Xandrus' POV
"Ransé," isang pangalang binanggit ni Jai nang may pumasok na isang lalaking nakamanto sa silid.
Tinago ko sa aking likuran si Jai upang hindi siya makita ng nagngangalang Ransé ngunit pansin niya ang dako sa aking likuran.
"Tinatago mo ba siya?" isang tanong ang tinapon niya sa akin ngunit sinamaan ko siya ng tingin.
"Wag kang sumubok na lumapit," sambit naman ni Raphael.
"Ah, balita ko'y mga estudyante kayo mula sa Academia. Ikinatataka ko ang pagkapadpad nyo rito sa Palasyo."
Alam nyang galing kami sa Academia. "Isa siyang sadhaka na nakasalamuha namin sa piging," sabi ni Philip na nasa tabi ko lamang.
"Philip ang iyong pangalan, 'di ba? Mabuti't muli tayong nagkita. Nasaan ang iyong kasama?" tanong ng Ransé.
"Wala siya rito—"
"Sino naman yang tinatago niyo?"
"Wala ka nang pakealam. Umalis ka na at huwag ka nang bumalik dit—"
Sa iglap ay bigla niyang tinutok ang kanyang palad sa amin at agad na may lumabas na malakuryenteng enerhiya na tatama sana sa amin, ngunit nakagawa naman si Raphael ng harang na siyang pumigil sa enerhiyang bubulusok sana.
"Tunay na mga sakkaib nga. Mukhang mapapasabak ako sa pagsubok, makuha ko lamang ang pinakamamahal niyong kaibigan."
Binuka niya ang dalawang palad at nakita naming may bumubuong kidlat sa magkabila niyang kamay. Kumikislap rin ang mga mata niya dahil sa ginagawa niya.
"Kailangan nating umalis," suhestiyon ko kahit gusto kong sapakin 'tong Ransé na nagbabanta sa mga buhay namin ngunit pasalamat siya wala na akong kapangyarihan.
"Bela—"
Nakahanda na sana kaming nang isang malakas na pwersa ang naramdaman kong tumama sa aming lahat. Akala ko protektado kami sa ginawang harang ng kambal ngunit sa lakas ng pwersa ay tumilapon kaming lahat sa pader at narinig ko lamang ang pagdaing nila.
"Ayaw nyong madaan sa usapan. Ibigay nyo sa akin si Jai Oclamidos o tatapusin ko mga buhay nyo!"
Agad akong bumangon mula sa sahig at pilit na tinago si Jai sa likuran ko, ngunit bigla na lamang siya tumayo at umalis, huli na para mapigilan ko siya.
"Wag mong idamay ang mga kaibigan ko!" galit niyang usal at agad na naglabas ng mga apoy na bola upang itapon kay Ransé.
"Kilos!" sigaw ko sa kanila at nagsipagbangon sila saka sunod-sunod na inaatake si Ransé pero nang itinaas niya ang kanyang kamay ay isang puwersa ang tumama sa kisame at tuluyang nawasak ito at ang mga pader. Sa ikalawang pagkakataon, tumilapon kami at babagsak mula dito sa itaas patungo sa lupa sa labas ng Palasyo.
Isang makulimlim na kalangitan ang bumungad sa akin, nababadyang umulan, buti na lamang ay nahawakan ako ni Leia bago kami tuluyang umabot sa lupa. Nagulat na lamang ang mga kawal sa aming presensya at napatingala, ngunit may isang kidlat ang tumama sa mga kawal na nagpatumba sa kanila.
"Jai!" sigaw ko nang hinanap ko siya ngunit kita ko siyang nagpapalitan ng pag-atake kay Ransé.
"Hoy," tawag sa akin ng isang lalaki na nakatayo lamang malapit sa akin. Katulad ni Ransé, nakamanto siya ng itim at saka ko lang napagtanto ang hawak niyang palaso na itinutok niya sa akin.
Pagbitaw niya ay isang pana ang bubulusok patungo sa akin ngunit sa iglap ay nasa ibang lugar na ko. "Nagpapakamatay ka ba?" singhal ni Bela nang dinala niya ako malayo sa nakaharap kong nakamanto.
Nasa gilid kami ng Palasyo at sinilip namin ang kaganapan. Nagkagulo na ang paligid dahil sa mga sumalakay na mga nakamanto. Hahakbang na sana ako nang ako'y pinigilan. "Oh sa'n naman punta mo? Masyadong mapanganib kapag sumali ka pa do'n."
"Nasa peligro sila, kaya gusto kong tumulong—"
"Ricky, wala kang kapangyarihan tulad nila. Mas lalo ka lang mapapahamak."
Dumating na ang araw na ikinatatakutan ko sa lahat, ang walang magawa kundi pagmasdan silang dinidepensahan ang sarili gayong wala na akong kapangyarihan. Naulit muli ang nangyari noon.
Nang makita kong bumagsak sa lupa si Jai, hindi na akong nagdalawang-isip pang lumapit sa kanya kahit pa sinubukan ulit akong pigilan ni Bela. "Jai!"
Kinuha ko ang espada mula sa isang bumagsak na kawal at agad na sumugod upang maprotektahan si Jai. Bago pa man tuluyang makalapit si Ransé ay agad akong pumunta at kinaharap siya. "Hangal!"
Ngumisi naman siya na ikinaasar ko. "Yan lang ba ang gagamitin mo laban sa akin? Ikaw siguro ang hangal," sabi niya at muling naglabas ng malakuryenteng enerhiya sa kanyang mga palad.
"Xandrus, umalis ka na dito. Hindi mo siya kayang harapin," paalala ni Jai sa aking likuran.
"Hindi kita iiwan kailanman. Lalapitan ko siya upang paslangin habang tirahin mo siya ng mga apoy," sabi ko kay Jai saka siya bumangon ulit.
Nang nagsimulang maglabas ng enerhiya ang mga palad ni Ransé ay sinubukan kong isangga ang mga malakidlat na bubulusok sa amin gamit ang aking espada. Inaatake naman siya ni Jai ng mga bolang apoy habang naghahanap ako ng tamang pagkakataon upang mas makalapit pa sa kanya.
Kahit wala akong taglay na kapangyarihan ngayon, patutunayan ko sa kanya ang aking angking lakas at liksi mula sa ilang taon na pagsasanay namin sa Academia. Hindi ko sasayangin ang lahat na natutunan ko para maprotektahan ko lamang si Jai mula sa kanila.
"Jai!" tawag ko sa kanya bilang hudyat at siya'y biglang naglabas ng isang napakalaking nagliliyab na bola patungo kay Ransé na alam kong mahihirapan niyang iwasan.
Tumakbo siya palayo ngunit hindi niya namalayan ang aking presensya at agad kong tinutok sa kanya ang hawak kong espada. Sa aking pagwasiwas ay nasugatan ko ang kanyang braso nang sinubukan niyang umiwas sa talim nito at siya'y napahiyaw sa sakit.
"Argh! Isa kang hangal!" asik niya at isang mabilis na kuryente ang bumulusok patungo sa akin na hindi ko na kayang iwasan pa.
Naging hugis espada rin ang malakidlat na bagay na gawa ni Ransé na didiretso sa dibdib ko. Rinig ko pa ang pagsigaw si Jai sa aking pangalan at isang iglap, isang pwersa ang tumulak sa akin at bumagsak ang aking katawan muli sa lupa.
Nakaramdam ako ng bigat sa dibdib hanggang sa aking pagdilat, mukha ni Bela ang bumungad sa akin at nakangiti pa, ngunit sa kabila ng kanyang ngiti ay may parang pulang likido ang nagsimulang rumagasa sa gilid namin mula sa kanya. "R-Ricky..."
Iyon na lamang ang huling narinig ko mula sa kanya bago siya pumikit at tuluyang ibinagsak ang mukha sa aking dibdib. Rinig ko pa ang hiyawan ng mga kaibigan ko at mga pagkakislap mula sa kalangitan. Parang nawala ang aking diwa sa mga oras na iyon, hanggang sa nakaramdam ako ng mga braso na humatak upang bumangon ako.
Nang bumalik ang aking ulirat ay saka ko napagtanto ang nangyari. Nasa kandungan ni Jai si Bela, umiiyak, habang walang malay na si Bela. Tahimik na ang paligid, wala nang kaguluhan, ngunit kasabay ng paghagulgol ni Jai ay ang pagbagsak ng tubig-ulan mula sa kalangitan.
BINABASA MO ANG
Ave Fénix II: Muling Pagsiklab [COMPLETED]
FantasyBook 2 of 3 Formerly titled as "Pecularia II: Ang Ikalawang Yugto" Pagkatapos ang pagkabagsak ng kaharian ng Silangang Serentos, ipinagpatuloy nina Xandrus at Jai ang kanilang mga buhay sa Academia de Pecularia hanggang sa pagsapit ng kanilang ikaap...