“Malalaman mo rin,” tanging sagot niya at pinabilisan pa ang takbo ng sakay niyang kabayo na siyang hinabol ko naman.

Nakarating kami sa isang pinakamalapit na bayan. Mukhang nasa Indusia ulit kami nang sinalubong kami ng buhangin habang papalapit kami sa entrada ng bayan. Nagbagal na kami ng takbo ng kabayo at nagbigay-daan naman ang mga taong nakasalubong namin sa daan hanggang sa huminto siya sa tapat ng isang bukas na tindahan

Nagsipagtakbuhan naman ang mga tao sa tindahan nang kami ay bumaba. “Wag ka magsalita. Umasta kang Siquestro,” mahina niyang sabi saka kami pumasok sa tindahan.

Napag-alaman kong hindi lang tindahan ang pinasok namin kundi bahay ng magbabakal. Napapaligiran kami ng mga baluti at sandata. Parang namang naestatwa ang nagbabantay rito sa aming pagdating. “Bigyan mo kami ng matibay na baluti at sandata.”

“Masusunod,” sabi ng magbabakal at sumunod kami sa kanya.

“Ito’y bagong gawa ko lamang. Maaari niyo pong kunin, ‘wag nyo lang po akong dukutin,” sabi niya nang kanyang tinuro ang isang magandang baluti ngunit mababakas sa kanyang tinig ang takot na nadadarama niya dahil sa amin.

Ganito ba talaga ka salbahes ang angkan niya?

Kinuha naman niya ang dalawang baluti at isinuot namin. Kumuha rin siya ng espada na ikinamangha ko dahil sa detalye ng sandata. “Umalis na tayo,” sabi niya ngunit pinigilan ko siya.

“Hindi ka ba man lang magbabayad sa kanya? Sobra-sobra ang kinuha natin sa kanya.”

“Bakit, may dala ka bang pera?”

Binitawan ko siya at nilapitan ang magbabakal. Inabot ko sa kanya ang isang bulsita ng pera. Natakot pa siya ngunit tinanggap naman niya. “S-Salamat po.”

Pagkatapos no’n ay umalis na kami sa bayan. “Saan naman tayo magtutungo ngayon?”

“Ililigtas natin si Jai,” tugon niya at binilisan ang pagtakbo ng kabayo.

Ave Fénix II: Muling Pagsiklab [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon