Third Person's POV
Sabay-sabay na naglakbay ang magkakaibigan na pinangungunahan ni Jai, at kasama rin nila si Bela, ang bagong parte ng kanilang grupo. Sa pamamagitan ni Bela, mas napadali ang kanilang pagtungo sa hangganan ng lupain ng Tareen. Ang grupo, maliban kay Bela, may kaunti pa ring pangamba na baka bumalik ang alaala ng dati nilang kaibigan na naging kaaway, ngunit isinantabi nila muna iyon dahil sa panibagong problema na kakaharapin nila.
Sabay-sabay nilang binigkas ang enchanta at nagkaroon ng lagusan upang makatawid sila sa kabilang lupain, ang lupain ang Serentos. Medyo nakakaramdam na ng panghihina ang bago nilang kasama dahil sa paggamit ng kapangyarihan niya at sa dami nila, kaya nagpasya muna silang maglakbay muna hanggang sa makakaya sa kanilang pagtapak sa lupain.
Nagtungo sila pasilangan mula sa kagubatan hanggang sa nagdesisyon muna silang magpahinga saglit upang makabawi ng lakas bago sila makarating sa Palasyo. Tamang-tama lamang ang lugar na narating nila upang maging pahingaan.
Sa oras din na iyon ay mas nakausap pa nila si Bela ngunit 'di nagtagal ay nakatulog rin ito dahil sa pagod, habang ang iba naman ay patuloy na nagmamasid sa paligid kung sakaling may paparating sa lugar. Kinamusta naman ng magkakaibigan ang kalagayan ni Xandrus, sapagkat kay tagal ng panahon simula noong hindi na nila ito nakita sa Academia nang manungkulan si Guro Giz bilang Punong-Guro.
"Natatakot akong maulit ulit ang nangyari noon," pangamba ni Xandrus nang pinagmasdan niyang natutulog si Jai sa tabi ng puno.
"Wala na ba talagang natirang kapangyarihan sa'yo? Eh halos nasira mo nga ang Academia noong umalis ka," tanong ni Rafaela ngunit dismayadong umiling lang siya.
"Bumalik lahat kay Jai. Ngayon, pakiramdam ko nawalan na akong silbi. 'Di ko na siya mapoprotektahan."
"Yung kapangyarihan ni Jai galing sa pusa niya, nasa kanya pa rin? Ibig sabihin ba nito, dalawa na ang taglay niyang kapangyarihan?"
"Di ko alam. Tanungin na lamang natin siya pagkagising niya," kibit-balikat ni Xandrus saka niya nilapitan ang kanyang kasintahang mahimbing na natutulog.
Alam niyang nag-alala rin si Jai sa mga nangyayari ngayon, kaya inalala niya ang kanyang pangakong poprotektahan siya kahit anong mangyari, meron man o walang kapangyarihan. "Mahal kita," bulong niya saka bumitaw ng halik sa noo ni Jai.
Inabutan na sila ng sikat ng araw at saka naman sila nagpatuloy sa kanilang paglakbay palabas ng kagubatan hanggang sa narating nila ang Barrio La Trinidana. Masaya na sana si Jai sa kanyang muling pagbalik ngunit malayo na sa kanyang inaasahan ang kahihinatnan ng bayan.
Malayo na sa sobrang matao ang barrio. Napakatahimik, at walang makikitang mga tao na nagpagala-gala sa lugar. May nakasalubong sila ngunit agad namang tumakbo paalis dahil sa matinding takot. Mas lalong lumaki ang pangamba ni Jai dahil sa biglang pagbago ng barrio kaya nagmadali siya papunta sa Palasyo kasama ang mga kaibigan niya.
Pagdating niya sa tarangkahan ng Palasyo, bantay-sarado pa naman ito ngunit pansin niyang kakaunti na lang ang nakabantay rito. "Ginoong Jai, nakarating na kayo. Hinahanap ka ng mahal na Hari," bungad ng bantay kay Jai na agad nakakilala sa kanya.
Pinapasok siya maliban sa mga kasama niya. Walang magawa ang mga kaibigan niya kaya mag-aantay na lamang sila kay Jai. Si Jai naman ay dali-daling tumakbo hanggang sa nadatnan niyang kay raming bangkay na tinabunan ng tela ang nakahandusay sa labas ng Palasyo. Pagpasok niya sa loob ay agad siyang binungad ng kawal at ng Hari.
Magbibigay-galang pa sana siya ngunit agad siyang niyakap ng kanyang pinsan. "Sobrang nag-alala ako sa'yo," sabi ng Hari.
Ramdam ni Jai ang pag-alala niya sapagkat kay higpit ng yakap niya. "Pasensya ka na, mahal na Hari, kung nagmatigas ang aking ulo."
Nang bumitaw na sila, agad namang tinanong ni Jai ang nangyari sa Palasyo. "Anong nangyari dito? Bakit maraming patay sa labas?"
Humakbang ang isang kawal ang sinasagot si Jai. "Ginoo, inatake ang Palasyo noong isang gabi matapos raw ang iyong paglisan. Dahil sa 'di inaasahang pag-atake, maraming lubhang nasugatan at karamihan sa kawal ay nasawi nang kami ay nakabalik rito."
"Si Ginoong Gabreil?"
"Malubha ang kanyang kalagayan. Kasalukuyang siyang ginagamot ngunit sa dami ng dugo na nawala sa kanya, nananganib pa rin ang buhay niya."
Hindi makapaniwala si Jai sa kanyang narinig mula sa kanila. Lumuhod na lamang sa harap ng Hari na ikinagulat nila. "Humihingi ako ng tawad dahil hindi ko nagawa ang tungkuling ibilin sa akin ng mahal na Hari. Dapat akong maparusahan dahil sa kapabayaan ko—"
"Jai, tumayo ka. Hindi ka dapat humingi ng tawad. Ang mahalaga ay nasa maayos ang iyong kalagayan sapagkat ikaw ang pakay ng mga lumusob."
"Anong ibig mong sabihin?"
Naputol naman ang kanilang pag-uusap nang nakarinig sila ng ingay mula sa labas. "Sino sila?" tanong ng Hari nang makitang may isang grupo ng kabataan sa labas ng tarangkahan.
"Mga kaibigan ko po sila mula sa Academia."
Inutusan naman niya ang isang kawal upang ipapasok sila sa Palasyo. "Bakit naririto?" takang tanong ng Hari.
"Nanganib ang buhay namin sa Academia. Nang ako'y umalis, nagtungo ako sa Enchares upang makahanap ng sagot sa aking mga katanungan. Nagpasya naman akong bumalik sa Academia ngunit nagbago na ang lahat doon at nagulat na lamang ako na pinagbubuntungan na ako ng galit doon," paliwanag ni Jai.
Nang nakapasok ang mga kaibigan niya, nagbigay-galang naman sila sa Hari nang bigla niyang inutasang dakpin si Bela. "Ba't ka naririto? 'Di ba't nasa kulungan ka ngayon?!" maawtoridad na sabi ng Hari na siyang ikinagulat ni Bela na walang kaalam-alam sa nangyayari.
"Huminahon ka muna, insan. Magpapaliwanag ako," pagpigil niya sa Hari saka niya pinapabitaw si Bela.
"Ano bang nangyayari? Ba't lahat na lang tao na nakakasalubong ko, parang may galit sa akin?" sabi ni Bela sa mga kasama niya.
"Napagkakamalan ka lang, pasensyahin mo na," pilit na pagpapaintindi ni Rafaela sa kanya.
Pansin nilang napakagulo pa ng palasyo na parang bang nilooban ng mga magnanakaw ngunit hindi na sila nagsayang pa ng oras at nagtungo sa sa isang silid kung saan sila magpupulong tungkol sa mga sunod-sunod na nangyayari sa loob at labas ng lupain ng Silangang Serentos at paglusob ng isang grupo sa Palasyo.
BINABASA MO ANG
Ave Fénix II: Muling Pagsiklab [COMPLETED]
FantasyBook 2 of 3 Formerly titled as "Pecularia II: Ang Ikalawang Yugto" Pagkatapos ang pagkabagsak ng kaharian ng Silangang Serentos, ipinagpatuloy nina Xandrus at Jai ang kanilang mga buhay sa Academia de Pecularia hanggang sa pagsapit ng kanilang ikaap...