Jai's POV
Kinabukasan ay tuluyan na akong nakabawi ng lakas. Wala nang masakit sa anong parte ng aking katawan. Nagkaroon rin ako ng maayos na tulog.
Sinalubong naman ako nina Lola Saia at Ekai sa aking paglabas mula sa silid. "Magandang umaga hijo," bati ni Lola Saia.
"Magandang umaga rin ho."
"Bumuti na ba ang iyong kalagayan?"
"Opo. Wala na po akong nararamdaman sa kirot sa aking katawan. Maraming salamat po talaga sa pag-alaga niyo sa akin."
Sa gitna ng aming pag-uusap ay bigla kaming nabulabog sa pagpasok ni Chen sa pintuan, na hinihingal at tumingin sa akin.
"Kailangan mong magtago," natataranta niyang wika saka ako nilapitan at hinila papasok sa silid.
Nagtataka ako sa kanyang ginagawa. "Bakit ako magtatago?"
Bigla niyang tinulak ang kama. Tinulungan ko siyang itulak iyon hanggang sa isang maliit na pinto ang nakita ko na nakatago pala sa ilalim ng kama.
"Nasa labas ang mga pirata. Paparating na sila. Mukhang hinahanap ka nila ngayon dito sa isla."
Binuksan niya ang maliit na pinto at agad niya akong pinapapasok doon. Sa aking pagbaba ay tanging mga dayami lamang ang nasa loob ng tagong silid, saka sinara ni Chen ang pinto.
Rinig ko pa ang hila niya ng kama sa dating posisyon bago ako nakarinig ng katok na nagmumula sa pinto ng bahay.
"Magandang umaga, anong maitutulong namin sa inyo?" rinig kong sabi ni Lola Saia.
"May hinahanap kaming isang binatang may kayumangging kasuotan, katamtaman ang tangkad at may kapangyarihan. Nakita namin ang kanyang bangka sa baybayin kaya itatanong sana namin kung nakita niyo siya."
Sa boses na narinig ko, hindi ako nagkakamaling pirata nga iyon. Mukhang napadpad sila dito sa isla.
"Pasensya na. Wala kaming nakikitang binata na nawawala at napadpad dito sa lugar. Kung mayroon man, agad naming ipagpapaalam sa inyo," tugon naman ni Lola Saia.
"Maraming salamat," sabi ng pirata bago ko narinig ang pagsara ng pinto.
Sa itaas ay itinulak ulit ang kama saka bumukas ang pinto. Inabot ni Chen ang kanyang kamay upang makaakyat ako pabalik sa silid.
"Batay sa paglalarawan nila, ikaw nga ang hinahanap nila," sabi ni Chen. "Mukhang mahihirapan kang makaalis dito upang makabalik sa inyo."
Tama si Chen. Ngayong andito ang mga pirata, paniguradong mahihirapan akong makaalis dito sa isla.
Akala ko makakatakas na ako sa kanila ngunit nagkakamali pala ako.
Pero, kung andito nga sila, baka kasama rin nila ang mga Siquestro. Baka kasama pa nila si Lino.
"Pa'no ba ako makakaalis dito? May alam ka bang pwede kong daanin sa oras na lilisan ako?" tanong ko na lamang kay Chen.
Napatitig naman siya sa akin ngunit nakaramdam na ako ng ilang nang wala man akong nakuhang sagot mula sa kanya. "Paumanhin, parang kasing nakita na kita dati pa."
Sa kanyang sinabi ay naalala ko ang pinag-usapan nila kahapon—yung binanggit ni Ekai na kahawig ko raw.
"Nakakasiguro naman akong ito pa lamang ang unang beses nating magkita," wika ko lamang.
BINABASA MO ANG
Ave Fénix II: Muling Pagsiklab [COMPLETED]
FantasiBook 2 of 3 Formerly titled as "Pecularia II: Ang Ikalawang Yugto" Pagkatapos ang pagkabagsak ng kaharian ng Silangang Serentos, ipinagpatuloy nina Xandrus at Jai ang kanilang mga buhay sa Academia de Pecularia hanggang sa pagsapit ng kanilang ikaap...