Jai's POV
Hawak ko ang Hikaw na nakuha namin sa Kanlurang Tareen. Nagtataka ako kung ano ang kaya nitong ibigay na kapangyarihan sa tagahawak. Sabi sa akin ni Philip, ang isang Alahas na nakuha ng Siquestro ay Pulseras ng Aire Quimera. Ang hangin ang elemento ng Pulseras. Sa ngayon, iniisip kong elementong lupa naman ang kapangyarihan nitong hikaw.
Sumisikat na ang araw. Natapos ko nang basahin ang mga naiwang kasulatan ni Haring Leo dito sa Silid-Aklatan. Maraming bagay ang aking natuklasan. Marami akong nadiskubre tungkol sa mga Banal na Alahas.
Ngunit, sa ngayon, pagtutuunan ko na ng pansin ang mga susunod naming hakbang upang mapigilan ang mga Siquestro sa mga binabalak nila. Kahit papaano, nasa aming panig na si Chonsela at siya ang gagabay sa amin sa maaaring magaganap sa kinabukasan.
Wala kaming nagawa kundi lisanin ang Palasyo. Walang magpapaiwan sa Palasyo. Ito lang ang paraan upang hindi pa kami matunton ng mga kalaban at hindi na kami malagasan pa. Masyado nang marami ang nasawing buhay sa Palasyong ito at ayaw ko nang madagdagan pa. Ipagdadasal ko na lamang sa Diyos ng Titania ang Palasyo at ang buong Kaharian ng Silangang Serentos. Babalik ako, at pangako ko iyan.
Tutungo kami ngayon pahilaga, sa Kaharian ng Hilagang Serentos. Ipapaalam ko rin sa kanila ang nangyari kay Haring Leo.
Sa tulong naman nina S'Akessiya at S'Norekko, may mga iba pang Sadhaka ang nag-alok rin ng tulong. Nalaman rin nila ang kahihinatnan ng Academia kaya tutulong rin sila sa pagbawi nito mula sa kamay ni Guro Giz.
Nagluluksa pa rin si Philip sa pagkawala ng kanyang Ama, at alam kong may namumuo nang galit sa kanyang loob dahil dito. Paulit-ulit ko siyang pinapaalala na 'wag muna magpadala sa emosyon, bagkus alalahanin niya ang mga huling bilin ni Master Yves sa kanya.
Nagsimula kaming maglakbay at binalot pa rin sa katahimikan ang aming grupo. Walang nagtangkang magsalita pero ang alam kong nagdadasal at humihiling sila na sana'y matagumpay kami at makamit namin ang kapayapaan sa buong Titania.
Inabutan kami ng dalawang gabi bago kami tuluyang nakarating sa Kaharian ng Hilagang Serentos. Kay tagal na simula noong huling bisita ko rito, ngunit agad kong napansin ang sobrang higpit ng seguridad sa entrada pa lang. Nakahanay ang mga kawal sa entrada at inusisa ang aming grupo hanggang sa nakilala naman ako ng mga kawal.
Nakapasok kami at dumiretso sa Palasyo kung saan sinalubong ako ni Haring Leandro, ang pumalit kay Haring Harold. Nakilala niya ako at agad na kinamusta. Mukhang wala talaga silang kaalam-alam sa nangyari.
Hindi ko maiwasang ibuhos ang mga luha ko sa harap niya, ngunit sinubukan ko pa ring tatatagin ang loob ko. "Kamahalan, paumanhin ngunit may dala akong balita tungkol sa aming Kaharian."
"Nilusob ang Palasyo ng mga Siquestro at sa kasamaang palad, kasama sa nasawi ang Haring Leonardo," pilit kong sabi habang kinokontrol ko ang mga luha na patuloy pa ring dumadaloy sa mukha ko.
Napaluhod na lamang ako sa harap ni Haring Leandro. "Patawad, kung hindi ko po nagawang protektahan ang Hari."
Isang yakap mula kay Haring Leandro ang aking natanggap mula sa kanya. Masakit sa loob na iparating sa kanya ang pagkasawi ng kanyang kapatid at ang pinsan ko.
Nagtungo kami sa silid ng dating Haring Harold at Reyna Lessandra at nang ipinaaalam ko sa kanya ang nangyari kay Haring Leo, labis silang nalungkot. Nagsisisi akong bigkasin ang bawat salita tungkol sa pagkasawi niya, ngunit kailangan nilang malaman. Kailangan, kahit masakit.
Ipinangako naman ni Haring Leandro na tutulungan niya ako na mabigyang hustisya ang pagkasawi ni Haring Leo at ang nangyari sa Kaharian namin. Ipinangako ko ring ibibigay ang lahat na makakaya ko.
BINABASA MO ANG
Ave Fénix II: Muling Pagsiklab [COMPLETED]
FantasyBook 2 of 3 Formerly titled as "Pecularia II: Ang Ikalawang Yugto" Pagkatapos ang pagkabagsak ng kaharian ng Silangang Serentos, ipinagpatuloy nina Xandrus at Jai ang kanilang mga buhay sa Academia de Pecularia hanggang sa pagsapit ng kanilang ikaap...