Jai’s POV
Nakarating na kami sa himnasyo kung saan nag-aantay na sa amin ang mga mag-aaral para sa pagsasanay. Kung noon ay kasama ko lang ang mga kaklase ko, ngayon ay kasama ko na pati mga kabilang pangkat dahil hinati kaming lahat na nasa ikaapat na taon sa dalawang grupo kung saan kada grupo ay may itinakdang oras sa pagsasanay sa kani-kanilang talatakdaan. Ibig sabihin, kami ang huling grupo sa araw na ‘to na magsasanay sa himnasyo.
Nakalimutan ko namang kasali pala ang pangkat ni Xandrus dito. Kaya, agad akong luminga at hinanap siya. Baka kasi hanggang dito gagambalain pa niya ako.
May tumapik naman sa balikat ko at nakita ko si Ella. “Wala siya rito,” sabi niya at alam ko na kung sino ang tinutukoy niya.
Nasaan kaya siya ngayon?
Pagkatapos kong magbihis sa silid-kaban ay agad nang sinimulan ang pagsasanay na pinangunahan ni Guro Giz Laroma. Nagsipag-ayos naman ang lahat sa kanyang pagdating. Eh pa’no ba kasi, parang laging galit kaya sinusubukan namin na sumunod sa kanyang itinuturo dahil kung hindi lagot kaming lahat. Hindi pa naman pwede gamitin ang mga kapangyarihan namin sa pagsasanay na ‘to.
Walang kahit anumang ingay na naririnig ngayon sa loob ng himnasyo kaya kahit mahina ang boses ni Guro ay rinig na rinig namin hanggang sa likuran. “Simulan na natin ang pagsasanay,” sabi niya at nagsipagpuntahan ang mga estudyante sa magkabilang parte ng himnasyo.
“Unang pangkat,” tawag ni Guro sa pangkat na unang sasabak sa pagsasanay. Bawat isa sa kanila ay may kapares na magiging katapat nila sa pagsasanay. Apat na pangkat ang kabilang sa aming grupo, at nasa ikatlong pangkat pa kami ni Leia.
Sa unang pangkat, kasali na dito na ang kambal na salamangkero. Sa paghudyat ni Guro Giz ay nagsipagtapatan na ang mga sumabak. Gamit ang mga hawak nilang patpat ay sinusubukan ng lahat na depensahin ang sarili at patumbahin ang katapat. Hindi tulad ng mga nagdaang taon namin, mas mahigpit ang pagsasanay namin ngayon lalo na’t patapos na ang aming taon dito sa Academia.
Naglakad naman papunta sa gitna si Guro nila at pilit iniiwasan ng mga nagsasanay dahil kapag nakataon na matatamaan siya o mabunggo ng kahit ninuman ay may kaukulang parusa sa buong pangkat. Ganyan katindi ang Guro namin.
Nakikita ko naman kung gaano ka galing ang kambal sa pagsasanay. Ibang-iba sa nakasanay kong nakikitang mukha ni Raphael ang itsura niya ngayon. Kung katawa-tawa ang pagmumukha niya, ngayon ay sobrang seryoso na parang bang walang emosyon ang nakikita ko sa kanya. Gano’n rin kay Ella.
Nang nakalagpas na si Guro sa abalang pangkat ay saka naman huminto ang kanilang pagsabak. Gano’n nagtatapos ang pagsasanay ng isang pangkat. Minsan nga, halos hindi siya gumagalaw sa gitna na parang bang ayaw niyang patapusin ang mga nagsasanay.
“Sunod,” matipid niyang sabi at nagsipag-alisan naman ang naunang sumabak saka pumalit sa kanila ang ang ikalawang pangkat.
Sa pagsimula ng hudyat ay nagsipagtapatan na rin sila. Katulad pa rin ang nangyari, hanggang sa nagulat ako nang makita kong may isang estudyante na bumunggo kay Guro. Lagot na.
Nagsipagtigil ang lahat na nasa pangkat habang nag-aabang kami mga manonood sa susunod na mangyayari. Nakita ko rin kung gaano ka takot ang bumunggo kay grupo at siguradong pagbutungan siya ng galit ng mga kaklase niya.
“Ikalawang grupo, sampung ikot sa parang,” sabi ni Guro Giz sa kanila at nagsimulang umingay ang pangkat dahil sa parusa.
“Rereklamo o dagdagan ko pa?” sabi pa ni Guro na siyang ikinatahimik nila at nagsimulang umalis sa himnasyo.
Sunod na pumalit sa kanilang pangkat ay kaming kabilang sa ikatlo. Kinabahan ako bigla, dahil baka mangyari sa amin ang nangyari sa ikalawang pangkat. Pagpunta namin sa gitna ay hinarap ko ang magiging katapat ko ngayon, si Primo, kaklase ko na galing sa Pangkat-Timog. Magaling ‘to sa pagsasanay kaya inihanda ko ang sarili ko sabay higpit ng hawak ng patpat ko.
“Simulan na,” hudyat ni Guro at nagsimula nang umingay ang mga patpat naming lahat.
Todo hampas si Primo sa akin ng kanyang patpat habang sinubukan kong depensahin ang sarili ko at nag-aantay ng tamang pagkakakataon na makaganti sa kanya. Muntikan naman niyang matamaan ang ulo at buti nakaiwas ako agad saka kinuha ang pagkakataon na tamaan ang kanyang tagiliran. Natamaan ko naman siya na siyang ikinatigil niya saglit, saka sumugod ulit sa akin.
Habang papalapit siya sa akin ay biglang nagtama ang aming tingin ni Guro. Parang akong natigil saglit dahil sa kung anong nakikita ko sa mga mata niya na hindi ko lubusang maintindihan. Bumalik naman ang ulirat ko nang napagtanto kong tatamaan ulit ako ni Primo kaya isinangga ko ang patpat ko ngunit huli na ng mawalan ako ng balanse at natumba ako sa sahig.
Mukhang ayaw pa talaga akong tigilan ni Primo ngunit buti na lang ay tapos na ang pangkat namin sa pagsasanay. Nakita ko namang nilapitan ako ni Raphael at agad na inawat si Primo. “Mukhang may galit ka ata sa kaibigan namin ah,” sabi pa niya kaya hinila ko na siya palayo kay Primo bago pa uminit ang ulo nito.
“Tumigil ka nga, Raphael. Nadala lang siguro ‘yon sa pagsasanay. Hayaan mo na—“ awat ko pa sa kanila.“Tsk. Kita nga namin yung pagkabagsak mo sa sahig. Natural, mag-aalala kami sa’yo.”
Nilingon ko naman si Guro Giz na abala sa panonood ng huling pangkat. Parang may kakaiba akong nararamdaman sa kanya na hindiko talaga maiintindihan. Napakamisteryoso naman ni Guro.
Pagkatapos ng aming pagsasanay ay umalis na kami sa himnasyo para umuwi na sa aming mga silid. Nakaramdam naman ako ng pagod dahil sa pagsabak kanina, dagdag pa ang pagkabagsak ko sa sahig. Ewan ko ba kung bakit ayaw masanay ng sarili kong katawan sa ganitong klase na gawain samantalang ‘tong mga kasama ko, parang hindi man lang pinawis.
Pagdating namin sa dormitoryo ay nagmadali akong naglakad sa pasilyo hanggang sa biglang may lumabas sa katapat na silid ng silid ko. “Jai—“
Agad na namang siyang hinarang ni Raphael kaya kinuha ko ang pagkakataon para iwasan siya at tuluyang pumasok sa pintuan. Pagkasara ko ay bumungad na naman sa akin ang isang liham na lumulutang sa ere. Pagbukas ko ay sulat ni Master Yves ang nabasa ko. Pinapatawag niya ako sa opisina niya.
“Jai.”
Nagulat na lang ako nang makita ko ang sarili ko na nasa opisina na ni Master Yves. Kakapasok ko pa lang nga sa silid ko.
“Magandang hapon po, Master,” bati ko kay Master na nakatalikod sa akin at nakatingin lang sa bintana.
“Magandang hapon rin,” bati niya rini pero nagulat ako nang ibang boses ang narinig ko at napatawa siya sa kanyang pagharap sa akin.
“Psh, ang dali mo lang talaga mauto no?” pang-iinis niya at napamewang na lang ako sa kalokohan niya.
“Bakit niyo po kasi ako pinapapunta, MASTER?” sarkastiko kong tawag sa kanya.
Bigla na lang may itinapon siyang bagay papunta sa akin na agad kong sinalo. Isang susi ng isang silid. Nakaukit rito ang dalawang numero na siyang bilang ng isang silid.
“Pinapalipat ka raw ni Ama sa bagong silid. Napagsabihan ko na siya sa mga nangyari sa’yo at ngayon, inatasan pa akong magbantay sa’yo. Tsk,” sabi niya.
“Kaya ko naman ang sarili no. Hindi ko na kailangan ng bantay tulad mo.”
Lumapit naman siya sa akin at napamewang sa harap ko. “Oo, kailangan mo, lalo na’t sa susunod na mga araw, bibisita ka ulit doon sa Silangang Serentos upang dumayo sa kaarawan ng yumao mong Ina. May kakaiba na ngang nangyayari ulit sa ‘yo ngayon dito, pa’no pa kaya kapag lumabas ka na sa Academia?”
Dahil sa sinabi niya, naalala ko na papalapit na ang kaarawan ni Ina, kaya lalabas ulit ako para bisitahin ang kaharian.
BINABASA MO ANG
Ave Fénix II: Muling Pagsiklab [COMPLETED]
FantasyBook 2 of 3 Formerly titled as "Pecularia II: Ang Ikalawang Yugto" Pagkatapos ang pagkabagsak ng kaharian ng Silangang Serentos, ipinagpatuloy nina Xandrus at Jai ang kanilang mga buhay sa Academia de Pecularia hanggang sa pagsapit ng kanilang ikaap...