Kabanata 42

118 10 0
                                    





Jai's POV









"Ang galing. Hinuli ko na nga yung magnanakaw, kasali pa ako sa nakulong dito. Ang galing talaga," reklamo ko na pilit pinaparinig sa mga guwardiya sibil sa labas ng kulungan.

Oo, nasa kulungan ako kasama 'tong magnanakaw na kamukha ko.

Natutulog lamang siya sa gilid na parang balewala lamang sa kanya na makulong. Ang baho pa ng kulungan namin, paano kaya niya natitiis ang ganitong amoy habang natutulog?

"Tumahimik ka nga 'jan, ang ingay mo," bigla kong narinig mula sa kanya na napabangon pa sa gilid.

"Ikaw ang manahimik, magnanakaw! Nang dahil sa'yo, nadamay pa ako!"

"Kung hinayaan mo lang sana akong tumakas kanina, edi hindi tayo aabot sa kulungan!"

"Gusto mo gamitan ulit kita ng kapangyarihan ko?! Naiinis na ako sa'yo!"

"Hinahamon mo ba ako?!"

"TUMAHIMIK KAYONG DALAWA!" sigaw ng isang guwardiya sibil sa labas pero inirapan ko lang siya.

"Hindi ako tatahimik dito hangga't hindi niyo ako pinapalabas dito!" sabi ko.

"Tsk, manigas ka na lang 'jan," sabi pa ng kasama ko.

Kumukulo na ang dugo ko sa Eirob na 'to. Madungis na nga, masama pa ang ugali. 

"Alam mo, hindi naman kita susundan kung hindi kita kamukha, pero sa ugali mo, mukhang hindi ko na iisipin pang kadugo kita," sabi ko sa kanya.

"Sino naman nagsabing kamukha kita—"

Naudlot ang sinabi niya nang tinitigan niya ang mukha ko. Tsk, sa kay tagal naming naglaban kanina, hindi niya napansin ang mukha naming dalawa?

"Kita ko pa kanina na may nagliwanag sa dibdib mo," sabi ko sabay labas ng kwintas ko at ipinakita sa kanya.

Nilabas naman niya ang kanyang kwintas at doon nakita ko ang pagkakapareho ng suot naming kwintas. Isang asul na diyamante ang kanyang kwintas kaya nilapitan ko pa siya upang usisain ito.

Imbes ipakita niya ay ibalik niya ang kwintas sa loob niya at tinignan ako ng masama. "Baka nakawin mo."

"Hala, ako pa? Ako pa talaga yung tinawag mong magnanakaw?"

Ipinakita niya naman ulit ang kwintas niya saka ko nakita ang isang kwintas na nakaukit na mga salita.

"Jeirobkhi Oclamidos."

Hindi maaari. Oclamidos rin siya. Ibig sabihin nito...

"K-Kakambal kita?"

Puno na ng pagtataka ang isipan ko sa oras na iyon. Pilit kong inaalala ang bawat sandali ng aking nakaraan, ngunit wala akong naalalang sinabihan ako ni Ina o Ama tungkol sa kapatid ko.

Akala ko ba nag-iisa lang akong anak, ba't kaharap ko ngayon ang kakambal ko?

Tinignan niya ang kwintas at binigkas ang pangalang nakaukit dito. "Jairovski Oclamidos."

Ni wala akong masabi ngunit tanging iniisip ko lamang ay natagpuan ko ang kakambal ko.

Tumunog ang pinto ng kulungan namin at biglang bumukas. Niluwa nito ang isang guwardiya sibil. "Pinapapunta kayo ng hari at reyna."

Nagkatinginan lamang kami bago lumapit sa guwardiya sibil at sumunod sa kanya palabas ng kulungan. Isang pasilyo ang tinahak namin bago kami nakarating sa isang lugar kung matatagpuan ang trono ng hari at reyna.

"Andito na sila kamahalan," sabi ng guwardiya sibil saka kami pinaharap sa hari at reyna na nakaupo sa kani-kanilang mga trono.

"Hindi ko aakalaing magkambal pala ang mga magnanakaw," sabi ng reyna.

"Mawalang galang po ngunit hinabol ko lang po siya upang ibalik ang kanyang ninakaw kanina—"

Naudlot lamang ang depensa ko nang biglang nagsalita ang hari.

"Tahimik! Nakita kayo ng mga guwardiya sibil na nag-aagawan sa ninakaw niyong alahas sa palengke!"

"Ngunit hindi ko po inaagaw ang ninakaw niya! Isa pa, isa lamang akong dayo mula sa Isla Daeko at kakarating ko lamang kaninang umaga sa daungan!" dagdag ko.

"Sinungaling! Kaya pala nahihirapang ang mga guwardiya na pigilan ang nakawan sa bayan dahil dalawa pala kayong nagnanakaw!"

Ayaw talaga nilang maniwala sa akin. Nadamay pa talaga ako sa kalokohan ng isang 'to. Pa'no na ako makakabalik sa Academia nito ngayon kung ikukulong pa nila ako?

"Paumahin, kamahalan, ngunit totoo po ang sinasabi ko. Isa po akong bihag ng mga pirata na nakatakas at ngayong napadpad sa inyong kaharian upang makapag-antay ng masasakyan pabalik sa amin," paliwanag ko.

"Nagkataon lamang na natagpuan ko ang aking kakambal dito sa lugar ninyo at wala po akong kaalam-alam na sangkot pala siya sa maling gawain. Sana'y maniwala kayo dahil nagsasabi ako ng totoo."

Nagpalipat-lipat ang tingin ng hari at reyna sa aming dalawa. Wala namang imik ang katabi ko ngunit siya naman ang kinausap ng hari.

"Nagsasabi ba siya ng totoo?" tanong ng hari kay Eirob.

"Hindi."

Tinignan lamang ako ng masama ng hari. Siniko ko naman ang katabi ko dahil sa sinabi niya na ikinagalit na ngayon ng hari. "Ano ginagawa mo? Ba't mo ba ako nilaglag?!"

"Ayaw kong makulong ng mag-isa."

"Mga guwardiya, iligpit silang dalawa sa harap ng mga tao," utos ng hari na nagpakaba sa akin.

"Huwag! Maawa kayo sa akin!" pakiusap ko ngunit tinalikuran na nila kami saka kinaladkad ng nga guwardiya.

Kailangan kong mag-isip upang hindi kami mamatay no! Gusto ko pang bumalik ng Academia ng buhay!

"A-Ah, pakiusap! Nag-aaral pa po ako sa Academia de Pecularia! Isa ho akong estudyante do'n na dinakip ng mga pirata no'ng umuwi ako sa Kaharian ng Silangang Serentos! Pakiusap!"

Malapit na kaming makalabas ng Palasyo ngunit ayaw pa rin kaming pakinggan ng hari at reyna.

"PAKIUSAP! SIGURO 'DI NIYO ALAM 'TO PERO ISA AKO SA NAGPATIGIL SA GIYERA SA SILANGANG SERENTOS MAHIGIT APAT NA TAON NANG NAKAKALIPAS!"

Nawalan na ako ng pag-asa nang palabas na kami ng Palasyo ngunit natigil ang mga guwardiya nang nagsalita bigla ang hari. Hindi ko masyadong narinig pero dinala ulit kami patungo sa altar ng trono.

"Nasabi mo na ikaw ay isa sa mga nagpatigil ng giyera sa kaharian ng Silangang Serentos. Maaari mo bang ipakilala ang iyong sarili?"

Humakbang ako palapit sa kanila saka yumuko upang magbigay-respeto. "Ang pangalan ko ho ay Jairovski Oclamidos, isang estudyante mula sa Academia de Pecularia," sabi ko at may idadagdag pa sana ako kaso nagdadalawang isip akong sabihin ngunit nagpasya rin akong sabihin iyon.

"Ako ang tagapagmana ng trono ng Kaharian ng Silangang Serentos, kamahalan."

Ave Fénix II: Muling Pagsiklab [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon