Jai's POV
Mag-isa lang ako sa madilim na pasilyo at nakatayo sa harap ng napakalaking pintura ng aking Ina.
Akala ko, mamumuhay na akong hindi na kinukwestyon ang sarili kong pagkatao, pero pakiramdam ko'y mayroon pa rin akong kulang.
Mayroon pa akong hindi nalalaman tungkol sa nakaraan ko.
Akala ko tapos na, yun pala hindi.
Habang tinititigan ko ang magandang mukha ni Ina ay bumubuo sa aking isipan ang mga katanungan na sana'y masagot ng aking mga magulang.
Ito ba talaga ang tadhana ko?
Sa oras na iyon, balak ko sanang bumalik sa silid ko nang hindi ko maigalaw ang buo kong katawan. Nanginginig ang aking mga tuhod sa paggapang ng isang itim na usok sa aking katawan.
Mas lalong lumamig ang pakiramdam ko kasabay ng takot nang nasaksihan ko ang mga nanlilisik na mga pulang mata na nagmumula sa itim na usok.
Tila bumuo ng mga braso ang usok at bigla na lamang akong sinakal.
Hindi makagalaw.
Hindi makahinga.
Habang unti-unting lumilinaw ang mukha na bumubuo sa itim na usok ay siya namang paglamon nang tuluyan ng kadiliman sa aking paningin.
Dinadalaw ulit ako ng bangungot. Masyado nang napapadalas ito, 'di kaya may banta na naman ng panganib ang nag-aantay sa akin?
Isang ingay ay narinig ko sa labas ng Palasyo na siyang nagpagising sa akin. Dumungaw ako sa bintana ay doon nakita ko ang nagkumpulang mga kawal na nakahanay.
Dali-dali akong nagbihis at nag-ayos bago nagpasyang lumabas sa silid at alamin ang nangyayari sa labas. May nakasalubong akong nga kawal at agad akong binati.
Paglabas ko ay nagtungo ako sa parang kung saan nagmumula ang ingay na narinig ko kanina. Doon ay nadatnan ko sina Haring Leo at Pinuning Gabreil na nagsasalita sa harap ng mga kawal.
Nasa gilid lamang ako at nagmamasid, at umaasang hindi ako mapansin ng pinsan ko.
"...Kayo ay magtutungo sa Isla Vanhua, isang islang kaharian sa karagatan ng Agresa. Doon nyo hanapin ang grupong kumuha sa mga alahas ng yumaong Reyna Jainia," maawtoridad na utos ng Hari sa kanila.
Sana ganyan rin ako katapang sa harap ng mga kawal sa oras na uupo ako bilang bagong Hari ng kaharian. Hindi ko pa nakikita yung sarili ko kay Haring Leo.
"....Maglalakbay kayo patungo sa islang kaharian, sa pangunguna ni Haring Leo bukas ng gabi."
Sa sinabi ni Pinunong Gabreil, bigla akong nangamba. Hindi pwedeng pangungunahan ni Haring Leo ang kawal sa kanilang paglalakbay. Maiiwan niya ang Kaharian ng Silangang Serentos.
Pagkatapos ng kanilang pagtitipon ay agad kong sinalubong ang aking pinsan sa pasilyo. Nagkatagpo ang aming mga paningin, at sa tingin pa lang niya ay alam na niyang narinig ko ang lahat sa labas.
"Magandang umaga," bati ko sa kanya.
Wala lamang siyang imik at bahagya lamang yumuko saka ako nilagpasan. Iniiwasan niya ako ngunit hinabol ko siya.
"Haring Leo, hindi na pwedeng magbago ang desisyon mo? Maiiwan mo ang kaharian. At tsaka, masyadong mapanganib ang mga Siquestro," sabi ko habang patuloy kaming naglalakad sa pasilyo.
"Gusto kong ako mismo ang tutugis sa kanila at babawi sa kanilang ninakaw. Hindi sila mahuli-huli kung ipapadala ko lamang ang kawal doon ng hindi sila pinapangunahan," sabi niya at sa oras na iyon, ramdam ko na seryoso siya dahil sa tono ng kanyang pananalita.
"Ako na lang ang mangunguna sa kawal, 'wag mo lang iwan ang Kaharian."
"Ipapadala ka na bukas sa Academia, kaya ipaubaya mo na sa akin ang problemang ito bilang Hari ng Kahariang ito," aniya saka siya nagmadaling maglakad at inunahan ako.
Parang akong nabuhusan ng malamig na tubig sa kaniyang sinabi. Tama nga naman siya, siya ang Hari ng Kahariang ito kaya ipapaubaya ko sa kanya ang problemang ito.
Ngunit, nangangamba ako sa kung anumang mangyari sa kanila sa oras na makasagupa nila ang grupo ng mga Siquestro. Ayokong mapahamak ang kasalukuyang Hari ng kahariang ito.
Hinabol ko siya sa ikalawang pagkakataon at inagaw ang isang espada mula sa isang kawal na saktong nakasalubong ko, saka ko itinutok sa Hari nang nakaharap ko siya muli.
"Pakiusap."
Tila nagulat siya sa ginawa ko nang mapagtanto na isang hakbang na lang ay tatama ang dulo ng espada sa tyan niya.
"Insan, sana'y mapagtanto mo na ayaw na kitang mapahamak pa kasunod ng iyong pagkawala. Sana'y maalala mo ang tungkol sa kasunduang binitawan natin bago ako pa ako inatasang mamahala sa kahariang ito—"
"Ngunit ikaw ang kasalukuyang Hari ng Kaharian. Tungkulin mong protektahan ang mamamayan ng Silangang Serentos at ilayo sila sa kapahamaka. Ano na lamang ang mangyayari dito kung may masamang mangyayari sa inyo pagdating niyo sa Isla?"
Binaba niya ang hawak kong espada at humakbang palapit sa akin. "Magtiwala ka sa akin, insan," sabi niya sabay hawak sa mga pisngi ko.
"Nag-aalala ako. Hindi basta-basta ang kakaharapin niyong grupo," sabi ko pa sa kanya.
"Wag kang mag-aalala. Pangako, babalik kami at mababawi ang mga alahas ng iyong Ina."
"Wag kang mangako sa akin. Mangako ka sa mamamayan ng Kahariang ito."
Niyakap niya ako at sinuklian ko naman. Parang ko na rin siyang nakakatandang kapatid simula noong nagkakilala kami, kaya ganoon na lamang ang nararamdaman kong pag-aalala para sa kanya.
Pagkatapos no'n, iniwan niya ako sa pasilyo upang ihanda niya ang kanyang sarili sa kanilang paglalakbay bukas. Masyado namang maaga upang magtungo sila pero wala na akong magagawa pa.
Buo na ang kanyang desisyon.
Balak pa niya akong ibalik sa Academia, gayong maiiwan niya ang Kaharian, ngunit pansamantala raw munang mamahala si Pinunong Gabreil at maiiwan sa kanya ang mga responsibilidad ni Haring Leo.
Kung maiiwan lang naman niya ang Kaharian, mas mabuti na ring manatili na lang muna ako dito hanggang sa pagbalik nila. Hindi muna ako babalik sa Academia hanggang makakabalik silang lahat ng ligtas.
Siguro magpapadala na lang ako ng sulat kay Master Yves tungkol rito para naman malinawan siya kung bakit matagal pa akong makakabalik sa Academia.
Sayang naman ang huling taon ko doon kung hindi ko tatapusin. Tsaka, ayaw kong magpaalam sa mga kaibigan ko sa ganitong paraan.
Tsaka naman pumasok sa isip ko ang tatlong bata na nakasama namin ni Philip dito no'ng dumating kami. Saktong nakita ko si Pinumong Gabreil sa pasilyo kaya agad ko siyang nilapitan.
"Magandang umaga, Pinunong Gabreil."
"Magandang umaga rin, Ginoo."
"Gusto ko lang malaman kung nakabalik na ba yung tatlong bata na nakasama namin dito sa kaarawan ni Ina?"
"Wag kang mag-alala. Matagal na silang sinundo ng mga taga-Academia no'ng hinahanap ka pa lang namin. Pati ang kasama mo, nakabalik kasama ang mga bata," aniya.
"Ah, gano'n po ba? Sige, salamat Pinunong Gabreil."
Umalis naman siya at iniwan ako sa pasilyo. Mabuti naman, nakauwi na rin sila. Kamusta na kaya sila?
Kamusta na rin kaya si Xandrus?
Sana'y maayos lang silang lahat ngayon.
BINABASA MO ANG
Ave Fénix II: Muling Pagsiklab [COMPLETED]
FantastikBook 2 of 3 Formerly titled as "Pecularia II: Ang Ikalawang Yugto" Pagkatapos ang pagkabagsak ng kaharian ng Silangang Serentos, ipinagpatuloy nina Xandrus at Jai ang kanilang mga buhay sa Academia de Pecularia hanggang sa pagsapit ng kanilang ikaap...