Epilogo

195 14 1
                                    











Sa pagbukas ng mga malalaking pinto ay ang pagtatapos ng buhay na kinagisnan ko—na ‘di hamak na isang estudyante lamang sa Academia ngunit ngayo’y may kakaharapin ng bagong responsibilidad na akay-akay ko na hanggang sa huling paghinga ko. Sa bawat pagtapak ko ay ang unting-unting pamumuo ng tapang at tatag ng aking loob at ang bawat hiling ko sa kalangitan na kakayanin ko ang lahat na ito. Bumungad sa akin ang mga ngiti ng mga panauhin, mga kaibigan at ng mga kamag-anak ko mula sa kabilang Kaharian. Lahat ay naririto upang masaksihan ang bagong simula ng aking buhay.

Sa altar, ako’y binasbasan ni Haring Leandro, at sa kanyang hudyat, ako’y bahagyang yumuko upang isuot ang nag-aantay sa akin na pamana ng Kaharian. Nang mailagay na sa akin ang Korona, ako’y humarap sa lahat at napuno ng tuwa’t galak ang silid. Palakpakan at hiyawan ang natanggap ko mula sa mga bisita. Sa oras na iyon alam kong magbabago na ang lahat at haharapin ko na ang bawat pagsubok sa Kaharian ng mag-isa.

Kay tuwang pagmasdan ang mga bisitang nagkakasiyahan sa loob ng Palasyo. Parang kailan lang noong ibinagsak ng mga kalaban ang Kaharian sa kamay ng mga Siquestro, ngunit heto, bumalik ulit sa dati ang lahat.

“Mahal na Haring Jai,” bati ng mga kaibigan ko na ikinatawa ko.

“Pwede bang ‘wag nyo kong kutyain sa ganitong paraan?!”

“Nagbibigay-galang kami sa Hari ng Kahariang ito. Ano sa pakiramdam na dumating na araw na mamumuno ka na rito?” naitanong ni Raphael sa akin.

“Ewan ko. Parang natutuwa na kinakabahan. Hindi ko labis na maintindihan,” tugon ko.

Pansin ko naman na may kulang sa grupo namin. “Si Philip?”

“Naku, bumalik kaagad sa Academia. May aasikasuhin lang raw siya saglit. Alam mo na, Punong-Guro na rin siya doon.Baka babalik rin ‘yon,” sabi naman ni Ella.

Sana nga lahat bumabalik.

Sumali ako sa kasiyahan ng mga panauhin, nakikain, nakipag-inuman at nakipagkwentuhan hanggang sa natapos ang piging at nagsipag-uwian na ang lahat. Nagpaalam na rin sa mga tauhan ng Palasyo at nagpasalamat sa kanilang lahat bago ako umakyat sa aking kwarto.

Iba na ang ayos ang silid. Malayo na ito sa ayos noong andito pa si Haring Leo. Hinubad ko ang suot kong Korona at nilagay sa lalagyan nito. Pinagmasdan ko kung paano ito kaganda dahil sa palamuti at detalye ng mga nakaukit rito. Hindi ko inaasahan na darating ang araw na maisusuot ko na ‘to na sumisimbolo sa kapangyarihan ko sa Kahariang ito.

Ipapangako ko kina Ina, Ama, at kay Haring Leo na magiging mabuting Hari at hindi ako susunod sa yapak ni Reyna Valentina. Gagawin ko ang lahat upang mapabuti ang Kaharian, mailayo sa kapahamakan ang mamamayan, at magiging matiwasay ang pamumuhay namin dito.

Nawa’y gabayan ako ng Kalangitan at ng Poong Diyos ng sangkalupaan ng Titania.

Nakadungaw lamang ako sa bintana, pinagmamasdan ang buong Kaharian na tahimik nang natutulog, ngunit nananatili pa ring akong gising sa kabila ng pagod kong isip, at katawan.

Kinuha ko sa aking bulsa ang huling piraso ng baluti na naiwan niya bago siya nawala.

Alam kong babalik siya. Hangga’t naniniwala pa ang puso ko, hindi ako mapapagod kakahintay kahit ilang taon man ang lumipas. Kung saan siya man ngayon, sana malaman niya na nananabik na ako sa piling niya.

Sana'y marinig niya ang bawat ibubulong ko sa hangin.

Sana’y magbalik ka.

Mahal na mahal kita.

Ave Fénix II: Muling Pagsiklab [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon